Dalawang lalaki sa Abra, binaril-patay habang nag-iinuman

VIGAN CITY – Patay sa pamamaril ang dalawang lalaki habang sila ay nag-iinuman sa Sitio Barbarit, Barangay Cosili East, Bangued, Abra.

Nakilala ang mga biktima na sina Kieft Marty Bona Batalla, 21-anyos, residente ng Sta. Rosa, Peñarrubia, Abra at si Mark Joseph Ramos Tupasi, 28-anyos, residente ng Barangay Bugbog, Bucay sa naturang lalawigan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Police Captain Cerel Gaspili, Deputy Chief of Police ng Bangued Municipal Police Station, nag-iinuman ang mga biktima kasama ang kanilang dalawang katrabaho nang biglang sumulpot ang suspek na galing sa likuran ng bahay na kanilang pinag-iinuman at binaril ang mga biktima.

Nagtamo ang mga biktima ng tama ng baril sa dibdib at ulo na naitakbo pa sa ospital ngunit naideklarang dead on arrival.

Caliber 40 ang ginamit sa pamamaril base na rin sa narekobreng lima basyo at isang bala mula sa nakapangyarihan ng krimen.

Hinihinalang lumang-alitan ang rason ng pamamaril na siya namang patuloy na iniimbestigahan ng mga otoridad kasabay ng kanilang pagtugis sa suspek.