Balitang Trending:

MAS MABABANG SINGIL SA KURYENTE SA AGOSTO 2025 DAHIL SA KATATAPOS NA 600 MW CSP NG MERALCO

Sa Agosto ng susunod na taon, makakaasa ang mga konsyumer ng Manila Electric Company (Meralco) nang mas mababang singil sa kuryente dahil natapos na ang bid opening nito noong Agosto 27 para sa Competitive Selection Process (CSP) ng 600 Megawatts Power Supply Agreement (PSA) nito, kung saan anim sa walong orihinal na bidders ang nagsumite ng offer.

Nabinbin ang CSP dahil sa Temporary Restraining Order (TRO) mula sa RTC-Taguig, na inilabas matapos ang reklamo mula sa Prime Energy at SC 38 Consortium, na nag-akusa sa Meralco ng hindi pagsunod sa Department of Energy (DOE) policy na pabor sa paggamit ng indigenous natural gas (ING).

Noong nakaraang linggo, ibinasura ng korte ang reklamo, na nagbigay-daan sa pagpapatuloy ng CSP ng Meralco.

Ayon kay Atty. Jose Ronald Valles, Senior Vice President at Regulatory Management Head ng Meralco, makikita ang “transparency” at “competitiveness” ng CSP dahil ang mga offer ay mas mababa ng piso (Php 1.00) kumpara sa ceiling price. Umaasa din ang Meralco, aniya, na wala ng magiging pagkaantala sa pag-apruba ng Energy Regulatory Commission (ERC) at paglagda ng mga PSA upang maipasa na ang mas mababang rate ng kuryente sa mga kostumer simula sa Agosto 2025.

Ang pinakamababang offer ay galing sa Masinloc Power Partnership Co. Limited ng San Miguel Corporation (SMC) at GNPower Dinginin Ltd. Co. (GNPD) ng Aboitiz Power, na may rates na P5.6015/kWh at P5.7392/kWh. Mas mababa ang mga ito kaysa sa reserved price ng Meralco para sa levelized cost of electricity (LCOE) na P7.2609/kWh at sa kasalukuyang singil ng First Gas sa San Lorenzo Plant nito na P7.5471/kWh.