
Cyberlibel complaint vs PEP in Lindsay Custodio issue junked
Ibinasura ng Mandaue City Prosecutor’s Office ang cyberlibel complaint ni Frederick Cale laban sa editors at writers ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at Smart Parenting.
Si Frederick ang estranged husband ng actress-singer na si Lindsay Custodio.
Ang sinampahan ng reklamo sa PEP.ph ay ang editor-in-chief nitong si Jo-Ann Q. Maglipon at columnist na si Jojo Gabinete.
Ang inireklamo sa Smart Parenting ay ang editor-in-chief na si Ronna Bonifacio at writer na si Hannah Panoringan.
Inireklamo rin si Edna Belleza, na tinukoy na “publisher” ng Summit Media, ang nagmamay-ari ng sister sites na PEP at Smart Parenting.
Kasama rin sa inireklamo ni Frederick si Lindsay mismo.
Kaugnay ito ng eksklusibong panayam ng PEP kay Lindsay, na nailathala noong May 8, 2024, at pinick-up ng Smart Parenting noong May 9, 2024.
Sa resolusyong may petsang March 20, 2025, sinabi ng piskalya na walang basehan para kasuhan ang inireklamong mga personalidad mula sa PEP at Smart Parenting.
Wala raw inilathala ang dalawang online publications na maituturing na “defamatory statement” dahil inulat lamang ng mga ito ang mga pahayag ni Lindsay.
Wala rin daw “liability” si Belleza dahil hindi na ito empleyado ng Summit Media nang mailathala ang artikulo.
Sa kabilang banda, kinasuhan ng Mandaue City prosecutor ng dalawang bilang ng cyberlibel si Lindsay.
Present daw lahat ng elements ng libel sa mga binitiwan nitong pahayag laban kay Frederick.
Ayon sa prosecutor, “defamatory” ang tono ng mga pahayag ni Lindsay laban kay Frederick.
Ipininta raw ni Lindsay si Frederick na “neglectful, unreasonable and abusive husband.”
“Basic is the rule that every defamatory imputation is presumed to be malicious,” sabi pa ng prosecutor.
LINDSAY CUSTODIO AND FREDERICK CALE MARITAL CONFLICT
May 2024 nang makapanayam ng PEP si Lindsay, at dito niya isinalaysay ang pagsasama nila ni Frederick.
Dalawang beses ikinasal sina Lindsay at Frederick.
Naganap ang civil wedding nila sa Muntinlupa City Hall noong May 1, 2022.
Nagpakasal naman sila sa Our Lady of Victories Church sa New Manila, Quezon City, noong May 13, 2022.
Base sa salaysay ni Lindsay, umpisa pa lang ay masalimuot na umano ang karanasan niya sa pagsasama nila ni Frederick.
Matapos silang maikasal ay nagtungo ng Canada si Frederick.
Hanggang sa noong June 12, 2023, ilang linggo matapos ng kanilang first wedding anniversary, nagpasya raw si Lindsay na putulin na ang komunikasyon kay Frederick.

PEP is a leading entertainment news and lifestyle website since 2006.
ONGOING LEGAL BATTLE
Noong Hunyo 2024, sinampahan ni Lindsay si Frederick ng reklamong paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children (VAWC) Act sa Miuntinlupa Prosecutor’s Office.
Na-dismiss iyon dahil nangyari raw ang insidente sa Quezon City kaya doon dapat nagsumite ng reklamo ang aktres.
Noong Nobyembre 2024, naghain naman si Frederick ng reklamong perjury laban kay Lindsay.
May kinalaman sa VAWC complaint ni Lindsay and reklamong perjury ni Frederick. Ang huli ay na-dismiss.
LINDSAY CUSTODIO FILES NEW VAWC COMPLAINT
Nitong Lunes, June 2, 2025, nagtungo ng Quezon City Prosecutor’s Office si Lindsay para maghain muli ng reklamong paglabag sa VAWC Act laban kay Frederick.
Kasama ni Lindsay ang legal counsel niyang si Atty. Hazel Meking.
Sa panayam ni MJ Felipe sa ABS-CBN News Online, ipinaliwanag ni Meking na nagpasya si Lindsay na ipaglaban ang kanyang karapatan kaugnay ng dinanas na “trauma” kay Frederick.
Ang reklamo raw ni Lindsay ay may kinalaman sa “verbal abuse, emotional abuse, psychological abuse, economic abuse, and sexual abuse.”
Sabi naman ni Lindsay, naniniwala siyang ang paghahain ng reklamo sa estranged husband ay “first step to my healing.”
Wala pang nailalathalang opisyal na pahayag si Frederick hinggil sa bagong reklamo ni Lindsay.
Nananatiling bukas ang PEP sa anumang pahayag ng mga personalidad na nabanggit sa artikulong ito.
Source: Cyberlibel complaint vs PEP in Lindsay Custodio issue junked