Darryl Yap claims Vic Sotto received Pepsi Paloma script
Pinabulaanan ng kampo ng movie director na si Darryl Yap ang naging pahayag ng veteran TV host-actor na si Vic Sotto tungkol sa pagkonsulta sa kanya hinggil sa pelikulang The Rapists of Pepsi Paloma.
Noong January 9, 2025, personal na nagtungo si Vic sa Muntinlupa City Regional Trial Court para pormal na sampahan ng reklamong 19 counts of cyber libel si Darryl.
Ito ay kaugnay sa kontrobersiyal na teaser ng pelikula ni Darryl na The Rapists of Pepsi Paloma.
Sa teaser na inilabas noong January 1, 2025, tahasang binanggit ang pangalan ni Vic sa eksena nina Gina Alajar at Rhed Bustamante.
Si Gina ang gumaganap na Charito Solis, ang yumaong beteranang aktres.
Habang si Rhed naman ang gumaganap na Pepsi Paloma.
Sa kontrobersiyal na eksena nina Gina at Rhed, mapapanood ang pagkumpronta ni Charito (Gina) kay Pepsi (Rhed) nang walang-habas nitong tanungin kung totoo bang “ni-rape” siya ni Vic Sotto.
Narito ang binitawang linya nina Gina at Rhed sa teaser:
Gina: “Ipaliwanag mo sa akin! Magsabi ka sa akin! Ipaliwanag mo, dahil hindi ko naiintindihan.
“Pepsi sumagot ka! Ni-rape ka ba ni Vic Sotto?”
Rhed: “Oo!”
Kalakip ng teaser ang caption na ito:
“LABAN O BAWI
“Teaser 1
“Inakusahan ng Rape ni Pepsi Paloma si Vic Sotto atbp; subalit makalipas ang ilang kaganapan ay inurong nito ang demanda.
“Bakit?
“Abangan si Rhed Bustamante bilang PEPSI PALOMA”
VIC SOTTO SAYS he was not consulted about the movie
Matapos manumpa ng kanyang salaysay, nagpaunlak ng interbyu si Vic sa media.
Dito ay tinanong siya kung kinonsulta siya ni Darryl tungkol sa pelikulang ilalabas nito.
“Wala. Walang kumonsulta, walang nagpaalam, so walang consent,” saad ng Eat Bulaga! host.
Matagal na raw naririnig ni Vic ang nakatakdang paggawa ni Darryl ng pelikula, ang hindi lang daw niya inaasahan ay ang pagdawit sa kanyang pangalan sa kasalanang hindi naman niya ginawa.
Aniya, “Parang expected ko na yan dahil matagal naman ito dahil last year pa pinu-promote.”
DARRYL YAP’S CAMP CLAIMS SENDING Vic Sotto copy of film’s script
Samantala, sa panayam ng GMA News sa legal counsel ni Darryl na si Atty. Raymond Fortun noong January 10, pinabulaanan nito ang naging pahayag ni Vic tungkol sa hindi pagkonsulta sa kanya sa pelikula.
Ayon kay Fortun, pinadalhan ng kanyang kliyente si Vic ng kopya ng script ng The Rapists of Pepsi Paloma bago ilabas ang teaser video ng pelikula.
Nakailang follow-up pa raw si Darryl sa kampo ni Vic, pero ni isang komento ay wala raw silang narinig mula sa TV host.
Sabi ni Fortun, “The purpose was really for them to give comments dun sa script, so wala naman po.
“Ilang beses po na nag-follow-up si Direk Darryl na tungkol dun until finally na-shoot na lahat ng mga scenes, so hindi na namin kasalanan yon.”
Darryl asks COURT to issue gag order against ViC
Sa parehong panayam ni Fortun sa GMA News, sinabi nitong wala pa silang natatanggap na utos mula sa Muntinlupa Regional Trial Court sa pagpapatigil ng pagpapalabas ng promotional materials ng pelikulang The Rapists of Pepsi Paloma.
Kasunod ito ng paghahain ni Vic ng petisyon sa korte para sa writ of habeas data.
Kabilang sa hiling ng kampo ni Vic ang pagpapatigil sa pagpapakalat ng anila’y personal at sensitibong detalye tungkol sa Eat Bulaga! host.
Bukod pa rito ang tuluyang pag-alis online ng promotional materials ng upcoming film na The Rapists of Pepsi Paloma.
Sa inilabas na utos ng Muntinlupa Regional Trial Court, pinagsusumite nila si Darryl ng “verified return on the writ” sa loob ng limang araw mula sa pagkatanggap nito sa petisyon.
Paglilinaw ni Fortun, ang ipinasusumiteng “verified return on the writ” kay Darryl ay kanilang sasagutin sa susunod na mga araw.
Diin ni Fortun, “Writ was issued, no stop order.”
Humiling din ang kampo ni Darryl ng gag order mula sa korte para pigilan ang kampo ni Vic na pag-usapan ang anumang detalye tungkol sa kasong kinasasangkutan ng kontrobersiyal na pelikula ni Darryl.
Ani Fortun, “From disclosing the contents of the verified return to the public and enjoining them to dutifully keep in strict confidence the proceedings and matters learned before this Honorable Court.”
Anu’t ano man daw ang mangyari ay ilalaban nila ang karapatan ni Darryl sa “freedom of artistic expression.”
Nakasaad sa isinumite nilang motion: “Further considering that the verified return shall involve an unreleased film by a prominent director, any disclosure of the verified return would not only violate the Respondent’s freedom of expression, but it shall also cause grave and irreparable damage to the Respondent’s artistic license and outcome of the film.”