AJ Raval “confident” Aljur Abrenica will not cheat on her

Kumpiyansa si AJ Raval na hindi siya lolokohin at ipagpapalit sa iba ng karelasyon niyang si Aljur Abrenica.

Sa panayam ni AJ sa YouTube vlog ni Julius Babao noong August 29, 2024, natanong siya sa pagkakaroon ng maraming kapatid dahil sa amang si Jeric Raval.

Hindi inililihim ni Jeric sa publiko na isa sa may pinakamaraming bilang ng anak sa showbiz industry.

Tinatayang labinwalo (18) ang anak ni Jeric sa iba’t ibang babae.

Apat sa mga ito ang anak niya sa kanyang legal wife na si Holiday Buensuceso.

Habang tatlo naman sa dating aktres na si Monica Herrera.

AJ RAVAL BELIEVES ALJUR ABRENICA WON’T CHEAT ON HER

Kasama ni AJ sa nasabing panayam ang amang si Jeric, stepmother na si Holiday, at dalawa pa niyang kapatid.

Dito naungkat ang pagiging babaero noon ni Jeric at pagiging mapagpatawad naman ni Holiday.

Dahil sa nakaraan ng kanilang pamilya, naitanong ni Julius kay AJ kung ano ang kanyang mararamdaman kung sakaling mangyari ito sa relasyon nila ni Aljur.

Tanong ni Julius, “Paano kung si Aljur e ganun din ang gawin, sa ginawa ng tatay mo? Paano kung mabalitaan mo si Aljur may ano [ibang babae]?”

Ayon kay AJ, kung sakali man mangyari ito ay wala siyang ibang sisisihin kundi ang kanyang sarili.

Aniya, “Siguro kung dumating sa point na ganun, siguro sisisihin ko yung sarili ko.

“Siyempre… kung naging maayos ba akong partner, naging ano ba ako, nagger, nasuportahan ko ba siya noong time na down siya?”

Ganunpaman, tiwala raw si AJ na hindi siya kayang saktan at ipagpalit ni Aljur dahil nakikita at nararamdaman daw niyang mahal na mahal siya nito.

Saad ng dating Vivamax star, “Pero ngayon, confident ako na hindi niya gagawin sa akin yun, kasi maganda yung dynamics namin ngayon, e.”

Isa pa raw sa pinanghahawakan ni AJ ay ang mga sinabi sa kanya ni Aljur na natuto na ito sa kanyang pagkakamali nang mahiwalay sa estranged wife na si Kylie Padilla.

Ani AJ, “Galing na siya sa pagkakamali. Sinasabi niya, natuto na siya.”

Aljur Abrenica and girlfriend AJ Raval

Photo/s: @ajravsss Instagram

Bagay na mabilis namang sinang-ayunan ni Jeric.

Aniya, bilang ama ni AJ ay nakikita raw niya kay Aljur kung gaano nito kamahal ang kanyang anak, kaya’t maging siya ay kumpiyansang hindi tutularan ni Aljur ang mga nagawa niyang kasalanan sa nakaraan.

Sabi ni Jeric, “Kaya ko naman nagustuhan [si Aljur] dahil… ako kasi, ang tinitingnan ko sa lalaki para sa anak ko, yung pagiging responsable. Kasi maraming lalaki ang naging babaero na inabandona na yung pamilya, e.

“Meron naman akong mga kakilala na babaero rin, pero good, napakabait.”

Nagbigay-payo rin si Jeric kay AJ.

Saad niya, “Huwag mong hayaang manalo yung kerida. Kasi sa case namin ni Holiday, kung sumuko siya noon sa akin, e, nanalo na yung isa. Parang pinamigay mo na.”

AJ RAVAL-ALJUR ABRENICA RELATIONSHIP STILL GOING STRONG

Nananatiling matatag ang relasyon nina AJ at Aljur sa kabila ng ilang espekulasyon sa kanilang pag-iibigan.

Kabilang na rito ang pagkakaroon nila diumano ng anak.

Nagsimula itong pag-usapan nang maispatan ang dalawa na may kasamang batang babae nang magpunta sila sa isang event sa Subic, Zambales, noong August 15, 2024.

Tahasan itong itinanggi ng dalawa sa magkahiwalay na panayam nila kay Julius Babao.

Si AJ ang unang tinanong ni Julius tungkol sa isyu.

Sagot niya, “First of all, hindi po ako taun-taon buntis. Parang yearly na lang po akong buntis.

“Siguro po kung mabubuntis man ako ngayon, magalit man yung maraming tao, ako pa rin po yung pinakamasayang tao sa buong mundo.”

“Wala po,” walang pag-aalinlangang sagot naman ni Aljur nang tanungin tungkol sa pagkakaroon nila umano ng lihim na anak ni AJ.

Ito kasi ang balitang lumalabas sa social media at may larawan pa ng bata.

Natatawang sabi ni Aljur, “Actually, nakita ko yon kagabi. Nakita ko yon sa social media.

“Hindi talaga… ewan ko ba.

“Yung nangyari nga sa amin noon, parang lumipas muna yung isang taon bago ko nalaman na, ‘Ah, may isyu pala.’

“Yung kagabi, nakita ko nga. Sabi ko, ‘Bakit natsitsismis na may anak kami? Ang bilis naman lumaki ng bata.’”

AJ RAVAL-ALJUR ABRENICA relationship timeline

August 2023 nang unang inamin ni AJ na magkasintahan sila ni Aljur. June 2022 daw nang opisyal na maging sila.

Ngunit bago ito, nagkapalagayan sila ng loob noong May 2021 nang magsimula ang shooting ng pelikulang Nerisa, at nag-stream ito sa Vivamax noong July 30, 2021.

Bida sa pelikula si Cindy Miranda, at kasama sa cast sina Aljur, AJ, at Sean de Guzman.

Noong panahong iyon ay “kuya” pa raw ang tawag ni AJ kay Aljur.

Boyfriend pa noon ni AJ ang ex-Pinoy Big Brother housemate na si Axel Torres.

August 20, 2021 nang ihayag ni AJ sa isang mediacon na nakipaghiwalay siya kay Axel dahil hindi raw maintindihan ni Axel ang sexy image ni AJ sa pelikula.

Huling mga araw ng September 2021, umugong ang usap-usapang nauugnay si AJ kay Aljur.

October 5, 2021 nang kumpirmahin ni AJ sa PEP Live na nanliligaw nga sa kanya ang aktor.

Nang kumalat sa social media ang mga litrato nilang magka-holding hands habang namamasyal sa isang mall noong October 6, 2021, maraming netizens ang naniniwalang magkarelasyon na ang dalawa.

Dinenay iyon noon nina Aljur at AJ. Dahil kasagsagan noon ng isyu sa hiwalayang Aljur at Kylie, at si AJ ang itinuturong third party.

October 15, 2021, mariing pinabulaanan ni AJ na siya ang third party sa hiwalayan nina Aljur at Kylie.

February 14, 2022, namataan silang magkasama sa isang event na ginanap sa isang resort sa Tanauan, Leyte.

February 20, 2022, inulan ng batikos si AJ nang mag-post siya ng beach video nila ni Aljur, at ni-like iyon ni Kylie.

Hanggang noong February 14, 2023, kasabay ng selebrasyon ng Araw ng mga Puso, tuluyan nang kinumpirma nina AJ at Aljur ang kanilang relasyon sa pamamagitan ng magkahiwalay na Instagram posts.