
Drag artist Pura Luka Vega acquitted of cybercrime charges
Pinawalang-sala ang drag artist na si Pura Luka Vega — Amadeus Fernando Pagente sa totoong buhay — sa kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act o Republic Act 10175.
Sinampahan ng kaso ng ilang religious groups si Pura dahil sa pagtatanghal niya sa isang bar noong July 10, 2023, kung saan nag-costume siya ng mala-Poong Nazareno gamit ang kantang “Ama Namin” o “The Lord’s Prayer.”

Photo/s: Screengrab from Instagram | @puralukavega
Sa inilabas na desisyon ni Presiding Judge Czarina Samonte-Villanueva ng Manila Regional Trial Court (RTC) branch 184, in-acquit si Pura Luka dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensiya.
Mababasa sa lumabas na desisyon: “Wherefore, premises considered, for failure of the prosecution to establish guilt beyond reasonable doubt, Amadeus Fernando Pagente, also known as Pura Luka Vega, is hereby acquitted for violation Article 201 of the Revised Penal Code, in relation to Republic Act 10175 or the Cybercrime Prevention Act.”
Napawalang-sala man, pinaalalahan ng korte si Pura na maging maingat sa kanyang mga susunod na pagtatanghal at siguraduhing walang matatapakan na sinuman.
Anila: “This is not to curtail his freedom or rights nor to regulate his acts to belong to a presumed majority but more to be compassionate on the community as a whole, especially with the accessibility of social media which makes it easy to record, upload and circulate materials which are readily available for consumption of the public.”
PURA LUKA Vega expresseS happiness over his acquittal
Wala namang mapagsidlan ang kasiyahan at pasasalamat ni Pura sa naging desiyon ng korte.
Ngayong Martes, June 10, 2025, naglabas siya ng pahayag sa pamamagitan ng Rainbow Rights Philippines, isang LGBTQIA+ (lesbian, gay, bisexual, and transgender, queer, intersex, and asexual) group kunsaan siya nanunungkulan bilang advocate officer.
Ayon kay Pura, iniaalay niya ang kanyang panalo sa lahat ng miyembro ng LGBTQIA+ community na patuloy na naninindigan at nakikipaglaban para sa kanilang karapatan.
Iginagalang daw ni Pura at ng grupo ang lahat ng karapatan sa pananampalataya ng mga tao, kabilang na sa mga nagsampa ng kaso laban sa kanya.
Pero giit ni Pura: “Ang aming sining at ekspresyon ay ang esensya ng demokrasya at kalayaan magpahayag.
“Iniaalay po namin sa komunidad ng LGBTQIA+ ang aming panalo sa kaso sa Maynila. Ang kaso ay isinampa ng ilang miyembro ng Hijos Del Nazareno laban sa akin.
“Una, ipinapahayag namin ang aming lubos na paggalang sa pananampalataya ng lahat ng tao kabilang na ang mga nagsampa sa akin ng kaso.
“Sa kabila nito, gusto rin po naming iparating na ang aming sining at ekspresyon ay ang esensya ng demokrasya at kalayaan magpahayag.”
Nagpasalamat din si Pura sa mga tumulong sa kanya sa panahon na “sinikil” ang kanyang kalayaan.
Sa huli, sinabi ni Pura na napatawad na niya ang mga kumutya sa kanya noon.
Saad niya: “Sa huli, matapang kong masasabing nanaig ang hustisya. Matagal ko na pong napatawad ang mga taong nangutya at nagdiwang sa aking pinagdaanan.
“Sa true lang, sa mga bakla at naiiba sa lipunan, patuloy tayong lumaban at i-claim natin ang karapatang maging tunay na tayo.
“Walang kiyeme! At nawa’y iadya natin ang isa’t isa sa lahat ng masama.”

Photo/s: Rainbow Rights Philippines on Facebook
Source: Drag artist Pura Luka Vega acquitted of cybercrime charges