Cristy Fermin, idinetalye ang mga umano’y huling sandali ni Susan Roces sa ospital

Cristy Fermin, idinetalye ang mga umano’y huling sandali ni Susan Roces sa ospital.

Isinulat ni Cristy Fermin ang umano’y mga huling sandali ni Susan Roces sa ospital. Ayon sa kanya, nalaman niya ang mga kaganapan mula mismo sa malapit na kaibigan at manager ng yumaong aktres na si Dolor Guevarra. Nang makarating sa kanya ang balita, agad niyang kinumpirma ito kay Dolor na siyang nagdetalye sa kanya. Namayapa sa kanyang pagtulog si Susan Roces sa edad na 80 anyos.

Nalaman ng KAMI na kinumpirma ito ni Cristy sa malapit na kaibigan at manager ni Susan na si Dolor Guevarra. Sa pinakabagong episode ng Showbiz Now Na, inilahad ni Cristy na Mayo 17 pa lamang ay isinugod na sa ospital ang “Queen of Philippine Movies.”

“Ipinahayag niya na mahina siyang kumain. Noon nga raw February na may ulcer pala siya, kapag kumakain siya isinusuka rin niya. Kaya ang ginawa niya, hindi na lang siya nagkakain,” pahayag ni Cristy sa unang ininda ni Susan.

Ilang araw pa ang lumipas at namalagi pa sa ospital si Susan. Hanggang sa noong Mayo 20, tumawag na ang kanyang manager kay Senator Grace Poe, ang anak ni Susan upang kumustahin ang kalagayan nito.

“Sabi ni Manang Grace, ‘Tita Dolor, tatapatin na kita. Sinabihan ako ng doktor na kailangan na nating maghanda,” salaysay ni Cristy.

Dali-dali namang nagtungo ng ospital ang manager ni Susan at doon, nadatnan na nga niya itong natutulog. “Pagdating ni Tita Dolor, nilapitan niya si Manang Inday. Tulog e kumbaga naka-coma na. Binulungan daw niya. ang sabi raw niya, maraming maraming salamat sa lahat ng naitulong mo at pagmamahal sa aking pamilya. Manang Inday kung nahihirapan ka at napapgod ka na, masakit tanggapin pero sige magpahinga ka na,” ani Cristy.

Gayundin umano si Senator Grace at matapos ang mga tinatawag na bulong ng pamamaalam at pagmamahal, hindi nagtagal ay pumanaw na ang beteranang aktres.

Narito ang kabuuan ng salaysay ni Cristy Fermin mula sa kanyang YouTube channel na Showbiz Now Na!:

Si Jesusa Purificacion Levy Sonora-Poe o mas kilala sa kanyang screen name na Susan Roces, ay isang Filipina actress at producer. Maybahay siya ng yumaong beteranong aktor na si Ronald Allan Kelley Poe o mas kilala bilang si Fernando Poe Jr. Binansagan siyang “Queen of Philippine Movies” at nakagawa ng mahigit 130 na pelikula.

Nakilala rin siya bilang “Lola Flora” o “Lola Kap” sa FPJ: Ang Probinsyano, ang lola ng bidang si Coco Martin.

Matapos ang ilang taong pamamahinga sa pagsama sa taping ng Ang Probinsyano, nabigyan ng sandaling pagkakataon na makalabas muli sa serye si Roces. Isa na nga rito ang emosyonal nitong eksena na ipinalabas bago matapos ang taon 2021.