Dalawa sugatan sa banggaan ng motorsiklo at van sa Cauayan City

Sugatan ang dalawang lalaki matapos sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa kasalubong nitong SUV sa Brgy. San Fermin,  Cauayan City.  

Ang tsuper ng motorsiklo ay kinilalang si Alvin Usbal, bente siete anyos,  habang ang angkas naman nito ay si Jay-em Usbal, nasa tamang gulang at kapwa residente ng Palanan, Isabela.  

Kinilala naman ang tsuper ng SUV na si Rodel Domingo, sinkwenta’y dos anyos at residente ng Brgy. Canan, Cabatuan, Isabela.  

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station,  bago ang insidente ay binabagtas ng SUV ang pambansang lansangan patungong City Proper ng Cauayan habang patungo naman sa kasalungat na direksyon ang motorsiklo.  

Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay napunta umano sa kabilang linya ang motorsiklo dahilan upang bumangga ito sa paparating na sasakyan.

Sa lakas ng impact ay nagtamo ng malubhang injury ang tsuper ng motorsiklo at ang angkas nito habang maswerte naman na hindi nasaktan ang tsuper ng SUV.  

Isinugod naman sa pagamutan ang mga biktima at sa ngayon ay patuloy pa din silang inoobserbahan.  

Napag-alaman na nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin ang mga biktima at wala umanong suot na helmet ng maganap ang insidente.  

Nagkaroon naman na umano ng pag-uusap pamilya ng mga biktima sa tsuper ng SUV at napagdesisyunan umano nila na huwag ng magsampa ng kaso bagkus ay tutulong na lamang ito sa mga gastusin sa pagpapagamot.