SB19 Stell Ajero recalls his struggles as a singer

Hindi naging madali para kay Stell Ajero ang makamit ang tagumpay.

Si Stell ang lead singer at choreographer ng sikat na P-Pop boy group na SB19.

Sa nakaraang mediacon ng The Voice Kids, ipinaliwanag ng 29-year-old singer-dancer sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ilan pang media ang naging hirap niya sa pag-abot ng kanyang pangarap maging performer.

Sabi ni Stell, “It’s a different experience from them kasi, ako po talaga, I started singing, I think, high school na po talaga.

“Before, nag-try po ako na i-pursue yung singing, but I guess iba talaga yung iniisip ko lang nung bata ako.

“Siguro, dahil hindi rin sapat yung parang kakayanan ko or siyempre dahil bata ako, hindi rin kaya ng parents to suportahan ako financially, parang hindi rin ganun kadali sa akin na mag-aral or mag-take ng mga, alam niyo po, yung mga lessons or everything.

“Kasi nga, dahil kapos din po, so parang nag-iisip na lang po ako ng ibang way na puwede kong gawin para lang po ma-express yung sarili ko, yung talent ko, which is, nag-focus po ako sa dancing.”

STELL AWARE OF HIS TALENT IN SINGING

Mabuti na lamang daw at alam na niya sa sarili noon pa na may angkin siyang talent pagdating sa pagkanta.

Aniya, “But yung singing naman po kasi, masasabi ko po meron na po siya, meron na po akong talent na before.”

Masuwerte raw ang mga kabataan ngayon dahil maraming kaparaanan na ang puwede nilang gawin para matuto ng tamang pag-awit.

Saad ni Stell, “I guess yung maganda sa panahon po ngayon, sobrang ang daming maa-access yung mga kabataan sa pag-aral ng kanta.

“Of course, meron tayong Internet, madaling mag-aral ng kanta. And of course, kahit sa Internet may mga libre vocal lessons, may mga libre ganun.

“May mga affordable na mga vocal teachers.”

Pagbabalik-tanaw pa niya, “Hindi katulad po dati na talagang pupunta ka talaga sa mga bahay-bahay or sa mga lugar nila para makapag-vocal lessons.

“But now, kahit sa bahay niyo, puwede kayo sa Internet, online, or pupunta yung teacher.

“Basta marami na pong access ngayon yung mga kabataan.”

Hinihikayat din ni Stell ang mga kabataang nangangarap na sumikat sa larangan ng pagkanta na sumali sa iba’t ibang singing competitions, katulad na lamang ng The Voice Kids.

“And of course, super happy rin kami na marami ding mga ganitong klaseng programa na tumutulong and mas pinapatatag pa yung pangarap ng isang bata na, ‘May nakasuporta sa yo, naniniwala kami sa yo.’

“And very welcome kayo to join any competition basta naniniwala ka sa sarili mo at alam mo meron kang talento at bagay na bagay ka dito.”

Host ng show si Dingdong Dantes, at kasama naman ni Stell bilang vocal coach sina Julie Anne San Jose, Billy Crawford, at si Pablo ng SB19.

Stell and other The Voice Kids coaches and host Dingdong Dantes

Ayon pa kay Stell, blessing talaga ang show, hindi lamang sa kanila, kundi sa mga batang nangangarap.

Saad nito, “So, The Voice Kids is very, for me, blessing din.

“Not only for me but also to all the talents na handang sumabak dito sa Blind audition kasama ang kanilang supportive parents.

“Kaya naman po, ayun, super happy na naging part kami nito dahil magiging bahagi rin kami ng buhay ng mga bata na nangangarap katulad namin before.”

Magsisimula ang The Voice Kids sa GMA-7, sa September 15, 2024, 7:05 P.M.