
Alynna returns to music scene weeks after Hajji’s passing
Nagbabalik ang singer na si Alynna, 56, sa concert scene pagkatapos ng ilang dekada.
Kakatapos lang ng concert show ni Alynna na may titulong I’m Feeling Sexy Tonight, na ginanap sa Viva Cafe sa Cubao, Quezon City kagabi, May 16.
Bago ginanap ang show, eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Alynna sa dressing room sa Radyo5 at OnePH.
Dito niya naikuwento na matagal na panahong pribado ang buhay niya sa piling ng pumanaw na karelasyon at music icon na si Hajji Alejandro.
Magka-partner sila sa loob ng 27 taon.
Pumanaw si Hajji dahil sa sakit na colon cancer noong April 22, 2025.
Sa mga di nakakaalam, si Alynna ang kumanta ng 2008 novelty song na “Kahit Gaano Kalaki.”
Ang titulo ng show niya na I’m Feeling Sexy Tonight ay hango mula sa isa sa cover songs niya sa self-titled album noong ding 2008.
Ayon kay Alynna: “Babalik ako because I feel na iniwanan ko, e. Lahat ng bagay kasi na ginagawa ko ayokong iniiwan.
“E, singing is my passion. So I feel, habang may gustong makinig sa yo, kumanta ka. And habang kaya mong kumanta.
“Lalo na ngayon I’m going through something. I feel I have to voice it out.”
Tatlong linggo at tatlong araw pa lang ang nakalipas mula nang pumanaw ang partner niyang si Hajji.
“I feel I have to do something. I feel I have to voice it out by putting music in my experience na puwede kong ma-share going through the same thing with me,” ani Alynna.
Iba na raw ang atake ni Alynna bilang singer.
Aniya: “Nag-mature na ako. I just wanna bring back who I was before I became a novelty singer.
“Kasi kapag novelty parang cute ka lang, tatawanan ka. And you know, I was not taken seriously noong mga panahon na yun.”
ALYNNA AS A BREADWNNER
Unang sumabak sa pagiging singer si Alynna para makatulong sa pamilya.
“Well, sa school pa lang I really love to sing kaya naging member ako ng choir,” kuwento ni Alynna sa buhay niya.
“At the age of 14, 15, may kumuha sa akin to sing with The New Minstrels Fifth Generation. That was in the late ’80s.
“Well, during that time, [ang] papa ko kasi may edad na. He retired so ako ang naging breadwinner. I have four younger brothers. Only girl ako.”
Saad pa ni Alynna tungkol sa pamilya niya, “And I’m happy to say that nakatulong naman po ako sa pag-raise sa mga kapatid ko na napakabait nilang apat.
“And now, they are very successful IT experts. One from Australia. Yung isa sa Singapore, and yung dalawa nandito.”
Para kay Alynna, na-enjoy niya ang pagtulong sa pamilya dahil kasabay nito ay nagagawa niya ang hilig niya sa musika.
“Mahirap din kaya lang I’m the type of person na, you know, I just do things na masaya lalo na sa family.
“Kung sa ibang tao parang napakahirap noon. Ako, ang bilis ko lang pinaagdaanan yun.
“How old am I now? And I’m still here. And I’m still enjoying yung blessing ng music,’ lahad niya.
ALYNNA: FROM BAND MEMBER TO A SOLO ARTIST
Paano sya napasama sa The New Minstrels Fifth Generation?
Sagot ni Alynna: “Nakita ako sa school na kumakanta. High school ako noon
“Sumalang agad ako sa lounge ng Century Park [Hotel sa Manila].”
Pero napagtanto raw niya na hindi siya bagay sa banda.
Balik-tanaw niya: “Galit na galit ang mga ka-members ko dahil ang likot-likot ko. Gustung-gusto ko kasi kumakanta, e.
“So, nakitaan na nila ako agad, ‘Ay, hindi ito pang-banda. Ang likot,e.’ Solo talaga.
“So, yun. Nung may mag-offer sa akin na mag-solo, game!”
Pag-alis nya sa showband na The New Minstrels Fifth Generation, nag-solo na si Alynna bilang singer sa mga hotel.
Hindi raw naging partikular si Alynna sa talent fee niya nang maging solo artist siya.
“Oo, never ko na-experience yun. Naka-survive naman kami noon. Tapos, ang dami kong kinakantahan.
“Nung kumanta ako sa Mandarin Hotel, PHP5,000 ang talent fee ko. Pero nung time na yun, nung 1998, malaki na yun.”
Hanggang sa nakilala siya bilang novelty singer.
Pinakatumatak ang kanta niyang “Kahit Gaano Kalaki.”
“Kahit novelty yun tumatak din talaga sa akin because yung kantang yun, e, yumaman talaga ako doon. Hahaha!” bulalas ni Alynna.
“Kumbaga, yumaman as in ang dami-daming pumapasok na pera na naitutulong ko.
“Kaya kung tanungin mo ako ngayon, wala na ulit akong pera. Kasi ganoon ako, e. When I have something, I spend it.
“Inaano ko sa family. Kaya [yung] Kahit Gaano Kalaki album, napakalaking bagay sa buhay ko yun. Maraming-marami akong natulungan doon.”
ON TALENT FEE
Magmula raw nang makilala ang novelty songs niya, gaya ng “Kahit Gaano Kalaki” at “Pasumpa-Sumpa,” hindi niya naranasang tinawaran ang kanyang talent fee.
“Kasi nag-quit ako, e, nung peak ng career ko. So, hindi ko na naranasan yung…
“Hindi naman talaga ako sumikat, pero hindi naman ako nalaos, yung ganoon ba?
“Hindi ko naramdaman yun. Nandoon lang ako sa gitna,” paliwanag niya.
May mga pagkakataong hindi raw siya nagpapabayad ng talent fee.
“Ang dami kong hindi sinisingil lalo na pag charity, ganyan. Kumakanta pa rin ako or [nagpe-perform for] charity to this day.
“Pag alam mo naman na hindi kaya, why not, di ba? Tapos gustung-gusto ka nilang marinig?
“Minsan mas masaya akong ganoon, e. Yung gustung-gusto kang marinig tapos hindi ka nila ma-afford.
“Pero huwag niyo naman palaging gagawin yun. Hahaha!”
Sa dalawang dekadang pagkawala niya sa limelight, paminsan-minsan ay kumakanta siya sa corporate events.
“Campaigns marami,” ngiti niya. “Yun, malaking kita doon.
“And since sikat yung single ko, yun pa rin ang mga kinakanta ko. Buhay yung kanta, buhay din ako.”
Source: Alynna returns to music scene weeks after Hajji’s passing