Janine Gutierrez asked about real score with Jericho Rosales

Bakas ang saya at kilig kay Janine Gutierrez, 35, nang tanungin tungkol sa estado ng relasyon nila ni Jericho Rosales, 45.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portals) at piling reporters at vloggers si Janine sa press junket ng Lavender Fields.

Ipinarating kay Janine ang kagustuhan ni Jericho na humingi muna ng permiso sa kanya bago nito ihayag kung sila na nga ba.

“Pabalikin na lang natin siya. Mamaya, mamaya,” napangiting tugon ni Janine.

Tinawag pa ng PEP.ph si Jericho para ito na mismo ang magsalita kasabay si Janine, pero mailap na ang aktor matapos itong makapanayam noong araw na iyon.

Hindi naman itinago ni Jericho ang paghanga kay Janine at inaming gustung-gusto nila ang isa’t isa.

Sa parte ni Janine, hindi rin nito itinangging magkasundo sila ni Jericho sa maraming bagay.

Iyon daw ang natuklusan niya, lalo na nang magkasama silang nag-travel sa Japan.

ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓

Ayon kay Janine, “He’s super patient. Sobrang saya niya kasama mag-travel.

“Pareho kami na chill lang. Hindi yung sobrang, ‘8 A.M. nandito na tayo, 10 A.M. andito tayo.’

“Tapos, super supportive niya.”

Dumalo noon si Janine sa Tokyo Film Festival para irepresenta ang Phantosmia, ang pinagbidahan niyang pelikulang idinirek ni Lav Diaz.

Si Jericho raw ang numero unong excited para kay Janine.

“Nag-travel naman talaga ako to attend the filmfest, the Tokyo Film Festival.

“Pero actually, he really helped me na makapunta dun. Siya yung nagre-remind na, ‘O, ipa-block off mo na.’

“Kasi invited din kami dapat sa Busan. Pero, conflict siya sa schedule ng Lavender Fields.

“Pero nalungkot ako na hindi ako nakapag-Busan kasi nandun yung crush ko, si Park Seo Jun.

“Hindi, bonus na lang si Park Seo Jun. Hahaha!”

Patuloy ni Janine: “Pero, I mean, pangarap ko talaga yung mga international film festival. But we were filming Lavender Fields.

“So, nung na-invite for Tokyo, siya yung parang, ‘Kailangan hindi mo na palampasin iyan. Magpaalam ka nang maayos.’

“So, grateful talaga ako sa Lavender Fields na pinayagan nila ako to attend and to be in that film.

“So, supportive siya in that way about work and my other projects.”

Una nang ipinakita ni Janine sa kanyang vlog ang food trips nila ni Jericho sa Japan.

Makikita roon na si Jericho ang kumuha ng video kay Janine, at pinakaunang nag-congratulate sa dalaga matapos ang film screening ng Phantosmia.

Mapapanood din sa vlog na “Baba” ang term of endearment nila Jericho at Janine sa isa’t isa.

ON WORKING WITH JERICHO AS AN ACTOR

Samantala, isa sa mga di malilimutang karanasan ni Janine sa Lavender Fields ay ang oportunidad na makatrabaho si Jericho, na dati ay napapanood lang daw niya noong Kapuso star pa siya.

Saad ni Janine, “Dito lang naman kami naging close. Hindi naman kami talaga kami magkakilala before.

“Nakilala ko siya better as the show progressed.

“Pero masaya siya katrabaho kasi you feel safe.

“Tsaka alam mo na on the same page kayo na gusto niyo talaga gawin lahat para pagandahin yung eksena. Hindi ka mahihiya.”

Pinag-uusapan daw talaga ni Jericho ang atake sa bawat eksena.

“Oo, especially nung umpisa. Kasi nag-umpisa kami na magkagalit kami sa isa’t isa. Wala kaming na-establish na back story na sweet.

“Kinailangan talaga namin na i-establish iyon in our heads lang behind the scenes.

“For it to work na ganun kagalit si Iris, kailangan talaga sobrang nasaktan siya and na-betray.

“Of course, along with the help of the writers, marami naman kaming flashback na sweet. Yung yung pinanghawakan namin para ma-achieve yung away-mag-asawa nila.”

WHAT JANINE APPRECIATES ABOUT JERICHO

Ano ang na-discover ni Janine kay Jericho bilang actor?

Sagot ni Janine: “I knew naman talaga na magaling siya umarte. Alam naman nating lahat iyon.

“Pero nalaman ko na kahit Jericho Rosales na siya, sobrang game pa rin siya mag-workshop, mag-aral, maging geeky sa pag-iisip ng gagawin sa eksena at sa script.”

Na-appreciate raw iyon ni Janine.

Paliwanag niya: “Kasi he takes the time before the scene starts, napag-usapan na. ‘O eto, gagawin ko dito.’

“At least, aligned talaga kayo. And then we talk to Direk about it.

“So, sobrang collaborative siyempre kasi Direk Manny [Palo], Direk Jojo [Saguin], tinutulungan talaga kami kung paano ma-achieve yung mga eksena.

“Nagpapasalamat talaga ako sa mga director namin na talagang inalalayan kami, especially me, nahirapan talaga ako sa role.”

Sa huli, ibinalita ni Janine na magkakatrabaho ulit sila ni Jericho sa isang Kapamilya teleserye na may titulong The Accused.

Una raw iyon inanunsiyo sa ABS-CBN Christmas Special nung December.

“Looking forward din dun sobra,” ani Janine.

Katuparan ito ng kagustuhan ni Jericho na makatrabaho ulit si Janine.