Bill dy at line-up nito naghain na ng kanilang COC, Nagpakilalang kamag-anak ni PBBM tatakbo bilang gobernador ng Isabela

CAUAYAN CITY – Patuloy na nadadagdagan ang bilang ng mga kandidato o aspiring candidates na naghahain na ng kanilang Certificate of Candidacy o COC sa COMELEC Cauayan City.

Kaninang umaga ay naghain na ng COC ang line-up ni Bill Dy na tatakbo bilang City Mayor ng Cauayan at magsisilbing running mate niya si Atty. Diosdado “Ding” Ramirez.

Kasama ang kanilang taga-suporta maging ang sampu sa kaniyang mga Sangguniang Panlungsod Member candidates ay nagharap sila ng Certificate of Candidacy.

Ayon kay Atty. Johanna Vallejo ang City Election Officer na dahil papalapit na sa deadline ay inaasahan na nilang dadagsa na ang mga kandidato sa COMELEC Office para humabol sa filing.

Samantala, naghain ng COC para tumakbo sa pagka-gobernador ng Isabela ang nagpakilalang kamag-anak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Kinilala ang nasabing indibidwal na si Edgardo Edralin, residente ng Barangay San Femin Cauayan City na dati na ring tumakbo bilang punong barangay noong nakaraang eleksyon.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Edgardo Edralin, sinabi niya na ang dahilan kung bakit siya nag hain ng COC ay dahil gusto niyang magkaroon ng pagbabago sa lalawigan ng Isabela.