Gerald Santos recalls how he dealt with trauma over sexual abuse

Noong August 2024 sumabog ang balita tungkol sa pag-amin ng male singer na si Gerald Santos na siya ay biktima ng pang-aabusong sekswal.

Nangyari umano ang insidente noong siya ay 15 taong gulang lamang noong 2005.

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong December 19, 2024, tinanong si Gerald kung na-trauma siya dahil sa karanasan niya.

“Siyempre nung umpisa, nung una, talagang traumatic. Very traumatic.

“Inano ko talaga, ininda ko iyon. May times na talagang takot ka na… Same kami ni Enzo.”

Ang tinutukoy ni Gerald na “Enzo” ay ang singer na si Enzo Almario.

Nang isinapubliko ni Gerald ang karanasan niya sa sa isang musical director, sumunod na umamin si Enzo nabiktima rin umano ng taong nangmolestiya kay Gerald.

Si Enzo ay 12 years old nang mangyari umano ang insidente noong 2008.

ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓

Tungkol sa epekto ng dinanas niyang pang-aabuso, patuloy ni Gerald: “Kasi si Enzo nagkuwento din siya, nung time na yun, siya daw nagkaroon siya ng phobia kapagka may nakakasama siyang matanda.

“So, ganun din sa akin. So pagka may kasama akong matanda, parang intimidated ako talaga. Takot ako. Feeling ko…”

Tingin niya may gagawing masama ang sinumang kasama niyang matanda?

“Oo, ganun. Nagkaroon ako ng ganoon before din,” sang-ayon ni Gerald.

Nagbibinata pa lamang si Gerald noong nakaranas siya ng sekswal na pang-aabuso.

Isang sensitibong tanong ang itinawid ng reporters.

Naapektuhan ba ang sexual at biological function niya bilang isang lalaki?

“Hindi naman. Hindi naman,” tanggi ni Gerald.

Hindi rin naman daw naging dahilan ang karanasan niya para tumaas o tumindi ang kanyang sexual desire.

Pero sabi rin ni Gerald: “Nung umpisa talaga parang… may takot.

“Nagkaroon ako ng parang pandidiri din, may ganun ka ring pakiramdam nung umpisa.

“But at that time kasi, actually, may girlfriend na ako nung time na yun, e. I have a girlfriend so, okay, okay naman.”

Kalaunan ay naging “normal naman” daw sila ng kanyang kasintahan.

GERALD SANTOS ON MESSAgE FOR HIS ALLEGED ABUSER

Labingsiyam (19) na taong nanahimik si Gerald bago nagkaroon ng lakas ng loob na isiwalat ang masakit na karanasan niya.

“There’s a time for everything,” ani Gerald.

Sabay paliwanag niya: “Tapos iyon nga, kasi I’m the breadwinner of the family so parang naging, imbes na mag-focus ako doon, parang sabi ko, ‘Kailangan kong kumayod na lang for my family.’

“So, naging busy ako about life. In-overcome ko, napilit ko siyang ma-overcome.”

Aminado si Gerald na hindi madaling proseso ang dinaanan niya.

“Nung umpisa siyempre, talagang may takot, may diri. Traumatized ka, minsan napapatulala ka na lang,” aniya.

Kung sakaling makakaharap niya ang umabuso sa kanya, may itatanong ba siya rito?

Sagot ni Gerald: “Wala naman akong itatanong sa kanya.

“Basta ang masasabi ko lang ayun, walang lihim na di mabubunyag.

“Kahit gaano katagal, biruin mo yun, 19 years lumabas pa rin, so hindi siya makakawala sa katotohanan, sa hustisya.

“Darating talaga yung hustisya sa bawat isa.”

gerald santos NO ISSUE WITH GAYS

Patuloy na aktibo si Gerald sa showbiz, partikular sa mundo ng pagkanta.

Hindi naman daw naging balakid ang kanyang karanasan sa alleged gay abuser para maging ilag siya sa gays.

Noon raw kasi ay binansagan si Gerald na homophobic ng ilang tao.

“Wala naman talaga akong problema sa mga gays. Wala naman akong isyu.

“Dahil lang dun sa nangyari na yun kaya parang ni-label ako nung time na yun.”

Pero kahit na matagal na panahon na ang lumipas, nagmarka raw kay Gerald ang karanasan niya.

“And then nitong lumabas yung isyu na iyon nagulat ako na somehow fresh pa rin siya.

“Nandun pa rin iyong sugat, siyempre nandun pa rin.

“Kasi never namang nagkaroon ng closure.”

Kung sakali, papayag daw si Gerald na maisapelikula o gawing sa isang episode ng Magpakailanman ang kuwento ng buhay niya.

Handa rin daw siyang ihayag ang buong kuwento ng pang-aabusong dinanas niya kahit na may taong masagasaan.

“Dito pa lang sa paglabas ko sa Senate may mga nasagasaan na ako, e, so parang wala na rin akong itatago.

“Siguro yung details na lang talaga yung makikita nila.”

Sino ang nais niya sanang gumanap bilang siya?

“Siguro kung tatanggapin, baka puwede si Alden,” pagtukoy niya kay Alden Richards.

UPCOMING CONCERT

Nakapanayam si Gerald ng PEP at tatlong entertainment reporters sa isang junket sa Relish restaurant sa Sct. Limbaga St., Quezon City.

Dito inilunsad ni Gerald upcoming concert niya na may titulong Courage.

Gaganapin ito sa SM North EDSA Skydome sa January 25. Isa sa special guests si Sheryn Regis.

Available ang tickets sa SM Tickets.

Ilo-launch sa concert ang advocacy ni Gerald na “Courage Movement.”

Ito ay naglalayon na makatulong sa mga biktima ng sexual abuse at harassment.

“We’re planning na magkaroon ng mga therapy na mga session for the victims,” ani Gerald.

Samantala, nito lamang January 10 ay ni-release ang latest single ni Gerald na “Hubad” sa lahat ng digital music platforms.

Ang “Hubad” ay composed ni Feb Cabahug.

May bagong pelikula rin si Gerald, ang Ayaw Matulog Ng Gabi, na ang scriptwriter at direktor ay ang NBI agent na si Ronald Sanchez.