
#Eleksyon2025 sidelights: Youngest mayor, catchy campaign jingle
Maituturing na naging makulay ang 2025 midterm elections lalo na nang lumabas ang resulta ng nangyaring halalan noong Mayo 12, 2025.
Halimbawa, kumpara sa mga nakaraang eleksyon, maraming artista ngayon na tumakbo sa national and local posts ang hindi nanalo.
Kung anuman, nangangahulugan itong may nagbago na sa pananaw ng karamihan ng mga botante pagdating sa kandidatong iluluklok nila sa gobyerno.
Hindi rin nawalan ng drama at komedya ang eleksyong ito na nangyayari rin sa totoong buhay.
Tulad halimbawa ng nanalong mayor ng Rizal, Cagayan, na si Jamila Ruma.
Sa edad na 21, si Jamila ang pinakabatang mayor-elect sa bansa ngayong 2025 elections.
Kinagiliwan naman at nag-viral ang councilor-elect ng San Ildefonso, Bulacan, na si Nong Nong Bautista.
Ito ay dahil sa “pagmamakaawa” nitong iboto siya matapos ang ilang beses na pagkatalo.
JAMILA RUMA: YOUNGEST MAYOR IN 2025 ELECTIONS
Bittersweet ang pagkapanalo ni Jamila Ruma bilang alkalde ng Rizal, Cagayan.
Ang ama niyang si incumbent Mayor Joel Ruma ang talagang kandidato bilang re-electionist sa kanilang bayan.
Ngunit noong April 23, 2025, sa gitna ng kanyang pangangampanya, binaril ng mga armadong lalaki si Mayor Ruma na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Ayon sa mga pulis, nagmula ang bala sa isang sniper-rifle at patuloy pa ang imbestigasyon nila para matukoy ang salarin.
Sa pagpanaw ni Mayor Ruma, humalili sa kanya ang anak na si Jamila sa pagtakbo bilang alkalde.
Nanalo si Jamila, gayundin ang kanyang inang si Brenda Ruma bilang vice-mayor.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas, nagbitiw ng pangako si Jamila matapos manalo.
Pahayag niya: “Bilang susunod din po na pinakabatang alkalde po sa buong Pilipinas, I vow to be a great example of good governance po sa ating mga kabataan, kahit hindi po ganun kaganda ang istorya kung bakit nandito po ako sa sitwasyon na ito ngayon.
“Mai-inspire po natin ang susunod na henerasyon din po.”
Sabi pa ni Jamila: “I may be young, but public service knows no age.
“As long as determinado, buo ang loob, at maganda ang intensiyon mo na magsilbi sa iyong bayan, sa gabay po ng ating Diyos at sa patnubay rin ng aking ina na si Vice-Mayor Brenda, I know po that my father is extremely proud of me, for standing up for him.
“And I also know that he is watching over and guiding us through every step of our journey.”
Si Jamila ay nagtapos ng Development Studies sa De La Salle University, at consistent na nasa Dean’s List.

Photo/s: Facebook
Hindi si Jamila ang unang naihalal na mayor sa edad na 21.
Si Jose Antonio “Tonton” C. Bustos ay naihalal na mayor ng Masantol, Pampanga, noong 2022 elections.
Taong 2016 naman nang manalo bilang mayor ng Cabugao, Ilocos Sur, si Josh Edward Cobangbang.
CAMPAIGN JINGLE THAT WENT VIRAL
Napukaw naman ang atensiyon ng mga taga-San Ildefonso, Bulacan, sa ginamit na campaign jingle ng kandidato para konsehal na si Nong Nong Bautista.
Maging ang ibang netizens ay naaliw sa kanyang campaign jingle dahil sa lyrics na nagmamakaawang iboto siya.
Ito rin ang sinasabing rason kaya siya nag-No. 1 sa mga tumakbong konsehal sa kanilang bayan.
Sa tono ng musikang ginamit sa hit Korean Netflix series na Squid Game Season 2, ang campaign jingle ni Nongnong ay may catchy lyrics na “Parang awa niyo na, pangatlong laban ko na…”
Ito na kasi ang pangatlong beses na pagtakbo ni Bautista.
Paliwanag ni Bautista sa panayam sa kanya ng News5, “Nagmamakaawa na po talaga ako dahil gusto ko po talagang maglingkod sa bayan ng San Ildefonso.”

Photo/s: 105.1 Brigada News
Sabi naman niya sa 105.1 Brigada News: “Inisip ko po, ano ba magandang jingle? Nakikita ko po, naririnig ko po yung mga jingle, puro mga pangako, puro magagandang salita, panghihikayat sa mga tao, na sila ay iboto.
“Nakaisip po ako ng isang magandang kakaiba na tatatak sa tao, na itong tao na ito nagmaakawa dahil gusto ko lang maglingkod sa bayan ng San Ildefonso.”
Taong 2013 ay tumakbo si Bautista bilang kagawad, subalit natalo. Pero itinalaga siya ng kanilang barangay captain bilang kalihim ng barangay.
Source: #Eleksyon2025 sidelights: Youngest mayor, catchy campaign jingle