Balitang Trending:
NGCP, WALA RAW DAGDAG KITA SA PAGTAAS NG ANCILLARY SERVICES CHARGES
Nagkaroon ng malaking pagtaas sa transmission charges sa kuryente ngayong Setyembre, kaya nagbigay-linaw ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) tungkol sa sanhi nito.
Ayon sa NGCP, bumaba ng 5.5% ang transmission wheeling rates mula PhP 0.5038/kilowatt-hour (kWh) noong Hulyo 2024, naging PhP 0.4761/kWh noong Agosto 2024.
Gayunpaman, tumaas ng 125.92% ang ancillary services rates para sa Agosto 2024, mula PhP 0.2712/kWh noong Hulyo, umabot ito sa PhP 0.6127/kWh. Ang pagtaas na ito ay sanhi ng Ancillary Services (AS) charges na kinuha mula sa Ancillary Services-Reserve Market (AS-RM), na nagbukas muli noong Agosto 5, 2024, at hindi pa kasama ang 70% natitirang ancilliary services charges para sa Marso 2024 billing period.
Diin nila, iniutos ng Energy Regulatory Commission (ERC) noong Mayo ang partial lifting ng suspension sa settlement amounts sa AS-RM at pinayagan ang 30% Partial Settlement para sa Marso 2024 billing period upang mabawasan ang pagtaas sa AS charges.
Hindi umano kumikita ang NGCP sa ancillary services charges dahil ito ay pass-through cost na nangangahulugang ang mga generating companies ang nakikinabang mula sa pagtaas.