
Aiko Melendez, Candy Pangilinan open up about silent feud
Nagkaayos na ang magkaibigang sina Aiko Melendez at Candy Pangilinan pagkatapos ng dalawang taong hindi pagkikibuan.
Ito ang rebelasyon ng dalawa sa isang video na in-upload sa YouTube channel ni Aiko kahapon, May 31, 2025.
Sa naturang video na may pamagat na “REALTALK WITH CANDY PANGILINAN” ay pinag-usapan ng dalawang aktres ang naganap na hidwaan at reconciliation nila.
FRIENDSHIP HISTORY
Teenagers pa lang sina Aiko at Candy ay magkaibigan na sila.
Sa video, ikinuwento ni Aiko kung paano niya nakilala ang comedienne noong nag-aaral pa sila sa University of the Philippines Diliman.
“Si Candy ang unang nag-master initiate sa akin sa UP nung papasok ako.
“Imagine, ha, tinarayan niya ako. Kasi sa UP Theater Arts siya, siya yung isa sa mga pioneer dun,” lahad ng actress-politician.
Nagtanong daw si Aiko kay Candy kung saan ang direksiyon papunta sa Theater Arts building ngunit hindi siya nito kinausap nang maayos.
Kuwento ni Aiko: “Tiningnan niya po ako from head to toe. Niligaw niya po ako sa UP. Tapos hindi ko alam magiging best friend ko pala.”
Dahil pareho silang nag-aaral ng Theater Arts ay naging maging malapit na magkaibigan ang dalawa.
Sinariwa rin nila ang ilang hindi makakalimutang moments ng kanilang friendship.
Isa na rito ang ang pagtutulungan nila para mapaangat ang kanilang mga career, tulad ng pagtulong ni Candy na mag-evaluate ng mga script na ino-offer kay Aiko.
“Dati tagabasa pa ako ng script nito. Totoo,” pagbabahagi ni Candy.
Ni-request din daw ni Aiko si Candy na maging best friend niya sa isang pelikula with Christopher de Leon.
“Gusto ko ikaw yung best friend kasi tayo talagang inseperable,” saad ni Aiko.
Ang tinutukoy nilang pelikula ay ang Higit Pa Sa Buhay Ko na ipinalabas noong 1999.

NEWS OF MISUNDERSTANDING
Unang pumutok ang balitang may gap ang magkaibigan noong January 2021.
Sa interview ni Ogie Diaz kay Aiko, umamin ang aktres na isang taon na niyang hindi pinapansin si Candy.
Ngunit hindi nito isiniwalat kung ano ang dahilan ng kanilang sigalot.
“She tried to explain her side, but siguro sa sobrang sakit nung nagawa niya sa akin, I’d rather not hear from her muna because I want to heal,” sabi ni Aiko.
Pahiwatig ni Aiko, naging careless umano si Candy sa kanyang pananalita.
Saad niya: “Gusto ko sana na matuto, na may matuto rito, na kapag kaibigan mo, kahit nakainom ka o hindi, dapat kaibigan mo yan.
“Hindi ka nagiging very carefree in saying things, tactless.
“Because ako, kapag naging kaibigan mo ako, ipagtatanggol kita, kahit nakaharap o nakatalikod.”
Dagdag pa ni Aiko, inamin niyang may away sila ni Candy para hindi na siya tanungin ng fans kung bakit hindi na sila nakikitang magkasama.
Marami raw kasing nagtatanong noon kung bakit hindi na nasundan ang pagba-vlog ni Aiko kasama ang mga barkada niyang sina Candy, Carmina Villarroel, at Gelli de Belen.

Photo/s: Aiko Melendez YouTube
Kalaunan ay nagkaroon ng sariling podcast at YouTube vlog sina Candy, Carmina, at Gelli, ngunit ang kasama na nila ay ang kapatid ni Gelli na si Janice de Belen.

Photo/s: Janice de Belen YouTube
THE RECONCILIATION
Sa bagong vlog nina Aiko at Candy, sinabi ng mga itong hindi na nila matandaan ang naging dahilan ng kanilang away.
Hinuha ng komedyana, baka isang tao na hindi niya pinangalanan ang naging puno’t dulo ng lahat.
Saad ni Candy: “Ang tagal kong inisip, in-analyze. Iniisip kong mabuti.
“May iniisip akong tao, yung tao na yun na naisip ako, na hanggang ngayon, hindi ko kinakausap.
“Dahil feeling ko, siya ang nag-ano ng kuwento. Dahil usually siya yung nagiging cause ng maraming ano. Sabi ko, baka siya. Yun lang.”
Pahayag naman ni Aiko, masaya siyang natural na naayos ang kanilang relationship.
Aniya: “Almost two years ba tayong hindi nagkita at hindi nag-usap?
“It comes with maturity, ‘no, na siguro we came to a point na hindi na natin kailangang mag-usap, what went wrong.”
Nagkasalubong lang daw sila sa Greenhills at nagkumustuhan agad.
Kuwento ni Candy: “Nagpansinan tayo tapos niyakap ka ni Quentin.
“Tapos sabi mo, ‘Uy, usap tayo ha?’ Sabi ko, ‘Sige sige sige.’ Tapos umalis ka kasi may pupuntahan ka pa yata.”
Si Quentin ang anak ni Candy.
Matapos ang hindi inaasahang pagkikita ay nag-usap na silang muli sa pamamagitan ng text message.
“Para tayong tanga!” sambit ni Aiko habang tumatawa.
THE SILENT WAR
Gayunpaman, inusisa pa rin ni Aiko kung tama ba ang naging approach niyang matagal na hindi pansinin ang kaibigan.
Ayaw raw kasi niyang direktang komprontahin noon si Candy.
Ani Aiko: “Ako, sa totoo lang, kung kinonfront kita nung mga panahon na yun, baka hindi tayo umabot sa ganito. Baka mag-away tayo, magsigawan tayo.
“Ano ba dapat? Sa tingin mo ba, tama rin ito na umabot din tayo sa puntong ito na hindi na natin kailangang mag-usap?
“And then we just trusted na aabot din tayo na magkakaayos tayo?” pahayag ni Aiko.
Nirerespeto naman daw ito ni Candy.
Pahayag niya: “Proseso mo yun, e, so hindi ko puwedeng i-judge.
“Hindi ko puwedeng sabihin na ‘dapat ito ang ginawa mo,’ kasi proseso mo yun, e.
“Yun ang nararamdaman mo. I cannot judge your emotions.
“I cannot judge how you feel kasi that’s how you feel, e.”
Ipinagtapat naman ni Aiko na kahit hindi niya pinapansin si Candy noon, gusto pa rin niyang maging updated sa buhay nito.
Sabi ni Aiko sa kaibigan: “Naalala mo nung binlock kita sa IG, e.
“Tinanong sa akin ni Carmina yun, e. ‘Hinahanap ka ni Candy, hindi ka niya makita raw.’
“Sabi ko, binlock ko siya kasi ayokong makita kita nun.
“Aaminin ko ito first time, nami-miss kita. So, ia-unblock kita. Tingnan ko lang.
“Tapos nanonood ako ng YouTube channel mo. Sabi ko, ‘Ay, mabuti naman maayos ang buhay niya.’”
ROADTRIP MOVIE
Isiniwalat din ni Aiko na dapat ay kasama siya sa 2024 movie na Roadtrip, na pinagbidahan nina Candy, Carmina, Gelli, at Janice.
Si Candy ang nagsulat ng script nito habang si Andoy Ranay ang direktor.

Naluluhang sabi ni Aiko: “Nung kinu-conceptualize natin yung pelikulang yun, dapat kasama ako, di ba?
“Nung dini-discuss mo yung pelikulang yun, dapat kasama ako.”
Inamin ni Aiko na pinanood niya ang Roadtrip kasama ang boyfriend na si Jay Khonghun.
Lahad niya: “Sabi ko, ang saya ko para sa best friend ko, kasi natupad niya na yung pangarap niya na magsulat ng script.
“Do you know na ako yung happiest nun?
“So, after nun, pinalabas unang time sa Netflix, sabi ni Jay, ‘Uy, palabas na yung pelikula ng kaibigan mo sa Netflix.’
“Sabi ko, ‘Ah, talaga?’ Pinanood namin together.”
Nangako naman si Candy na magsusulat pa siya ng script para makasama sa pelikula ang kaibigan na si Aiko.
“Huwag kang mag-alala, gagawa pa tayo,” sabi niya.
“Kinausap naman kita, tinanong kita, di ba?
“Susulat ako ulit. Susulat ako ulit, huwag kang mag-alala. Dito siguradong kasama ka.”
Sa huli ay nangako si Aiko kay Candy.
Aniya: “Siguro itong hindi natin mapagkaintindihan is just one for the books. Siguro it will make our friendship stronger, better.
“And always remember, ito mapapangako ko sa yo, bes. Hindi na ako mawawala. Kasi every step fo the way, nandito na ako.
“Welcome back to my life.”
Source: Aiko Melendez, Candy Pangilinan open up about silent feud