Binatang sakay ng motorsiklo nahulog sa irrigation canal

CAUAYAN CITY- Maswerteng nakaligtas ang isang binata matapos mahulog sa irrigation canal habang sakay ng kanyang motorsiklo sa Brgy. Del Corpuz, Cabatuan, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Brgy. Kagawad Bryan Andres ng Culing West, Cabatuan, Isabela, saksi sa pangyayari, kanyang sinabi na galing umano ang biktima sa isang resort at nang napadaan sa intersection ng Brgy road partikular malapit sa irrigation canal ay hindi umano nito nakontrol ang pagpapatakbo ng kanyang motorsiklo dahilan upang siya ay mahulog sa irigasyon.

Kaagad namang nagtulungan ang ilang residenteng nakakita sa pangyayari upang mailigtas ang biktima gayundin na maiahon ang motorsiklo nito sakabila ng malakas na agos at lalim ng tubig.

Nanawagan naman si Brgy Kagawad Andres sa ilang motorista na mag-ingat sa pagdaan sa tabi ng mga irrigation canal sapagkat hindi lamang ito ang unang pagkakataon na mayroon nagyaring kaparehas na insidente.

Nakiusap din ito na huwag ng magmaneho kung nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin matapos mapag alamang nakainom ng alak ang lalaki nang mangyari ang insidente.