Bianca Umali admits wedding talks with Ruru Madrid

Nag-trend sa social media ang pakikipagbatuhan ng linya ni Bianca Umali, 24 sa isang It’s Showtime contestant na kamukha ng boyfriend niyang si Ruru Madrid, 26.

Parte iyon ng segment na “Kalokalike,” kunsaan isa sa mga hurado si Bianca sa unang linggo ng nagbabalik na segment ng Kapamilya noontime show na napapanood sa Kapuso network.

Ang eksena ay kunwa’y kinumpronta ni Bianca ang ka-lookalike ni Ruru na nakalimutan ng lalaki ang anniversary nila.

Nagtanong pa si Bianca sa contestant kung kailan siya nito pakakasalan.

Kaugnay nito, naging usap-usapan ng netizens ang estado ng relasyon nina Bianca at Ruru sa tunay na buhay.

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), ibinahagi ni Bianca na nakarating sa kanya ang feedback ng netizens na tingin ng mga ito ay engaged na sila ng nobyong si Ruru.

“Sa totoo lang, sa mga nagtatanong kung nasa plano na ba namin ang proposal, opo, nasa plano at napag-uusapan,” pag-amin ni Bianca.

Consistent sila ni Ruru sa pagsasabing nahanap na nila ang “The One” sa isa’t isa.

Pero paglilinaw rin ni Bianca: “Pero siyempre, sa ngayon, kung nasan kami sa mga career namin ay gusto naming i-maximize ang individualities namin ngayon.

“Of course, nandiyan ang pangako namin sa isa’t isa. We will see kung ano ang mangyayari sa susunod na yugto ng mga buhay namin.”

Bianca Umali and Ruru Madrid looking at each other
Bianca Umali and boyfriend Ruru Madrid

Photo/s: Courtesy of Sparkle GMA Artist Center

BIANCA UMALI ON HANDLING SELOS ISSUE

Tinanong din ng PEP si Bianca sa isyung selosa umano siya, lalo na kung may babaeng napapalapit sa nobyo.

Depensa ni Bianca, hindi naman siya basta na lang nagseselos.

“Di ko naman itatanggi yun,” pag-amin niya.

“Tao lang naman tayo, e. Di maaalis na nakakaramdam tayo ng selos, makakaramdam tayo ng tampo.

“I guess, yung pagiging selosa ko, masasabi kong nasa lugar. Alam ko kung kailan ako dapat magselos, alam ko kung kailan hindi.

“Sa relationship namin ni Ruru, alam namin yung tamang pag-handle [ng selos].

“Parehas kaming masasabi namin na, ‘Mahal, medyo di ako kumportable,’ pag nagtatanong kami [ng pakiramdam ng isa’t isa].

“Ang goal namin sa relationship namin is to be always honest and transparent with each other.”

Nagpapaalam sila sa isa’t isa kung may kissing scene sila sa ibang co-star?

Paglilinaw ni Bianca: “Well, sa aming dalawa ni Ruru, hindi namin point ang magpaalam. Ang point lang namin ay ipaalam.

“May difference between magpaalam at ipaalam. Ipapaalam mo lang, ‘Mahal, ganito ang gagawiin ko.’ Pero di para magpaalam na, ‘Okay lang ba sa iyo?’

“Dahil, again, we are maximizing our individual careers. Alam namin pareho kung paano magtrabaho. Pareho kami ng level ng passion and dedication.

“Kung ano ang kailangan at hangga’t sa makakaya namin ay ibibigay namin basta wala kaming tinatapakan at sinasaktan na tao.”

PREVIEW BALL 2024

Nakapanayam ng PEP si Bianca sa nude carpet ng Preview Ball, na ginanap sa Marriot Hotel noong Biyernes, September 6, 2024.

Isang revealing nude outfit na idinisenyo ni Joe San Antonio ang suot niya, at ang stylist ay si John Paul Dizon.

Nakangiting pagmamalaki ni Bianca, “I made my own make-up. But of course, I consulted my makeup artist, Thazzia Falek.”

Paglalarawan pa niya sa kanyang outfit, “Tonight, ang inspiration ay kung sino talaga ako bilang tao.

“I think the theme of the Preview Ball this year is being authentic and that’s why I went with who I really am—simple and straightforward.”

Bianca Umali at the Preview Ball 2024 and PEP's pick as one of the female standouts
Bianca Umali at the Preview Ball 2024

Photo/s: Photo courtesy of Preview x Nice Print Photography

BIANCA UMALI PROJECTS

Sa kabilang banda, kapansin-pansing nag-e-enjoy si Bianca sa set ng It’s Showtime sa tuwing magge-guest siya rito.

Sang-ayon ni Bianca, “Mula pa lang naman nung unang makapag-Showtime ako, I always felt happy and comfortable on the stage with them.

“Nakakatuwa yung pakiramdam na nagkakasama na kaming lahat—[mga artista from] both networks—nakakasalamuha na kaming lahat.

“It feels good na pamilya [kami] at nagtatrabaho kami bilang isang Kapuso.”

Kinumusta rin ng PEP kay Bianca ang taping ng upcoming Kapuso primetime series na Encantadia Chronicles: Sang’gre.

Bibida roon si Bianca bilang isa sa mga sang’gre kasama sina Faith da Silva, Angel Guardian, at Kelvin Miranda.

“Masayang-masaya kaming nagte-tape. Tuluy-tuloy lang kami sa aming show, pero di siya madaling gawin dahil napakalaki nung proyekto.

“Excited kami na sana mapalapit na yung pagkakataon na mapanood na ng mga tao yung ginagawa namin,” saad ni Bianca.

Patuloy niya, “Siyempre, di naman maaalis yung kaba, lalo na napakaraming Endcantadics ang nakatuok at napakaraming tao ang nagmamahall talaga sa mundo ng Encantadia.

“Sa kabila ng lahat na yun, di kami papayag na manaig ang pressure sa amin. Ginagawa namin ang lahat para talagang mapaganda at mabuo ang Encantadia Chronicles: Sang’gre.”