
Darryl Yap pleads not guilty in cyberlibel case
Naghain ng “not guilty” plea ang direktor na si Darryl Yap sa kasong two counts of cyberlibel na isinampa laban sa kanya ng TV host-comedian na si Vic Sotto.
Kaugnay ito sa kontrobersiyal na teaser ng pelikulang The Rapists of Pepsi Paloma na inilabas ng direktor sa social media noong January 1, 2025.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, naganap ang arraignment ni Yap sa Muntinlupa Regional Trial Court ngayong Martes, June 3.
Kasama nitong humarap sa korte ang legal counsel niyang si Atty. Raymond Fortun.
Hindi nagpa-interview sa media si Yap, pero ang kanyang abogado ang nagsalita para rito.
Saad ng abogado: “Director Darryl Yap pleaded not guilty to both charges of cyberlibel.
“During pre-trial, we try to agree on certain facts then there will be disclosure of yung mga evidences that are going to be presented.”
Nakatakdang maganap ang unang pagdinig sa kaso sa August 19.
Bago ito, magkakaroon muna ng mandatory mediation conference alinsunod sa proseso ng hukuman.
Pahayag ng legal counsel ni Yap: “Sa batas natin — at ito ang hindi alam ng karamihan — ninanais pa natin ang husgado na magkaroon ng maayos na kaayusan ng mga partido.
“Merong tinatawag na mediation proceedings. Mandatory po ito at during the mediation ay sisikapin nung isang duly authorized and experienced na mediator na magkasundo yung mga parties.”
Bukas bang makipag-areglo si Yap sa kampo ni Vic?
Sagot ni Fortun: “There’s always room for settlement.
“There’s always room for parties to reconcile and ang important naman dun ay yung willingness ng bawat isa na manumbalik yung mga bagay na dati naman ay tahimik.”
VIC SOTTO’S CAMP REACTS TO NOT GUILTY PLEA OF DARRYL YAP
Sa panig naman ng complainant na si Vic Sotto, nagbigay ng reaksiyon ang kanyang abogado na si Atty. Enrique dela Cruz kaugnay sa “not guilty” plea ni Yap.
Tanging si Dela Cruz ang present nang humarap si Darryl sa Muntinlupa RTC.
Pahayag niya: “Nagkaroon lang ng arraignment and pre-trial, binasahan ng habla si Mr. Darryl Yap at nag-usap yung magkabilang panig sa harapan ng hukom kung anu-anong mga dokumento ang mamarkahan, anu-anong mga issues, anong mga bagay ang inaamin ng magkabilang panig.”
Patungkol sa posibilidad ng areglo, ibinahagi ni Dela Cruz ang direktiba ni Vic sa kanya.
Saad niya: “Bago mag-umpisa yung trial, ‘Lalaban tayo’, ayun ang instruction niya sa amin.
“Hindi pa namin siya uli nakakausap kung open siya sa amicable settlement kaya binuksan yung pagkakataon.
“Mandatory yung pre-trial… yung mediation, we’ll ask him again.
“The last time na nagkausap kami, ang sabi niya, ‘Proceed tayo to trial. Let the courts decide.'”
Hindi man pumayag si Vic na makipag-areglo kay Yap, kumpiyansa raw ang kampo ng Eat Bulaga! host na mananalo sila sa kaso dahil sa hawak nilang mga ebidensiya.
Saad nni Dela Cruz: “Matibay naman yung aming ebidensiya. In fact, dumaan ito sa preliminary investigation at sinabi naman ng fiscal na sapat yung aming ebidensiya para ito ay mag-proceed sa trial.”
Samantala, inaasahang personal na dadalo si Vic sa susunod na pagdinig.
VIC SOTTO-DARRYL YAP COURT BATTLE
Nagsampa si Vic Sotto ng 19 counts of cyberlibel laban kay Darryl Yap noong January 9, 2025.
Nag-ugat ito sa teaser ng pelikulang The Rapists of Pepsi Paloma ni Darryl, kunsaan tampok ang mga artistang sina Gina Alajar at Rhed Bustamante.
Sa eksena, tinanong ni Charito Solis (Gina) si Pepsi (Rhed) kung totoo bang “ni-rape” siya ni “Vic Sotto.”
Pasigaw at mangiyak-ngiyak na sagot ni Pepsi (Rhed), “Oo!”

Photo/s: Darryl Yap Facebook
Noong March 17, umakyat sa husgado ang reklamong cyberlibel laban sa direktor matapos makitaan ng sapat na basehan ang reklamo ni Vic.
Ngunit sa labingsiyam (19) na patung-patong na reklamong libel na inihain ni Vic laban kay Yap, dalawa lang ang sumampa at labimpito (17) ang ibinasura ng Muntinlupa City Prosecutor’s Office.
Noong March 19, nag-isyu ng arrest of warrant si Muntinlupa RTC Branch 203 Presiding Judge Myra Quiambao para sa kasong isinampa ni Vic — paglabag sa Articles 353 at 355 ng Revised Penal Code kaugnay ng Republic Act No. 10175, o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Pero noong araw ring iyon ay nagbayad ng piyansa si Yap kaya pina-recall ang e-warrant of arrest laban sa kanya.
Sampung libong piso bawat isang count ng cyberlibel, o kabuuang PHP20,000, ang binayaran ni Yap para sa pansamantala niyang kalayaan.
Sa court order na pirmado ni Presiding Judge Quiambao, nakasaad ang panandaliang pagpapalaya kay Darryl matapos nitong boluntaryong magpakita sa korte at magbayad agad ng piyansa pagkalabas ng kanyang warrant of arrest.
Source: Darryl Yap pleads not guilty in cyberlibel case