Hontiveros suportado ang pagpapakansela ng Office of the Solicitor General sa birth certificate ng Guo

Inihayag ni Senate Committee on Women Chairman Senadora Risa Hontiveros na nararapat lamang na ipakansela ng Office of the Solicitor General ang birth certificate ni suspended Bamban Mayor Alice Guo.

Ayon kay Hontiveros, mas mabuti pang kumalas na ito at ilantad na ang mga nasa likod ng malawakang scam enterprise sa Tarlac at sinabihan na magsalita na matapos na maghain ang OSG ng petisyon para sa kanselasyon ng kanyang “certificate of live birth.”

Aniya kinakailangang humarap na rin sa susunod na pagdinig si Guo at magpakatotoo na lalo pa’t napatunayan na iregular ang kanyang birth certificate.

Maalala na tinaggihan ni Guo ang nakaraang pagdinig sa imbitasyon ng Senado dahil sa stress at anxiety na kanyang naramdam.

Gayunpaman ay kumbinsido si Senador Sherwin Gatchalian na hindi inaatake ng anxiety ang alkalde at ginawa lamang niya itong dahilan upang hindi makadalo sa pagdinig ng senado.

Sa oras na talikuran aniya ni Guo ang imbestigasyon sa susunod na Linggo ay ipaco-contempt at papatawan na ito ng arrest warrant ng komite.