Andrew E shrugs off critics of hit song “Humanap Ka ng Panget”
“Masa Rap Si” ang huling single ni Andrew E, na na ni-release noon pang 2022 sa Spotify.
“Dun pa lang, hindi ko na kailangang patunayan pa,” paghagikgik ng 57-anyos na rapper sa mediacon noong Setyembre 8, 2024, Linggo, sa Golden Ballroom ng Okada Manila, Parañaque City.
“Ha! Ha! Ha! Ha! Ganito yan, e. Naka-double meaning kasi yon. Masa rap si Andrew E, ibig sabihin, you know… masarap pakinggan si Andrew E.
“Or if you dive into the left, farther left is… ‘masa’ rap. Meaning, rap na pang-masa.
“So, masa rap yung uri ng aking kanta. Masa rap, rap na pang-masa. So, masa rap si Andrew E.”
SEÑORITA
Ang first ever major concert ni Andrew entitled 1 For Your Mind ay gaganapin sa Disyembre 11 sa New Frontier Theater ng Cubao, Quezon City.
Kaugnay rito, may ire-release ba siyang bagong kanta?
“I have a new song coming out. Namimili na lang ako ng buwan. It’s called ‘Señorita,’ you know,” tugon ni Andrew E.
“It’s about a girl na tinutukoy ko na, ‘Señorita kita/ Ano mang sabihin mo/ Susundin kita.’ So, yun yung ano.
“But people can say, ‘Oh, Andrew, I think it’s double meaning again!’ Yes, it is double meaning again. Kasi, dun na ako nakilala, di ba?
“So, ‘Ano mang sabihin mo/ Susundin kita/ Pag sinabi mong upo/ Uupo ako/ Dahil mahal kita.’
“Yun yung ano. So ang chorus ko dun was, ‘Ikaw ang aking señorita/ Lahat ng sabihin mo/ Susundin kita/ Pag sinabi mong kain/ Kakainin ko/ Kasi mahal kita.’
“O, di ba? Sige, yung food. Pag sinabi mong kainin ko yung food, kakainin ko talaga.
“So, yun ang double meaning dun sa song. But it’s gonna come out maybe around… this time. Ha! Ha! Ha! Ha!”
RIGHT STRATEGIES
May pinagsisihan ba siya sa mga kantang pinerform niya sa entablado? Yung wini-wish niya na sana, hindi na lang niya kinanta?
Napakunot-noo si Andrew E, “Oh, wala! Kasi, ano… hindi maiaalis na with an Andrew E, for 34 years, wala naman po akong kinuha na lyrics writer ko or music writer ko.
“So, every song, choice of song, choice of lyrics, came from me. So you know, in reverse…
“Hindi ko puwedeng sabihin na sinisisi ko yung sarili ko dahil pinili ko yun.
“In fact, I’m so happy, I’m so elated, and I’m so… may I say, you know, appreciative of the right songs that I did, of the correct lyrics that I had.
“And at the same time, yung mga right strategies that I did, kung paano ko ie-elaborate or kung paano ko ilalabas yung song, when and how.
“And in fact, I remember this little story of mine. I remember, if you guys can remember my album Wholesome. That was year 1999.
“Anybody, any recording company at that time, nung 1999, in reverse, meaning from the past… ang palaging strategy nila was, create an album, and then promote Metro Manila, and then follow Visayas-Mindanao.
“So Manila, Luzon, Visayas, Mindanao. Binaliktad namin yun sa Wholesome. “We promoted Mindanao, Visayas, and then siguro, iniisip mo, Manila na? No.
“Mindanao, Visayas, Ilocos pababa to Dagupan, Pampanga, Bulacan, at hinuli namin ang Metro Manila.
“You know kung ano ang nangyari nun? On the phone, kasi wala pang cellphone nun at the time.
“You know ang nangyari sa phone, kunyari may nagtatawagan na mga tao. ‘Huy, huy, huy! Ano, may hit sa amin si Andrew E na kanta!’ ‘Anong kanta, Humanap Ka Ng Panget?’
“‘Hindi, hindi! Bago!’ ‘Anong bagong kanta? Walang bagong kanta si Andrew E!’ ‘May bago! Yung… yung… yung Banyo Queen!’ ‘Wala, wala siyang kantang ganun!’
“Metro Manila was answering that way. Hindi nila alam. So what happened was snowballing na yung effect from Mindanao, Visayas, Luzon coming down.
“Hindi pa nila alam, sabog na sabog na yung kanta ko sa buong Pilipinas, Metro Manila is still not in the know. Hindi pa nila alam.
“Kaya nung lalong nag-hit sa Metro Manila. Wala na, unstoppable.”
RE-INTRODUCTION
Sinasabing ang local music industry ay Manila-centric. Bakit at paano naisip ni Andrew E na sa mga probinsiya muna i-promote ang kantang “Banyo Queen”?
Pagbabalik-tanaw ni Andrew E, tinanong siya ng presidente noon ng Sony Music Philippines na si Wally Chamsay over dinner kung paano iyon palalaganapin.
“Sabi ko, ‘Siyempre, let’s kick it off with tons of pictures for the press, for the media,’ para ma-reintroduce ako,” salaysay ni Andrew E.
“Because, di ba, the last song I did at that time was what? ‘Humanap Ka Ng Panget’ in 1991.
“E, I’d be doing it, like, nine years after which is 1999. So siguro, let me be re-introduced again to the people. Tons and tons and toneladang-toneladang mga picture to reinstall me again.
“Or you know, restart my career again maybe. And another thing, add to that, sabi ko, ‘Let’s put it in a reverse situation of marketing. Ihuli natin ang Metro Manila because that’s the ugali of everyone.’
“Inuuna ang Metro Manila, hinuhuli ang countryside. ‘Unahin natin ang coutryside, market and perform, at ihuli natin ang Metro Manila, and let’s see how they will react.’
“Then, nung nag-react ang Metro Manila, it was very expected of us. Na yun yung iniisip namin na, ‘Sana ganito, magkaganito yung reaction.’
“Na para bang mabubulaga sila na, ‘Oh?! May hit song pero hindi namin alam?! Ano yan?!’ Kasi hindi sila to the norm of that kind of ugali.
“Kasi usually, ang pinagmamalaki ng Manila, ‘Oh, may hit song kami sa Manila, hindi nyo pa alam sa countryside!’ Di ba? Ganun palagi, e.
“Hindi! Baliktad, ‘Oy! May hit song si Andrew E sa countryside, hindi niyo alam sa Manila…’ Nagulat sila dun.”
PANGET SONG
May mga “galit” sa kantang “Humanap Ka Ng Panget” dahil sa panahon ngayon, maski raw mga panget ay cheater na rin.
“Pero hindi ba nila na-realize, counter? Eto ang dapat nilang ma-realize,” pagmamatwid ni Andrew.
“Tinanong ako, ‘Andrew, sa dinami-dami ng kanta na maiisip mo sa buong mundo, bakit ang unang-unang kanta mong nilabas ay Humanap Ka Ng Panget? Sa dinami-dami ng title na naisip mo, bakit iyan pa?!’
“‘E, kasi mga kaibigan, 80 percent ng Pilipinas ay panget. Eighty percent ng Pilipinas ay panget kaya nung narinig nila yung kanta, 80 percent ng Pilipinas, nagbunyi.
“Bakit? Kasi nagkaroon sila ng value in life na dati, wala sa kanila. Dati, iniitsa-itsapuwera lang sila.
“You know, pag wala kang magandang hitsura, wala kang magandang katangian, di ba, hindi ka pinapansin ng lipunan?
“But now, after my Humanap Ka Ng Panget, anong sabi nila? ‘Hindi nga kami kagandahang lalaki, hindi nga kami kagandahang babae, pero baka maganda ang puso namin.’ Ohhhh…
“Tumaas yung value nila. Kaya nagpasalamat sa akin ang lipunan.
“E, finollow up question ako. ‘So, kino-consider mo at inaamin mo na panget ka?’ ‘Ah, hindi. Ako, nasa 81 pataas.
“Wala ako sa 80 pababa!” sambit pa ni Andrew E.
Siyangapala, available sa TicketNet outlets at Ticket1 branches nationwide ang tiket sa 1 Time For Your Mind concert.
Ang halaga ng tiket ay P9800 (SVIP), P7800 (VIP), P5800 (Orchestra Center), P4800 (Orchestra Side), P3800 (Loge), P2800 (Balcony Center), at P1800 (Balcony Side).
Ang producer ay si Jonathan L. Wee ng Ticket1 Concerts.