Henry Omaga-Diaz TV Patrol final broadcast

Binigyan ng pagpupugay ng TV Patrol anchors na sina Noli de Castro, Bernadette Sembrano, at Karen Davila ang kanilang kasamahang si Henry Omaga-Diaz.

Ngayong Biyernes, August 30, 2024, ang huling gabi ni Henry bilang anchor ng Kapamilya news program.

Matapos ang 33 taong pagsisilbi sa ABS-CBN at pagiging anchor ng halos walong taon sa TV Patrol, lilisanin na ni Henry ang Pilipinas para manirahan sa Canada kasama ang kanyang pamilya.

Base sa Instagram posts ni Henry, tila sa Yellowknife, Northern Canada, kung saan prominente ang Aurora Borealis dance, ang magiging bagong tirahan ni Henry.

HENRY OMAGA-DIAZ TRIBUTE

Sa huling gap ng TV Patrol ngayong gabi, isang VTR ang ipinalabas kung saan inalala nila ang broadcasting career ni Henry.

Nagsimula siya sa pagiging radio reporter sa DZMM, kung saan ang titulo niya ay Radyo Patrol 14.

Kalaunan, napunta siya sa telebisyon kung saan malalaking balita ang kanyang tinutukan.

Kabilang na rito ang pagputok ng Mount Pinatubo, pagpapalaya ng OFW na bihag na si Angelo dela Cruz, at ang pagiging mukha niya ng investigative journalism sa ABS-CBN News.

Naging host siya ng XXX (Exklusibong, Explosibong, Exposé) at Krusada.

Hanggang sa maging anchor siya ng Balitang Middle East at kalaunan ay naging anchor ng TV Patrol Weekend at primetime TV Patrol.

Pagkatapos nito ay nagbigay ng mensahe kay Henry ang kanyang pamilya sa Canada, sa pangunguna ng misis niyang si Gigi Omaga-Diaz.

Mensahe ni Gigi, “Well, finally the day has come. After a very long wait, you will now be joining me here in Canada.

“I know it was a tough and difficult decision for you to leave something that you’re most passionate about, the things that you love to do most, and have dedicated your entire career to your Kapamilya.

“But with God’s blessing, I’m sure you will find ways and opportunities for you to share your stories here.

“This is home and we are happy and excited for you to be here.

“I love you. God bless and see you soon.”

Gigi Omaga-Diaz, wife of Henry

TV PATROL ANCHORS MESSAGEs FOR HENRY

Matapos nito, isa-isa ring nagpaabot ng mensahe ang mga kasamahan ni Henry sa TV Patrol.

TV Patrol anchors

Una na rito si Noli de Castro.

Sabi nito, “Siguradong mami-miss po ng ating mga Kapamilya na gabi-gabing nakatutok sa TV Patrol, si Henry, ngayong biyahe ng Canada ka na.”

Kasunod nito ang pagbibigay nila ng mga souvenir para kay Henry kabilang ang cap na may TV Patrol logo at isang sweatshirt na may nakaburdang HOD o “Henry Omaga-Diaz” at “14” bilang numero niya noon sa Radyo Patrol.

Henry Omaga-Diaz gifts

Hiningan naman ni Karen Davila ng mensahe si Henry.

Sabi ni Henry, “Mami-miss ko kayang lahat.

“E, si Kabayan, o, sa make-up room, araw-araw, wala kaming ginawa kundi mag-marites, mang-alaska ng mga tao.

“At hindi lang yan ha at na-extend pa minsan, kahit weekend. Ayan.

“Nagkaka-coffee kami ni Kabayan. Nag-dinner. Nagma-marites pa rin.

“Karen, Bernadette, yung inyong mga… Si Karen, mahilig mag-advice, e.”

Sabi ni Bernadette, “It’s about you. It’s okay. We’ll miss you. Ingat ka, ingat ka.”

Tanong ni Karen, “Henry, gaano ka na katagal sa ABS-CBN?

Sagot niya, “1991, so 33 years, tuluy-tuloy.”

Mensahe naman ni Henry sa mga crew sa newsroom: “Ever since ano sa, lalung-lalo na dito sa newsroom, grabe po ang naging suporta ng ating, ng aking mga kasamahan.

“Sa newsroom, hanggang sa pag-edit ng script, ng video, kahit na nung nagpa-Patrol na ako, yung kanilang mga mensahe, yung kanilang, actually, pinapakita yung kanilang pagmamahal sa inyong… yun ang pinakamagandang feeling, e.

“Yung inyong sariling kasamahan, yung mga colleagues, nakikita mo mismo yung pagmamahal nila.”

Dagdag na mensahe ni Bernadette, “Respeto. Saludo sa priorities mo. Iyakap mo na kami sa pamilya mo. Idol.”

Sabi naman ni Karen, “Ako naman, Henry, nag-usap tayo kanina. Nag-usap tayo kanina, Henry, at ito ang landas ng Panginoon para sa yo.

“So, kumbaga, ang Panginoon may plano para sa ating lahat, at ang bilib ako sa yo is you take it with such grace.

“Ang hindi alam ng marami is on and off camera, napakabait mo. Wala kang masamang tinapay sa kahit kanino sa katrabaho mo.

“Napaka-humble mo, Henry. Wala kang dala-dalang yabang.

“So, I think you are a living example para sa aming lahat.

“I will miss you na ang isang tulad mo ay mawawala sa amin dito.

“But then, good luck. Good luck sa bago mong tatahakin.”

Mensahe naman ni Noli, “Tama yan. Good luck, Henry.

“Nag-usap na tayo kung anong gagawin mo habang nasa Canada ka.

“So, kung may problema ka, tawagan mo lang ako. Yung cellphone ko baka busy lagi. Henry, okay na?”

Huling mensahe ni Henry, “Pero, totoo yan ha. Kasi bibihira ako yung nasa…

“Well, napakasuwerte ko dahil araw-araw nakakasalamuha, nagtatawanan kami, mga living legends.

“Legends, as in kilala sa industriya, respetado sa industriya. Kabayan, Karen, at Bernadette.

“E, bibihira at hindi lang magkakasama. Nagkakatuwaan sa set, on and off the set.”

Mami-miss daw ni Henry ang mga biruan nila sa opening at closing spiels.

Sa huli, nagpasalamat si Henry sa lahat ng executives at sa pamunuan ng ABS-CBN News.

Unang nalaman ng publiko na huling araw na ni Henry ngayong Biyernes sa longest-running newscast on primetime television sa Instagram post ni Julius Babao.