Janno Gibbs yearns for TV return; sheds “laging late” reputation

Matagal-tagal nang walang regular TV show si Janno Gibbs.

Huli siyang nag-host sa defunct noontime show ng NET25 na Happy Time, na iniwan niya noong Pebrero 2021.

Before that ay naka-three months siya sa Kapamilya teleseryeng FPJ’s Ang Probinsyano.

Kumusta ang career niya ngayon?

“Okay naman. Could be better,” sambit ni Janno sa closing ceremony ng 4th Philippine Film Industry Month (PFIM) nitong Setyembre 27, 2024, Biyernes ng gabi, sa Seda Vertis North, Quezon City.

janno gibbs and the dancers at the closing ceremony of 4th Philippine Film Industry Month (PFIM) held on september 27, 2024
Janno Gibbs was invited to perform at the closing ceremony of 4th Philippine Film Industry Month (PFIM) held on September 27, 2024.

Photo/s: Jerry Olea

ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓

Sabi ni Janno, “Well, last movie ko yung first directorial job ko, Itutumba Ka Ng Tatay Ko.

“Ngayon, nagpi-pitch na uli ako kasi gusto ko nang ituloy na ako yung direktor. Nag-enjoy ako, e. So itutuloy ko na yun. I’m pitching new ideas, ganun.

“Pero sana, TV show. Siyempre, kailangan ko ng TV. Kunin naman sana ako ng mga TV network.”

As actor or as director?

“As actor, as actor, oo.”

Alin ang mas matimbang sa kanya, acting o directing?

“Ahhh habang puwede-puwede pa yung itsura ko. Hahahaha. E, mag-aartista muna,” tugon ni Janno.

“May contract din naman ako sa Viva, e. Mahaba pa yung contract ko as artista. Siguro after nun, ahhh, puwede nang mas mag-concentrate ako sa directing.”

JANNO GIBBS SHAKES OFF “LAGING LATE” TAG

Ano ang mensahe niya para sa mga producers, directors, o nagka-cast sa TV shows na tila nakalimutang andiyan pa siya?

“Alam mo kasi, nagkaroon kasi ako ng reputation na unprofessional, ganun-ganun,” pagmamatwid ni Janno.

“Which is kasalanan ko rin. Kasi, kita mo naman, sa Instagram, pangalan ko, jannolategibbs.

“Ginagamit ko na kasing joke, alam mo na. Pag nag-i-spiel ako sa shows, ‘Alam niyo naman ako, laging late, e.’

“When in fact, pag tinanong mo yung production, yung late ko na yun, hindi naman masyado yun. Fashionably lang, you get me?

“Tama lang. Never akong naging cause ng delay. ‘Hindi tayo makapag-umpisa, wala pa si Janno!’ Never namang nangyari iyon.

“And especially now. Ahhmm kasi nga, medyo nabansagan akong ganun. Nagkaroon ng time, wala nang gustong kumuha sa akin.

“So when I entered Viva, sabi ko, ‘Kailangang ayusin ko ito. Kailangan, hindi ako mapahiya dahil kinuha ako ng Viva ulit.’

“So simula nang nag-enter ako ng Viva, hindi na ako nale-late sa shooting talaga, kahit yung konting late lang. Hindi!

“Pag sinabing 8:00, 6:00 A.M., andoon ako.”

janno gibbs

JANNO GIBBS ON HOW SOCIAL MEDIA HAVE CHANGED SHOWBIZ

Aminado si Janno na nami-miss niya ang telebisyon.

Alam din niyang nag-iba na ang viewing habits ng mga tao sa paglaganap ng streaming platforms at online shows.

Dagdag pa rito ang pagdami ng competition pagdating sa public attention.

Ani Janno, “Saka andami na ring artista, andaming bago. Medyo mahirap talaga ang labanan ngayon dahil sa dami.

“Kasi ahhh ambilis sumikat ng mga tao dahil sa social media. Tiktok, mag-viral ka lang, kukunin ka ng artista. Gagawin ka ng artista, ‘Oh, nag-viral ito! Kunin natin ito!’

“So medyo mahirap ang labanan ngayon.”

Pero andiyan pa rin ang mga beteranong artista na may napatunayan na at sanay na sa trabaho. Nagpapahinga man ay nakakabalik pa rin sa eksena.

“Ahhh well, nakikita naman nila na hindi necessarily yung malakas sa Tiktok, e, pag nilagay mo sa TV or pelikula, e, magiging successful,” susog ni Janno.

“Hindi necessarily. Merong mga masuwerte. Siyempre iba yung Tiktok, social media, maiksi lang.

“At saka ang ginagawa nila, yung gusto lang nila. Pag pinagawa mo na ng… pag binigyan mo na ng script, e, ibang usapan na iyon.”

Sa tingin ba niya ay mas magtatagal iyong nagpakahirap sa pag-aartista kesa sa mga biglang boom sa social media?

“Definitely, definitely. Yes, yes, kasi experience. You cannot compete with experience,” sabi ni Janno.

“Pero merong a few na talagang siguro nag-start lang sa Tiktok, pero may talent talaga.”

Sa dami ng mga nagsulputang content creators at influencers, iilan ang sadyang umaangat at tinatangkilik nang lubos ng netizens. Iilan rin lang ang nagtatagal talaga.

Naalala tuloy ni Janno nung panahong ang GMA-7 show na That’s Entertainment ang gateway ng maraming kabataan na gustong pasukin ang showbiz.

“Mabilis ang turnover ngayon, e. Mabilis. It’s very easy para sa mga celebrities ngayon.

“Kasi isipin mo dati, wala kaming social media, mga That’s Entertainment, kami yung panahon na sina Joshua [Garcia] at… di ba? Kami ang mga love team, di ba?

“Isipin mo, walang social media noon. Magasin lang, di ba? Pag gusto mong makita kami, pupuntahan mo talaga kami sa Broadway Centrum, sa shooting.

“Ngayon, ambilis, e. Kaya mabilis ding lumaki ang ulo ng iba.”

“Hindi naman lahat, ha, pero yung mga bagets na iba, feeling nila, ‘Andami kong followers! Sikat na ako!’

“E, yung iba dun, Team Bahay lang, di ba? Or baka nasa abroad, di ba?”

Noong late 1980s at 1990s na kasagsagan ng career ni Janno ay hindi pa uso ang internet at cellphone. Wala pa noong social media.

JANNO GIBBS STILL MISSES HIS DAD RONALDO VALDEZ

Kumusta na siya ngayon personally? Naka-recover na ba siya sa matinding pagsubok at pagdadalamhati na dulot ng pagkamatay ng kanyang ama na si Ronaldo Valdez?

“Ahh well, oo. Sa daddy ko, nakatulong yung ano, malaking tulong… kasi, most of my family, medyo hindi pa rin ano, hHindi pa rin okay. Ako rin, meron pa rin akong episodes na bigla kong naaalala, nakalimutan ko na, ‘Ay! Wala na nga pala.’

“Minsan halimbawa, may occasion kami, may party, parang iniisip ko, ‘Ay! Makikita ko ulit ang daddy ko.’ ‘Ahhh! Wala na nga pala.’

“Pero nakatulong nang mabuti sa akin, ako ang pinakamaagang naging OK.

“Kasi yung mga interbyu ko, Kapuso Mo, Jessica Soho, kay Karen Davila, kay Boy Abunda—nailalabas ko.

“Naiiyak ko na, ganun. So malaking tulong yun. Parang therapy yun, di ba?

“Siyempre yung family ko, hindi naman nila nagagawa yun, e, nailalabas yun.”

Ang daddy ni Janno ay pumanaw noong Disyembre 17, 2023.

Samantala, tampok si Janno sa opening number at finale ng 4th PFIM closing ceremony na The Filmmakers Night.

Lolo ni Janno si Direk Gerry de Leon, na isa sa labing-isang National Artists for Film and Broadcast Arts na pinagpugayan ng FDCP sa 4th PFIM celebration.

Maliban kay Janno, performers sa naturang closing ceremony sina Nina, 92AD, SPEED Dancers, at Justin Piñon (The Mental Assassin).

Ang nag-host ay sina Justin Quirino at Gretchen Ho.