Coleen Garcia on speculations about Billy Crawford’s weight loss

Muling nilinaw ni Coleen Garcia, 31, na walang dapat ipag-alala sa pangangatawan ng mister niyang si Billy Crawford, 42.

May iba kasing naaalarma sa pangangatawan ni Billy, at nagsasabing hindi raw bagay ito rito.

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), ipinaliwanag ni Coleen na healthy lifestyle ang sinusunod ni Billy.

“If you look at yung mga throwback pictures niya, yun talaga yung built niya noon pa.

“Ang difference lang siyempre tumatanda na tayo, we cannot get the same appearance.

“Si Billy naman, the reason why he really lost weight is because he’s living a much healthier lifestyle. E, mas gugustuhin ko naman yun.”

Sabi pa ni Coleen, lean physique na si Billy dahil tinalikuran na nito ang pag-inom ng alak.

“Before, nung times na medyo malusog siya, medyo malaki siya, it was because he was an alcoholic,” pag-amin ni Coleen.

ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓

Kuwento pa ng aktres sa PEP: “Nung time yun, talagang sa alak siya lumalaki and I’m really proud of him he was able to give it up.

“Talagang pinas-Diyos niya yun and he promised that he’s never gonna drink again.

“He’s been sober for about six or seven years—very long time ago. And I’m very proud of him.

“Nothing anybody says can ever change na sobrang saya ko para sa kanya.”

Mariing pinabulaanan ni Coleen ang espekulasyon nalulong sa bawal na gamot si Billy.

“Hindi, hindi talaga. Billy has never tried any [illegal] drugs in his whole life,” paglilinaw ni Coleen.

Saksi raw ang kanilang mga kaibigan na pareho silang mag-asawa na hindi gumagamit ng ilegal na droga.

Sabi pa niya patungkol sa pang-iintriga ng iba, “That’s [drug rumor] not something that bothers us kasi kapag may kumakalat na ganun.

“Hindi kami nahe-hurt kasi alam namin na nanggagaling sa mga taong di nakakakilala sa amin.”

Ilang beses na ring pinabulaanan ni Billy ang aniya’y maling espekulasyong siya ay nalulong sa droga.

COLEEN GARCIA AND BILLY CRAWFORD PROJECTS

Sa ngayon, masaya si Coleen na pareho silang abala ng asawa sa kani-kanilang showbiz career.

“Yeah, super busy. I had two films this year and I have another one coming in October. It’s called Friendly Fire, it’s directed by Mikhail Red.

“Aalis kami saglit for Paris tapos we’ll come back to start promoting it,” kuwento ni Coleen tungkol sa proyekto niya.

Patuloy ni Coleen: “Si Billy naman, seasonal yung work, but he keeps traveling for shows in Paris.

“Yun ang mahirap yung mga travels kasi it’s hard to have time of ours especially sa anak namin.

“Mahirap i-explain, yun lang ang mahirap.”

Napapanood sa kasalukuyn si Billy sa The Voice Kids, kung saan isa siya sa mga coach.

Tinanong din namin si Coleen kung may plano sila ni Billy na sundan ang anak na si Amari, na four years old na.

“Baka soon sana. Kung ibibigay ni God. Pero ready naman kami,” aniya.

COLEEN GARCIA ON FORMER IT’S SHOWTIME COLLEAGUES

November 2023 nang matuldukan ang tampuhan sa pagitan nina Billy at Vice Ganda.

Nag-guest pa noon sina Billy at Coleen sa It’s Showtime kasama ang anak nilang si Amari.

Ayon ky Coleen, “Hindi ko sila masyadong nakikita. I guess, the last time I saw Vice and the rest of the Showtime gang was when I guested to promote my film [last May].

“So yun, nakaka-promote pa naman ako sa Showtime and I got to see them once in a while.

“Hindi pa rin siya kagaya ng dati na every day kaming nagkikita.”

Pero siniguro ni Coleen na maayos pa rin ang relasyon nina Billy at Vice.

“Kasi, parang away magkapatid lang naman yun [noon]. Although, hindi naman talaga sila nag-away or anything. Tampuhan lang naman yun.

“And I’m just very happy that everyone is in a good place and everyone is on good terms.”

COLEEN GARCIA AT PREVIEW BALL 2024

Solo flight man sa nakaraang Preview Ball, masaya si Coleen na maging bahagi uli ng annual ball ng fashion publication ng Summit Media.

“It’s really great to be here.

“It’s very different from other events I used to attend because I get to meet a lot of creatives that I don’t usually get to meet.

“Kasi magkakaiba kami ng fields, so I really look forward to this night, I really had fun last year [Preview Ball 2023].”

Hindi nakasama si Billy sa kanya dahil may naka-schedule daw dapat itong trabaho.

“Actually, hinatid niya ako. He’s watching a movie tapos susunduin niya ako.

“Last minute he has The Voice Kids [taping] today, kaso na-cancel because of the weather.

“Tapos mga bata pa yung contestants nila. They have to cancel the taping last minute.”