Isko Moreno appeals for prayers for Dr. Willie Ong

Ikinalungkot ng dating Manila mayor na si Isko Moreno ang balitang may cancer ang malapit na kaibigan niyang si Dr. Willie Ong.

Isko Moreno
Willie Ong
Isko Moreno with former running mate, Dr. Willie Ong

Photo/s: Jerome Ascano / Dr. Willie Ong Facebook

Sabado, Setyembre 14, 2024, nang biglain ni Doc Willie ang publiko matapos lumabas ang video nito na ipinapaalam na meron siyang abdominal cancer at sumasailalim siya sa chemotherapy.

Nung August 29 pa diumano ni-record ni Doc Willie ang video subalit kahapon niya lang ito inilabas sa social media.

Malalim ang pinagsamahan nina Isko at Doc Willie na naging mag-running mate pa nung tumakbo sa pagkapangulo ang una nung 2022 national election.

Sa huli ay hindi pinalad ang dalawa na manalo: parehong nasa fourth place sina Isko at Doc Willie sa pangkapangulo at pagka-bise presidente ayon sa pinal na talaan ng Commission on Elections (COMELEC).

ISKO REVEALS CONVERSATION WITH DOC WILLIE

Nanawagan si Isko sa publiko na ipagdasal ang sikat na doktor at content creator na malagpasan nito ang pinagdaraanang pagsubok.

“Nalulungkot ako at the same time hoping for his quick recovery. Sabi ko maraming nagmamahal sa kanya at umaasa sa mga gabay at payo niya sa kalusugan na mga kababayan natin,” sambit ni Isko sa isang pahayag na iniulat ng GMA News.

Dugtong pa ng dating alkalde: “Sinabi ko tatagan niya ang kanyang kalooban at may awa ang Diyos na malalagpasan din niya ang pagsubok na kinakaharap niya.”

Bukod kay Doc Willie ay nakausap din daw ni Isko ang maybahay nito na si Dra. Anna Liza Ramoso.

ISKO MEETS CANADIAN PRIME MINISTER

Samantala, kamakailan ay kinaaliwan ang video kung saan nakunan ang interaksyon ni Isko at ng Canadaian Prime Minister na si Justin Trudeau.

Nangyari ang pagkikita nila nung Agosto sa Taste of Manila event sa Toronto, Canada.

Kasama si Isko sa delegasyon ng GMA Network stars na nagpunta sa Toronto para pasayahin ang mga Pilipino doon.

Sa video ay makikitang ipinakilala si Isko kay Justin at nagkamay ang dalawa at nag-usap.

Maugong ang usap-usapan na may plano muling tumakbo bilang alkalde ng Maynila si Isko sa paparating na eleksyon, pero wala pang opisyal na pahayag ang kampo niya tungkol dito.