Allen Dizon sees the director as ultimate authority on the set

“Hindi ko in-expect na ganung lalabas yung pelikula,” ang umpisang bulalas ni Allen Dizon matapos mapanood sa unang pagkakataon ang pelikulang Guardia De Honor.

“And hindi ko rin alam na black and white, pero ang laki ng tulong nung ng black and white kasi mas yung dark nung family, yung dark nung story, makikita mo dito.”

Ginagampanan ni Allen dito ang karakter ni Eddie Boy, isang salbaheng pulis na kabilang sa isang pamilya na may malagim na lihim.

Gumaganap bilang ina niya rito si Laurice Guillen, asawa si Sunshine Cruz, at anak si Therese Malvar.

Allen Dizon (R) with Guardia de Honor co-stars Laurice Guillen (L) and Sunshine Cruz (middle)
Allen Dizon (R) with Guardia de Honor co-stars Laurice Guillen (L) and Sunshine Cruz (middle)

Photo/s: File

Patuloy na pagbabahagi ni Allen, “And yung thought ko na kung paano, iyon nga sabi ni Direk, parang naging cycle ng family, kailangan i-end na yung evil side.

“Kailangang tapusin na iyon kasi ang nanay ko dito, parang kinunsinti niya, e, parang hinayaan niyang maano pa yung buong pamilya niya, na madamay pang lahat.

“So parang kailangang tapusin na iyon, pero siyempre kami, gumaganap lang bilang artista, and nasa direktor na kung ano yung gusto niyang ipalabas sa film, kung ano yung kabuuan ng pelikula.”

Ang Guardia De Honor ay sa ilalim ng direksiyon ni Jay Altarejos at line produced ni Dennis Evangelista mula sa ADCC Productions at 2076 Kolektib.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Allen sa Philippine premiere ng pelikula sa Ayala Malls Manila Bay Cinema 2 noong Agosto 9, 2024.

ALLEN DIZON ON the set of guardia de honor

Bilang masama siya sa pelikula, hindi ba siya partikular sa pagkakaroon ng redemption?

May ibang artista kasi na sa pagtatapos ng pelikula, gusto nilang may redeeming factor ang kanilang masamang karakter.

Pahayag ni Allen, “Hindi ko kailangang sabihin sa direktor ko kung ano ang gusto ko.

“Dapat laging nasusunod kung ano ang gusto ng direktor. So lagi akong nagko-compromise.

“Si Direk Jay naman every time na may eksena, every time before the scene, nag-uusap kami kung ano yung gusto niya and kung may suggestion ako.

“Kung may gusto akong gawin, sinasabi ko sa kanya. So it’s a teamwork pa rin talaga pagdating sa paggawa ng pelikula.

“Hindi yung, ewan ko, hindi talaga ako… kailangan kong sundin ang direktor ko kasi ako, isa akong artista, tagasunod lang ako sa direktor.

“Kung ano ang gusto niya, kahit ayaw ko gusto pa rin niya iyon, so kailangang gagawin ko yung gusto niya.”

ALLEN DIZON ON WORKING WITH LAURICE GUILLEN

Samantala, pinuri si Allen ni Laurice sa heavy-drama scene nila ng beteranang aktres-direktor.

Ang reaksiyon ni Allen, “Siyempre para purihin ka ng isang Laurice Guillen na direktor, siyempre nakaka-inspire, nakakataba ng puso.

“Siyempre, mas the more na pagbubutihan ko pa sa mga gagawin kong pelikula.

“Kasi iyon nga, pagdating sa mga eksenang medyo mas challenging, mas nagpe-prepare ako.

“Actually, pagdating kay Direk Jay, parang hinahayaan ka na lang niya, e, kung anong gusto mong gawin, kung paano yung atake mo, e.

”So ako, iyon ang naisip kong gagawin ko dun sa eksena, kaya natuwa naman ako dahil nagustuhan ni Direk Jay and, of course, ni Direk Laurice.”

Si Laurice, direktor ng GMA series na Asawa Ng Asawa Ko, ay bihira na ngayong tumanggap ng proyekto bilang aktres.

Mas nakatutok ito sa kanyang karera bilang direktor, at sa bihirang pagkakataon, nakatrabaho siya ni Allen for the first time dito sa Guardia De Honor.

Lahad niya, “Siyempre, ano, nakakatuwa talaga na makasama ko si Direk Laurice kasi alam naman natin na magaling siya bilang artista, bilang direktor.

“Ngayon, nagkaroon ako ng opportunity na makasama ko siya sa pelikula so napakalaking privilege sa akin para makasama ko siya, makatrabaho ko siya.”

Sambit pa ni Allen, “At hindi lang kundi sa kakaibang pelikula pa.

“Ibang klase yung pelikula na ginawa namin kaya alam kong ipagmamalaki ko itong pelikulang ito kasama si direk Laurice, and, of course, si Direk Jay.”

May mga komento ang nakapanood ng Guardia De Honor na isa ito sa best na nagawa ni Allen pagdating sa pag-arte.

Reaksyon ni Allen, “Yes, of course, of course! Parang, feeling ko rin, ako rin, after kong mapanood kanina, alam kong ginawa ko yung best ko sa film.

“Ginawa ko kung ano yung hiningi ng direktor at kung ano ang hiningi ng script at kung ano ang hiningi ng mismong mundo ni direk Jay, nagampanan ko nang maayos.”

HOW ALLEN RELAXES AFTER DOING HEAVY ROLES

Hindi na bago kay Allen ang gumanap sa mga dark characters at mabibigat na papel.

Paano siya “nagpapagpag” o bumibitiw sa kanyang papel kapag uuwi na ng bahay pagkatapos ng shooting?

Tugon ng aktor, “Paano? Ah wala akong ritwal, wala akong ginagawa.

“Pag-pack up, parang iyon na ang magic word na, ‘O, kailangan umano na, kailangan normal na ulit.’

“Minsan kasi, nadadala ka talaga, minsan kahit nasa kotse ka o nasa bahay ka, naaalala mo pa din iyong ginagawa mo.

“Pero, siyempre, kailangan mag-move on ka dun sa character, kailangan ihiwalay mo yung character mo dun sa totoong kung ano ka.

“And iyon nga siguro sa tagal na rin nating nag-aartista napag-aralan na nating i-set aside kung paano maging ganito, kung paano maging Eddie Boy kung paano maging Allen.

“Siguro iyon nga kaming mga artista siguro iyon ang talent namin, na na-se-set aside namin yung totoong buhay namin sa ginagampanan naming character.

Bukod sa Guardia De Honor, may isa pang pelikula si Allen, ang Fatherland.

Cast member din si Allen ng top-rating GMA-7 drama series na Abot Kamay na Pangarap ni Jillian Ward.