Pilipinas today:

PANIBAGONG RAPE VICTIM NG TV EXEC, LUMANTAD

“It took me a while to finally take action on this issue. But now, I am no longer afraid, and I shouldn’t be the one living in fear. I was raped and deceived by the same person who also raped Kuya (Gerald),” pahayag ni singer na si Enzo Almario.

Sa isang Facebook post noong Huwebes, Setyembre 12, ibinunyag ni Enzo Almario na pinagsamantalahan din umano siya ni dating GMA Music Director Danny Tan, matapos pangalanan ng kapwa dating Sugarpop member Gerald Santos si Tan sa pagdinig ng Senado.

Sa pahayag ni Santos sa Senado, ginahasa umano siya ni Tan noong 2005 habang mina-manage pa ni Tan ang grupong Sugarpop, kung saan miyembro sina Santos at Almario. Idinagdag pa ni Santos, 15 taong gulang pa lamang siya nang mangyari ang panghahalay.

Dahil sa rebelasyong ito, lumantad na rin si Almario at inilahad na ginahasa naman siya nito noong siya naman ay 12 anyos pa lamang. Pahayag ni Santos, ikinagulat niya ang rebelasyong ito ng kaniyang dating kasamahan sa industriya.

“Nagulat po ako, nung ako po’y lumabas sa Senado, nag-message po siya sa akin. At siya po ay mas bata sa akin,” ani Santos.

Mensahe naman ni Almario sa iba pang mga naging biktima ng direktor, “speak up and free yourself.”

#PilipinasToday