Dalawang mambabatas, nanawagan kay VP Duterte na ipaliwanag ang nasayang na P6.5 billion na pondo ng DepEd
Nanawagan ang dalawang mambabatas kay Vice President Sara Duterte na ipaliwanag ang P6.5 billion na halaga ng nasayang na mga pagkain sa ilalim ng feeding program ng Department of Education sa panahon na siya ang kalihim ng ahensiya.
Sinabi ni Assistant Majority Leader Jefferson Khonghun na ito ay hindi issue ng pulitika sa halip ay bahagi ng transparency at accountability.
Iginiit niya na karapatan ng publiko na malaman kung ano ang nangyari sa nasabing malaking pondo na dapat ay nakinabang ang mga bata na nangangailangan nito.
Ayon sa kanya, dapat na sagutin ni Duterte ang mga dahilan kung bakit nabigo ang programa na ang layunin ay magbigay ng nutrisyon sa mga batang mag-aaral.
Batay sa report ng Commission on Audit, noong 2023, naipadala sa maraming public schools sa Aurora, Bulacan, Misamis Oriental, Iligan at Quezon City ng DepEd ang mga sira at inaamag na mga pagkain.
Pinayuhan naman ni Assistant Majority Leader at La Union Rep Francisco Paolo Ortega V na itigil na ang pag-imbento sa umano’y alyansa sa pagitan ng Makabayan bloc, Speaker Romualdez at Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at sa halip ay sumentro sa pagsagot sa natuklasan ng COA.
Sinabi niya na ang nasayang na pondo ay isang malaking kawalan sa mga batang mag-aaral na dapat sana ay nakinabang sa programa.