Did Chloe San Jose take a swipe at Angelica Yulo in her post?

Hindi pa rin tapos ang pasaringan sa pagitan ng magkasintahang Carlos Yulo at Chloe San Jose at ng pamilya ng two-time Paris Olympics gold medalist.

Kasalukuyang nagbabaksyon sa Paris, France sina Carlos at Chloe.

Bumalik ng Paris si Carlos para suportahan ang mga atletang lumalaban sa Paris Paralympics 2024. Kasama niya si Chloe sa biyahe.

Sa Isang Instagram Story noong nakaraang linggo, sinabi ni Chloe na nasa Paris na nga sila ng nobyo.

Caption niya sa larawan nila ni Carlos, “back in paris for the paralympics.”

Chloe San Jose and Carlos Yulo in Paris

Nag-post din si Chloe ng couple pics nila ni Carlos.

Chloe San Jose and Carlos Yulo in Paris

At solong larawan ni Carlos kung saan sinabi niyang “too cute my bebi.”

Chloe San Jose and Carlos Yulo in Paris

Si Carlos naman ay nag-post din sa kanyang Instagram Story ng kaparehong couple pics nila ni Chloe.

Caption nito, “Living the best life.”

Chloe San Jose and Carlos Yulo in Paris

Chloe San Jose: “Siguro meron portion…”

Sa Instagram Story ni Chloe ngayong Lunes, September 9, 2024, ibinahagi niya ang “shopping spree” nila ng boyfriend sa Paris.

Makikita rito ang larawan nina Carlos at Chloe na nasa loob ng sasakyan, at napaliligiran sila ng shopping bags.

Caption ni Chloe, “di aaray for today’s shopping spree siguro meron portion lang”

Chloe San Jose and Carlos Yulo in Paris

ANGELICA YULO INTERVIEW: “Siguro meron portion…”

Napansin ng ibang netizens ang caption ni Chloe sa kanyang post dahil pamilyar ito sa sumusubaybay sa real-life family drama ni Carlos.

Hinuha ng mga nakakita ng post at caption ni Chloe, patama ito sa ina ni Carlos na si Angelica Yulo.

Ang “aaray” at “siguro meron portion” ay unang binigkas ni Angelica sa interview nito noong August 4, 2024, kung saan nagpaliwanag siya tungkol sa perang nagastos niya mula sa mga allowance at incentives ni Carlos bilang atleta.

Ito ay bunsod ng akusasyong ginamit niya ang pera ni Carlos nang walang pahintulot ng anak.

Bahagi ng pahayag ni Angelica, “Wala kaming ninakaw, wala kaming ginalaw na pera niya. Siguro meron portion na hindi man lang sabihin mong aaray yung bulsa niya.”

Base sa mga parinigan ng magkabilang kampo, partikular na si Chloe at ang ama ni Carlos na si Mark Andrew Yulo, matagal-tagal pa bago humupa ang alitan sa pagitan nila.

Ito ay sa kabila ng pahayag ng magkabilang kampo na umaasa silang maayos na ang isyu nila.

Pero dahil sa mga patutsadahan nila sa social media, malabo pang mangyari ito.