Arnell Ignacio tells Ai-Ai delas Alas to create “AIAI party-list”
Pinayuhan ni Arnell Ignacio si Ai-Ai delas Alas na magtayo ng party-list para sa mga misis na kinakaliwa at iniiwan ng asawa.
Personal na magkaibigan sina Arnell at Ai-Ai bago pa man sila pumailanlang sa kani-kanilang karera sa showbiz.
Hanggang sa maiba ang career ni Arnell nung kunin siya para sa government office eight years ago, at ngayon ay siya ang administrator ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Pero nananatili ang pagiging malapit na magkaibigan ng dalawa.
Napapag-usapan pa rin nila ang kani-kanilang personal life, tulad ng hiwalayan ni Ai-Ai sa mister na si Gerald Sibayan.
“Tinawagan ko siya kagabi,” panimula ni Arnell sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
Sinabi raw nito kay Ai-Ai, “Hoy, huwag ka ng umiyak at nakakahiya na. Hahaha!”
Kuwento pa ni Arnell sa PEP patungkol kay Ai-Ai: “’Ka ko, ano ka na nga, global consultant ka na nga ng mga kinakaliwa. Hahaha!
“Sabi ko, ‘ka ko, ang magagawa mo, magpa-workshop ka na. Magturo ka na kung paano hina-handle ng mga kinakaliwa. Hahaha!
“Tapos, magtayo ka ng partylist mo. ‘AIAI: Asawang Inaapi Asawang Iniiwan.'”
Natatawa man si Arnell sa mga sinasabi niya, pero seryoso raw siya nung hinikayat niya si Ai-Ai na magtayo ng sariling party-list
“Actually, mas seryoso ako doon sabi ko [tungkol sa party-list]. There’s so many women that will gravitate towards you.
“Kasi nga ang experience ni Ai-Ai… Naku! Alam niyo yan. Susmaryosep! All colors of the rainbow and the darkness and all. Alam ninyo na yan.
“Ang daming makikinig sa kanya. And tingnan mo naman, sa dami ng dinaanan niya nakatindig pa rin, di ba?
“Sabi ko sa kanya, ‘Eileen, yun ang susunod mong pa-presscon ka.’ Magpa-workshop na siya. Master class,” diin ni Arnell.
Eileen ang tunay na pangalan ni Ai-Ai.
ARNELL IGNACIO’S COMEBACK CONCERT
Balik sa concert scene ang multi-talented artist na si Arnell sa kanyang post-Valentine dinner concert na Timeless… Music & Laughter.
Nakapanayam ng PEP si Arnell sa mediacon ng naturang concert noong January 22, 2025, sa Cafè at the Park ng Century Park Hotel, Manila.
Marami ang curious kung ano ang nag-kumbinse kay Arnell na muling mag-concert.
“Hindi ako kinumbinse, e,” natatawang sabi ni Arnell.
“Actually, ang pinagmimitingan namin was something to do with the OFWs.
“And then, nabanggit lang nitong si Edith, ine-echos-echos ako nito. Marami raw naghahanap sa akin.”
Ang tinutukoy ni Arnell na si Edith ay si Edith Fider ng Sarangola Media production.
Nagkakantahan daw sila noon.
Patuloy ni Arnell: “Sabi ko, ‘Naku, huwag mo nga akong pagbobolahin! Hindi na nga alam ng mga taong taga-show business ako e, so much more na kumakanta ako.’
“And then, nag-discuss lang siya that they’ll be doing The New Minstrels. E, ang ganda ng mga New Minstrels, hindi ba?
“Yung ano, ‘Umagang Kay Ganda.’ Yun ang sinabi ko kanina na theme song ng ating Presidente [Bongbong Marcos].
“Hindi naman ako kinumbinse. Nagulat na lang ako na nandoon ako. Ang laki-laki ng pagmumukha ko doon sa poster.
“At nung second meeting, nag-iisip na kung ano raw ang kakantahin. Pero nabuo naman.”
Anong dapat asahan ng audience na dadalo sa concert?
“Ah, ang pangako ko lang we will not disappoint [them].
“Kasi nakakahiya naman, minsan ka lang susulpot tapos wala namang kakuwenta-kuwenta yung gagawin mo,” paniniyak ni Arnell.
Na-miss ni Arnell ang pagpe-perform with a live audience.
“Oo nga,” pag-amin niya.
“Nami-miss ko yung instant appreciation nila sa ginagawa mo. At saka alam mo yung energy when you’re on stage, yun ang nami-miss ko, e.”
Paglalarawan pa niya tungkol sa onstage energy na nami-miss niya, “That’s really very, very hard. Yung kapag tumuntong ka na doon sa stage, parang may gagapang sa iyo ang adrenaline na will just tell you what to say, how to say it, or take your time.
“Tapos nakikita mo yung reaction mo. Tapos hawak mo yung audience and generously providing entertainment. Yun yun.”
arnell ignacio on performing for ofws
Pagtitiyak naman ni Arnell, mababalanse niya ang preparations para sa concert at ang kanyang trabaho bilang administrator ng OWWA.
“Ano naman, e, hindi ko naman solo yung buong show. I’ll just be doing a few numbers.”
Dagdag pa niya, “Yung pagkanta naman, e, hindi ko naman totally binitawan.
“Kasi when we go around the world visiting the OFWs, of course, minus all the glitters of production, kakanta ka talaga.”
Hindi raw maiwasan na mapasabak siya sa performance.
Lahad ni Arnell: “E, doon hindi ka naman makakapag-reklamo ng ano… Kung ano ang iabot sa iyo na mic, ayun na yun. So, wala.
“Palagay ko sa posisyon ko, wala kang karapatang mag-reklamo sa mga ganoon. Hindi ka puwedeng umarte-arte.
“Kung ano yung sinaksak sa iyo na mic, ‘Ang ganda [ng tunog].’ Kahit namamaga na yung lalamunan mo. Hahaha!”
arnell ignacio on performing with the new minstrels
Makakasama ni Arnell sa Timeless… Music & Laughter ang The New Minstrels.
Bulalas ni Arnell sa mediacon, “Dito ako ninenerbiyos, kasama ko ang The New Minstrels. Ang gagaling ng mga ito, di ba?
“O, fifth generation ng The New Minstrels ang makakasama ko. Ang inabutan ko ata first. Hahaha! Kaya yung mga hinahanap ko wala na.”
Kabilang sa fifth generation ng The New Minstrels na makakasama ni Arnell sa concert sina Atty. Rene Puno, Alynna, at Chad Borja.
Si Atty. Rene ang “soulful crooner,” habang si Alynna naman ang “the sensual siren of songs.”
Nakilala si Chad as a solo artist dahil sa pinasikat niyang awitin na “Ikaw Lang.”
Ipapakilala rin sa Timeless… Music & Laughter ang Kabaong Gang, na binubuo ng mga komedyante na sina Fumi, Bernie Batin, Leo Bruno, at Janna Trias. Mayroon ding special performance by Ms. Christi Fider.
Ang Timeless… Music & Laughter ay prinodyus ng Sarangola Media, sa pamamahala ng associate producer nito at veteran actress na si Liz Alindogan.
Gaganapin ang Timeless… Music & Laughter sa Grand Ballroom ng Century Park Hotel sa Manila on February 15, Saturday.
Ang lahat ng ticket ay may kasamang full-course sit-down dinner to be served at 6 P.M.
arnell ignacio on politics: “it’s very stressful”
Samantala, natanong naman si Arnell kung alin ang mas stressful para sa kanya, showbiz or politics?
Mabilis na sagot ni Arnell, stressful ang government service.
“Kasi, sa show business, eto kagaya nito, nakakasagot ako sa inyo na tumatawa.
“Hindi ko puwedeng gawin ito sa trabaho ko bilang administrator.
“Everything should be exact. Everything should be verified every time you speak.
“Ano yun, e, almost policy yun, e. Hindi ka puwedeng magbiro, lalo pa ang responsibilidad ko, buhay ng tao.
“Pupunta ako ng Senado. Hindi ka naman puwedeng mambola doon, di ba? So, it’s really very stressful.
“And you don’t always have all this opportunity to explain. So, kailangan mong i-deliver nang mabilis at malinaw. It’s very stressful,” sabi pa ni Arnell.
arnell ignacio wants to return to acting
Bukod sa pagko-concert, gusto rin ni Arnell na muling magkaroon ng acting project.
“Oo, gusto ko nga,” pagsang-ayon niya.
“Kaya ano, kung gagawa ako ng role ngayon sa age ko naman, yung gagalangin ka na.
“At least, kung magko-comedy ka, hindi naman yung parang ginagawa ko na noong araw.
“Naku! Nakakadiri naman yun kung ganoon pa rin ang gagawin ko, lalo pa’t umabot ako na maging public servant.”
Kung anuman ang gawin ni Arnell na acting project ay gusto raw niyang idugtong doon ang kanyang role bilang isang public servant.
Paglahad niya, “Kung may gagawin ka, it’s either you’ll be so inspiring, o di kaya diretso na meron kang maitutulong.
“Kasi nga naging ganito na ang buhay ko. Na kung lalabas ka, hindi naman yung, ‘Ano bang ginagawa ni Arnell?’
“Oo, yung may kagalang-galang naman na pelikula.”
arnell ignacio on walk of fame snub
Samantala, may mga nakapansin na until now ay hindi pa naisasama ang pangalan ni Arnell sa Walk of Fame sa Eastwood City sa Quezon City.
“Sigurado bang wala tayo doon? Mamaya guma-ganito-ganito tayo. Wala? Talaga,” pagdududa ni Arnell kung talagang wala ang pangalan niya sa local counterpart ng Hollywood’s Walk of Fame.
Mahigit apat na dekada na si Arnell sa entertainment industry. Marami siyang natanggap na awards at naging top raters ang kanyang mga programa sa telebisyon noon.
“Hindi nila ako naalala,” malungkot sa sambit ni Arnell.
“Nagtataka ako. Dahil pinaala-ala mo, naala-ala ko,” sabi niya sa amin.
“Oo nga. Bakit kaya hindi ako makapasa?” pagtataka pa niya.
May mensahe ba siya na nais iparating sa selection committee ng Walk of Fame?
“Nakakahiya namang manawagan,” pakli niya.
“Of course, nakakahiya namang sabihin mo, ‘Hoy, dapat nandiyan ako.’
“Kasi nga rin, you wrote about it, naisip ko na nga, ‘Oo nga, bakit kaya?’
“Hindi kasi ano rin, e, hindi na rin naman nila ako nakakasama masyado.
“Baka wala ng space? Baka pag-expand ng Eastwood,” seryosong biro ni Arnell.