Engineering student nasawi sa kasagsagan ng sinalihang Fun Run

CAUAYAN CITY Nasawi ang isang Electrical Engineering student sa Isabela State University-Ilagan Campus habang nakikilahok sa Fun Run ng unibersidad.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Alfonso “Cholo” Simon, Executive Officer ng ISU-Ilagan Campus sinabi niya na lumahok ang estudyante sa ginanap na fun run na bahagi ng kanilang Sports and Socio-Cultural Festival nang bigla itong bumagsak at mawalan ng malay.

Kinilala ang estudyante na si Timothy John Idago, 1st Year Student sa kursong Electrical Engineering at residente ng San Fermin, Cauayan City.

Ayon kay Engr. Simon, agaran namang nabigyan ng first aid at Cardiopulmonary resuscitation o CPR ang estudyante ngunit binawian din ng buhay.

Lubos ngayon ang pakikiramay ng pamunuan ng unibersidad at tiniyak ni Engr. Simon na magkakaroon ng pag-uusap bukas at pagbibigay na rin ng tulong sa pamilyang naiwan ng estudyante.

Isinailalim na rin sa counselling at psychological 1st aid ng kanilang Guidance Office ang mga classmates ng nasawing estudyante.