“Boy Dila” and delivery rider resolve issue; netizens react

Nitong mga nakaraang araw ay laman ng balita ang naging kaganapan sa taunang piyesta ng San Juan City bilang pagpupugay sa patron ng siyudad na si San Juan Bautista o St. John the Baptist.

Ginaganap ang piyesta tuwing ika-24 ng Hunyo.

Bilang selebrasyon ay lumalabas ang mga residente ng San Juan sa kalye para basain ang mga sarili ng tubig at mambasa rin ng mga taong dumadaan.

Ito ang dahilan kung bakit binansagan ang piyesta na “Basaan Festival” o “Wattah Wattah Festival.”

Ang salitang “wattah” ay street slang ng “water” o “tubig.”

“BOY DILA” STEALS THE SHOW

Kontrobersiyal ang naging pagdiriwang ng piyesta ngayong taon dahil sa kaliwa’t kanang batikos at reklamo galing sa publiko na naapektuhan ng okasyon.

Marami ang nagpahayag sa social media ng pagkadismaya sa perhuwisyong naranasan nila nung araw na yun.

Walang pakundangan at permiso raw kasing binubuhusan ng tubig ng mga nakikisaya ang mga nagdadaan at maging ang mga nakasakay sa pampublikong sasakyan.

Diumano, mga nasirang gadget at nabasang importanteng dokumento o papeles ang marami; wala raw pinapalampas ang mga nakikisaya at hindi kinunsidera ang mga taong papasok sa paaralan o trabaho, o may lakad at walang intensiyong makisali sa basaan.

Isa sa naging viral videos na nakunan sa gitna ng selebrasyon ay ang eksena kung saan ay makikita ang isang residente ng San Juan na binabasa gamit ang water gun ang isang delivery rider.

Lexter Castro, Wattah Wattah festival, Boy Dila

Sa video na nakunan ay tila inaasar pa ng lalaki ang rider at nilalabas ang dila nito nang paulit-ulit habang binabaril ito ng tubig.

Kinilala ang residente sa pangalang Lexter Castro, 21, at binansagang “Boy Dila” ng netizens.

Inulan ng batikos si Lexter dahil sa ipinakita nitong asal. Komento ng netizens, binastos nito ang diwa ng piyesta at dinungisan sa mata ng publiko ang sana’y masayang pagdiriwang.

Mahalagang malaman na isa lamang si Lexter sa mga kinondena at pinunang residente ng San Juan na nagsasaya nung araw na iyon.

Subalit dahil sa mas pumukaw sa atensiyon ng marami ang video ni Lexter sa social media, sa kanya nabunton ang karamihan sa galit ng netizens.

Bagamat nagmatigas nung una ay humingi rin ng paumanhin sa publiko si Lexter nang iharap ito sa media ni San Juan Mayor Francis Zamora nung July 2, 2024.

Francis Zamora, Lexter Castro, Wattah Wattah festival, San Juan

Photo/s: Francis Zamora (Facebook)

“While the Wattah Wattah Festival is a time for fun and celebration, it is essential to remember that our actions have consequences,” sambit ng San Juan mayor.

Sa kanyang paghingi ng dispensa ay napaluha si Lexter. Nangangamba raw siya sa kanyang buhay base sa nababasa niyang pagbabanta laban sa kanya sa social media.

Francis Zamora, Lexter Castro, Wattah Wattah festival, Boy Dila

Photo/s: Francis Zamora (Facebook)

Umapela rin ang alkalde sa netizens na tigilan na ang pagpapadala ng fake bookings at deliveries sa tahanan ni Lexter bilang ganti sa ginawa nito.

Sambit nito, “Itigil na po natin ang mga fake booking at fake delivery dahil ang nabibiktima po nito at naaapektuhan ay ang mga delivery riders and sellers po natin.”

Nanawagan naman si Lexter sa delivery rider na kanyang binasa na makipag-ugnayan at makipagkita sa kanya para personal siyang makahingi ng tawad.

Bibigyan niya raw ito ng helmet at kapote bilang peace offering.

ALL’S WELL THAT ENDS WELL

Nitong Biyernes, July 5, 2024, ibinalita ni Mayor Zamora sa pamamagitan ng Facebook na nagharap na si Lexter at ang naabalang delivery rider at nagkaayos na ang dalawa.

“Nawa’y magsilbing leksyon ito sa ating lahat na parati tayong dapat magbigay ng respeto sa kapwa at huwag tayong gumawa ng anumang bagay na maaaring makasakit sa ibang tao, pisikal man o emosyonal,” pahayag ng alkalde.

Francis Zamora, Lexter Castro, Wattah Wattah festival

Photo/s: Francis Zamora (Facebook)

Nauna nang sinabi ni Mayor Zamora na walang naging paglabag si Lexter sa City Ordinance subalit “maari pa ring maghain ng reklamo ang rider o ang sinumang naperhuwisyo ni Lexter sa paglabag ng Revised Penal Code.”

NETIZENS REACTION

Samantala, umani ng iba’t ibang reaksiyon sa publiko ang pag-aayos ni Lexter at ng delivery rider.

“Hindi dapat tuldukan at husgahan ang taong nagkamali, salamat at may taong mapangunawa,” komento ng isang netizen sa Facebook.

Hirit naman ng isa, “Nakakatuwa naman at nagkaayos din.”

Umaasa naman ang isang netizen na may natutunan si Lexter sa nangyari at “hindi kapag nasa harap lang ni mayor.”

Francis Zamora, Lexter Castro, Wattah Wattah festival, Boy Dila

Photo/s: Francis Zamora (Facebook)

May nag-suggest ding gawing spokesperson si Lexter ng lokal na pamahalaan ng San Juan: “Dapat sya gawin nyong advertiser about sa pagbabawal ng pagbasa sa mga commuters. Sana hindi lang ngayon yan tutukan dahil nagtrending.”

Sinabi ni Mayor Zamora kamakailan na magsasagawa ng pagbabago sa selebrasyon ng piyesta simula 2025 para maiwasang maulit ang mga naganap ngayong taon.