Ricky Lee Kidlat Tahimik feted at 4th PFIM gala night

Dumalo sina Ricky Lee at Kidlat Tahimik sa gala night ng 4th Philippine Film Industry Month (PFIM) noong Setyembre 13, 2024 sa Teatrino, Promenade, Greenhills, San Juan City. Um-attend din ang mga kaanak ng iba pang National Artists for Film and Broadcast Arts.

Andiyan si Lovi Poe na daughter ni Fernando Poe Jr., Janno Gibbs na apo ni Manong Gerardo de Leon, at Direk Joey Romero na anak ni Direk Eddie Romero.

Janno Gibbs at  4th Philippine Film Industry Month gala night
Janno Gibbs at 4th Philippine Film Industry Month gala night

Photo/s: Jerry Olea

“Tuloy Ang Tradisyon ng Pelikulang Pilipino” ang tema ng 4th PFIM, kung saan punong-abala ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) with its CEO and Chairperson Direk Jose Javier Reyes.

Bongga ang production numbers nina Nyoy Volante, Jason Dy, Katrina Velarde, Klarisse de Guzman, at Jona bilang pagpupugay sa labing-isang Pambansang Alagad ng Sining sa larangan ng pelikula at broadcasting.

Jason Dy, Katrina Velarde, Klarisse de Guzman, Nyoy Volante at 4th Philippine Film Industry Month gala night

Nakakaindak paghataw nina Jason at Klarisse ng “Totoo Ba Ang Tsismis,” “Annie Batungbakal,” at “Bongga Ka, Day.”

Jason Dy and Klarisse de Guzman at 4th Philippine Film Industry Month gala night

Kumukurot sa puso ang pag-awit ni Jona ng “Kahit Konting Awa,” na theme song ng The Flor Contemplacion Story.

jona at 4th Philippine Film Industry Month gala night

Sayang at wala ang Superstar Nora Aunor, o ang sino mang representative niya.

Ang ganda-ganda ng tribute kay Ate Guy, at masigabo ang palakpakan para sa kanya ganoon din sa iba pang National Artists.

Ang nag-host ng programa ay si Enchong Dee.

HONOREES AT 4th Philippine Film Industry Month

Sa lipon ng 11 National Artists for Film and Broadcast Arts ay tatlo na lamang ang buhay — ang 71-anyos na si Nora Aunor, ang 76-anyos na si Ricky Lee, at ang 81-anyos na si Kidlat Tahimik.

kidlat tahimik, joey reyes, ricky lee at 4th Philippine Film Industry Month gala night
(L-R) Kidlat Tahimik, Joey Reyes, Ricky Lee at 4th Philippine Film Industry Month gala night

Photo/s: Jerry Olea

Pahayag ni Direk Joey Reyes, “Kung walang pagpapahalaga sa pinagdaanan, hinding-hindi mo mauunawaan ang kasalukuyan.

“Higit sa lahat, kung hindi mo naiintindihan ang kasalukuyan, hinding-hindi mo rin mawawari ang landas na patutunguhan ng kinabukasan.

“Sa mga katagang ito, binibigyan natin ng kahalagahan ang mga Pambansang Alagad ng Sining sa pelikula.

“Maraming-maraming salamat sa inyo, dahil tulad ng nabanggit ko, sa inyong mga balikat nakatayo kaming lahat.

“At sa inyong mga inspirasyon darating ang lalong mga nagniningning na henyo ng kinabukasan ng ating mga talentong Pilipino.

“Lovi, hindi mo lang alam kung gaano kahalaga ang kontribusyon ni FPJ hindi lamang bilang isang artista kundi bilang isang direktor sa ngalang Ronwaldo Reyes.

“Hindi mo rin alam kung paano siya naging simbolo ng Pilipino. Dahil sa kanyang mga pelikula, ipinakita niya na hindi lamang isang messiah ang kailangan kundi ang pagtutulungan ng sambayanan.

“Ricky, hindi masusukat ang tulong na ibinigay mo sa napakaraming nangangarap na bagong manunulat.

“Naalala ko, noong sabay tayo noon, noong may Himala at may Oro [Plata, Mata], ang taas-taas ng mga pangarap mo at lalong nakakataba ng puso pag nakikita ang mga manunulat na umuusbong sa iyong mga… walang selfishness na pagbibigay ng workshop.

“At Tatay Kidlat, ano ang Philippine independent cinema kung wala ka? Binuwag mo ang lahat ng tradisyon.

“Binuwag mo ang lahat ng kumbensyon. At pinalaya mong lalo ang imahinasyon ng mga experimental filmmakers natin.

“So sa inyong lahat na nandirito, maraming-maraming salamat!

“At saka hindi ko palalagpasin ang gabing ito na hindi binibigyan ng parangal si Leo Katigbak at ang Sagip Pelikula.

“Dahil sa inyo, nabubuhay muli ang mga pelikula ng ating National Artists.

“At isa ring priority ng Film Development Council [of the Philippines] ang restoration ng mga pelikulang ito.

“Sa katunayan, ang unang-una naming inaatupag ay ang restoration ng lahat ng pelikula nina Brocka, Bernal, at Marilou Diaz-Abaya.”

4th Philippine Film Industry Month gala night stage
Ang mga larawan ng mga pinarangalan sa 4th Philippine Film Industry Month gala night

Photo/s: Jerry Olea

Kasabay ng gala night ng 4th PFIM ang Funeral Vigil para kay Direk Ishmael Bernal sa La Funeraria Paz sa Araneta Avenue, Quezon City.

Ang Reinterment Ceremony ay kinabukasan, Setyembre 14, Sabado ng umaga sa Libingan ng mga Bayani, Taguig City. Merong Military Honor — Army March at 21-Gun Salute — na nag-live streaming sa Facebook page ng National Commission for Culture and the Arts.

RICKY LEE’S WORDS OF WISDOM

Sinabihan ni Direk Joey Reyes si Sir Ricky Lee, “Baka may gusto ka namang i-impart na words of wisdom sa iyong mga adoring fans and students…”

Pag-akyat ni Ricky ng entablado, ang sabi niya, “Hindi ko alam na magsasalita ako. Akala ko, manonood lang kami.

“What comes to mind is, hindi ako tumitigil mag-create, lumikha ng kung ano man iyung dati kong ginagawa at naging dahilan kung bakit ako hinirang na isang National Artist.

“Which means up to now, yung persistence ko, hindi pa rin tumitigil. I have two films para sa Metro Manila Film Festival na sinulat ko.

“And katatapos lang ng nobela ko, ilo-launch ko bukas.”

Ang nobelang tinutukoy ni Sir Ricky ay ang Kalahating Bahaghari, na inilunsad nitong Setyembre 14, Sabado ng gabi, sa Manila International Book Fair sa SMX Convention Center ng SM Mall of Asia Complex, Pasay City.

Dagdag ni Sir Ricky, “Nagsimula na akong magsulat ng memoirs ko at isa pang nobela.”

Singit ni Direk Joey, “Ricky, ang malaki nilang katanungan, natutulog ka pa ba?”

Napangiti si Sir Ricky, “Actually, mas nakakapahinga ako pag naiisip ko na patuloy akong gumagawa, lumilikha.

“Pag wala akong ginagawa, like natapos ko iyung nobela ko, restless ako, hindi ako makatulog. Parang biglang nawalan ako ng purpose sa buhay, biglang nabakante.

“Pero nung nagsimula akong harapin iyung mga susunod kong gagawin, nabuhay uli ako.

“Like gusto kong ituloy iyung workshop ko na na-postpone nang na-postpone. Hopefully, this year matuloy ko na rin.

“So, yun. I think iyung huwag kang titigil, ups and downs, rejections, triumphs, victories, ahhh masasaklap na karanasan.

“Pero I can say na for so many decades mula noong ‘70s with Jaguar hanggang ngayon, hindi ako tumigil.”

KIDLAT TAHIMIK: INDIGENOUS, INDIO-GENIUS

Hiningan din ni Direk Joey Reyes ng ilang kataga ang idolo niyang si Tatay Kidlat Tahimik.

Boots Anson-Roa and Kidlat Tahimik at the 4th Philippine Film Industry Month gala night
Boots Anson-Roa and Kidlat Tahimik at the 4th Philippine Film Industry Month gala night

Photo/s: Jerry Olea

Nakabahag si Kidlat, at sa mga nagpapalitrato, gusto niyang makunan pati ang kanyang bahag.


kidlat tahimik at 4th Philippine Film Industry Month gala night

Aniya, “Napakamalaking karangalan to be here with the industry people. Alam ko for years and years ahhh I was always… taking care sa mga kabataan na…

“It’s not really part of the film industry. Hindi ito snobbishness. Hindi naman mababa ang tingin ko… it’s just that…

“Ewan ko, gawa lang ako nang gawa, laro nang laro. Nakakalabas ng mga… what I call ‘spaghetti,’ yung film rolls.

“Wala na yatang ‘spaghetti’ ngayon, kasi everything is green, red, yellow dots.

“But it was always a symbol for telling stories from my own point of view,” pagmumuwestra ni Kidlat sa hawak niyang bamboo camera.

“Ito po ay isang fish trap sa Ifugao. Papasok iyong isda dito, at lulutuin mo na, bubuksan mo dito.”

Binanggit ni Kidlat Tahimik na matagal na niyang kakilala si Ricky Lee.

“Alam namin na marami nang pinagdaanan ang industriya. I remember, Ricky, nung matagal na, tinanong ko sa iyo about whether your best scripts are always produced,” paggunita ni Kidlat Tahimik.

“You remember that? Ang sabi niya noon, I think, ‘My best scripts, itinatago ko lang sa baul, kasi baka hindi mailabas.’

“Pero I think now, the film industry is on a roll. Marami na ang lumalabas, a lot of talented scriptwriters, a lot of storytellers. “

At kami, mga storytellers lang kami, at sa pamamagitan ng bamboo camera, ilalabas natin ang indio-genius ng Pinoy.

“Indigenous, naging indio-genius. Ilalabas pa rin sa mga kuwento natin. Mabuhay ang indio-genius ng Pinoy industry!”

May munting regalo ang FDCP kina Ricky Lee at Kidlat Tahimik — kani-kanyang portrait.