Delegasyon ng Region 2 sa Palarong Pambansa may light trainings pa rin bago ang mga palaro

CAUAYAN CITY – Handang-handa na ang mga manlalaro ng Deped Region 2 sa kanilang pagsabak sa Palarong Pambansa 2024 sa Cebu City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Voltaire Logan ng Deped Region 2 sinabi niya na sa pamamagitan ng mga pagsasanay na pinagdaanan ng kanilang mga atleta ay tiyak aniyang makakapag-uwi sila ng medalya para sa rehiyon.

Maliban sa mga pagsasanay o training events na inorganisa ng Kagawaran ay dumaan din sa ilang kompetisyon ang mga atleta bago ang Palarong Pambansa na mas naglinang pa sa kanilang kakayahan at talento sa Sports na kanilang lalahukan.

Nag-organisa ng training ang Deped Region 2 sa mga individual events kung saan umaasa sila ngayon na magbubunga ang mga pagod ng mga manlalaro sa pagsasanay para makamit ang gintong medalya.

Aniya marami na silang natutunan sa mga nagdaang Palarong Pambansa at ito ang ginamit nila ngayong pamantayan para sa kanilang isinagawang pagsasanay.

Dahil may oras pa naman silang magsanay ngayon ay nagsasagawa pa rin sila ng light trainings para mapulido ang kahandaan ng mga manlalaro.