Kathryn Bernardo-Alden Richards movie tickets, mabibili na

Para sa mga fans nina Kathryn Bernardo at Alden Richards na sabik na sabik na silang matunghayang muli sa big screen, may good news!

Maaari nang bumili ng tickets para sa pelikula ng KathDen na “Hello, Love, Again.”

Batay ito sa post ng official Facebook page ng SM Cinema ngayong September 14, 2024.

Poster of KathDen movie

Mapupunan na ang pananabik ng mga naghihintay ng panibagong kabanata ng love story nina Ethan at Joy. Photo: SM Cnema

Ayon sa post: “The ultimate love story is returning to the big screen!

“Tickets for ‘Hello, Love, Again’ are now on sale!

“Join Joy and Ethan as their hearts reconnect in this heartwarming reunion, coming to SM Cinema on November 13.”

Ang post ay may kalakip na poster ng KathDen movie, at ng link kung saang movie outlets ng SM maaaring bumili ng tickets at kung anong oras puwedeng manood.

ALDEN RICHARDS EXCITED SA MULING PAGTATAMBAL NILA NI KATHRYN BERNARDO

Sa Canada ginanap ang shooting ng Hello, Love, Again.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Alden sa 40th Star Awards For Movies, na ginanap sa Henry Lee Irwin Theater sa Ateneo de Manila University noong July 21 bago siya lumipad patungong Canada.

Pinuri niya si Kathryn, na aniya ay positibo ang mga pagbabagong nakikita niya ngayon sa Hello, Love, Again leading lady.

Ayon sa Kapuso actor, nag-mature si Kathryn at masaya siya na bahagi siya sa magagandang pagbabago na nangyayari sa kapareha.

“She’s more mature now. She’s very much excited to try new things kaya nakakatuwa na sa proseso na yun magkasama kami, of course, while doing this film.”

Ayon kay Alden, excited siya sa sequel na ito ng Hello, Love, Goodbye, na kumita ng PHP880 worldwide gross noong 2019.

Ito ang highest grossing Filipino film bago napalitan ng 2023 Metro Manila Film Festival entry na Rewind.

“Very excited and looking forward kasi it’s been five years since yun ang chance namin para makapag-work uli to retell the story of yung sequel na Hello, Love, Goodbye.”

Aabangan ngayon kung mahihigitan nito ang kinita ng kanilang unang movie na pinagtambalan.

Para sa mga gusto nang bumili ng ticket, naririto ang link: https://bit.ly/HelloLoveAgainAtSMCinema