How Tessie Tomas dealt with unprepared co-star in Dirty Linen
Masaya si Tessie Tomas dahil halos 44 years na siya sa showbiz.
Naranasan niyang maging drama actress, komedyana, impersonator, at host.
Nakasalamuha niya rin ang mga iba’t ibang artista mula 1980s hanggang sa kasalukuyan.
Kumusta naman ang kabataang artista ngayon kumpara sa panahon nila noon?
“Napakabigat ng mga tanong na iyan, ha,” ang tumatawang sagot ni Tessie sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kamakailan para sa pelikulang Senior Moments, kung saan kasama niya sina Nova Villa at Noel Trinidad.
Dagdag niya, “Siyempre, ang nakikita ko ay napaka-gadget conscious nila, their attention is very limited.
“Therefore they have to be always told and guided na, ‘Huwag mo namang dalhin ang cellphone mo sa set,’ ‘Mag-memorize ka naman,’ Dibdibin mo naman.’”
Rebelasyon ng veteran actress, may nasita na siyang nakababatang artista.
“Meron na, dun sa Dirty Linen noon.”
Ang Dirty Linen (2023) ay isang Kapamilya revenge series na pinagbidahan ni Janine Gutierrez, kasama sina Zanjoe Marudo, Seth Fedelin, at Francine Diaz.
Gumanap si Tessie rito bilang matriarch ng Fiero family na si Doña Cielo.
Sa pagpapatuloy ng kanyang kuwento, “Alam mo ang maganda, nakikinig sila because they respect me and they know that, you know, I am who I am because of my discipline.
“Discipline, commitment, kailangan nila, focus, focus.”
Sino iyong nasita niya?
“Huwag na. Hahahaha! Lalaki!”
tessie tomas on celebrities running for politics
Nalalapit na ang eleksyon sa Mayo 2025, at tila record-breaking ang dami ng mga artistang magtatangkang pasukin ang mundo ng pulitika.
Ano ang pananaw ni Tessie sa maraming artistang nag-file ng kani-kaniyang certificate of candidacy?
“Oo nga, dadahan-dahanin ko ng pagsasalita, baka mamaya one day kumandidato din ako,” at muli siyang tumawa.
“Siguro lang isipin niyo, kayo po ba ay college graduate? Kayo po ba ay may alam sa political science and right governance?
“Kung medyo masasagot mo yun at tingin mo qualified ka, okay, pero… at saka siguro huwag naman sa itaas ka kaagad.
“Councilor, mayor, congressman, governor, vice governor, huwag naman sa itaas agad magsimula, para hindi tayo mapulaan.”
Ano ang naramdaman niya sa mga nakita niyang kakandidato na mula sa showbiz?
“Merong ano tawag dun, may deserving, merong hindi qualified, ayokong… kasi mga kaibigan ko sila.”
tessie tomas not entering politics
Si Tessie ba ay sumubok na rin na maging public servant?
“Meron, merong talaga na as early as 1991 up to 1994, kasagsagan ko sa TNT, talagang…”
Ang tinutukoy ni Tessie ay ang kanyang talk show na Teysi Ng Tahanan, na umere sa ABS-CBN mula 1991 hanggang 1997.
Pagpapatuloy pa ng aktres, “At saka ang pressure, governor of Western Samar, pero…
“Kasi ayaw ng asawa ko, si Roger Pulin, ayaw na ayaw niya. Ako rin naman wala, wala akong masyadong hilig, buti na lang.
“Meron akong lolo na naging mayor ng Samar.”
Sa halip na pasukin ang pulitika, mas pinili ni Tessie na maging aktibo sa pagtulong sa mga non-government organizations o NGOs.
Paglahad niya, “Kasi 25 years na akong nagso-social work sa Mindanao. Tumutulong ako sa isang NGO at hanggang ngayon tumutulong ako sa Samar Foundation, happy na ako dun.
“Tumutulong ako sa Samar Foundation at dun sa isang NGO noon sa Mindanao for Muslims.
“Di ba when you’re an NGO, you’re neutral. At saka wala kang hidden agenda e, feel good.”
Bagamat sumikat si Tessie noon sa panggagaya niya sa dating First Lady na si Imelda Marcos, hindi niya gustong pasukin ang pulitika.
“Tingin ko yung ganda kong ito, mukha na siguro akong 90 years old kung pumasok ako sa politics,” ang tumatawang pagwawakas ni Tessie, na looking young talaga sa edad na 74.
Naganap ang panayam na ito sa red-carpet premiere ng Senior Moments sa Cinema 5 ng Gateway Mall sa Quezon City.