Balitang Trending:

MERALCO, HANDA SA MGA ABERYA SA KURYENTE DULOT NG BAGYONG ENTENG

Siniguro ng Manila Electric Company (Meralco) sa kanilang mga kostumer na handa silang tugunan ang anumang aberya sa serbisyo ng kuryente na dulot ng Bagyong Enteng.

Aktibo umano nilang mino-monitor ang lagay ng panahon at may mga tauhan silang naka-standby bente-kwatro oras (24/7) upang rumesponde sa anumang problema.

Sinabi ni Joe R. Zaldarriaga, Vice President at Head of Corporate Communications ng Meralco, na bilang isang 24 oras na service company, handa silang tugunan ang anumang abala na maaaring makaapekto sa kanilang mga pasilidad.

Pinayuhan naman niya ang publiko na mag-ingat sa paggamit ng mga electrical devices at appliances kapag may pagbaha.

Hinihikayat din ni Zaldarriaga ang publiko na panatilihing bukas ang mga linya ng komunikasyon at tiyaking naka-charge ang mga mobile phone, laptop, radyo, at iba pang kagamitang pang-komunikasyon. Dapat ding makinig sa mga radyo ng mga update sakaling mawalan ng kuryente.

Para sa mga katanungan at iba pang concerns, maaarinh tumawag ang mga kostumer ng Meralco sa mga sumusunod:

• Facebook (www.facebook.com/meralco)

• Twitter (@meralco),

O tumawag o mag-text sa 0920-9716211 at 0917-5516211. Maaari ring tumawag sa Meralco Hotline na 16211 at 8631-1111.