Jessy Mendiola reveals she almost broke up with Luis Manzano

Inamin ni Jessy Mendiola na muntik na silang maghiwalay noon ng asawang si Luis Manzano.

Bagong kasal pa lang daw sila noon nang magkaroon sila ng matinding pagtatalo tungkol sa mga kaibigan ni Luis na hindi nagustuhan ni Jessy.

Dalawang beses ikinasal sina Luis at Jessy.

Una, ang civil wedding nila na ginanap sa The Farm sa San Benito, Batangas, noong February 21, 2021.

Pangalawa, ang church wedding nila sa isang simbahan sa Coron, Palawan, noong February 15, 2024.

Sa vlog sa YouTube ni Jessy nitong September 8, 2024, naging panauhin niya ang mister na si Luis.

Dito ay sumalang sila sa “Truth or Dare.”

Jessy Mendiola reveals she almost broke up with Luis Manzano

Photo/s: Screengrab @Jessy Mendiola YouTube

Isa sa natanong kay Jessy ang tungkol sa muntik-muntikan na nilang paghihiwalay noon ni Luis.

Tanong sa kanya, “Describe the time you almost broke up with your spouse.”

Bakas sa mukha nina Luis at Jessy ang pagkabigla sa naging tanong.

Pero imbes na umiwas, piniling sagutin at ikuwento ni Jessy ang dagok na naranasan nilang mag-asawa.

JESSY ON WHY SHE almost ended marriage TO LUIS

Kuwento ni Jessy, kakakasal lang nila noon ni Luis nang mapansin niya ang ilan sa mga kaibigan ng mister.

Naramdaman niyang may masamang intensiyon ang ilan sa mga ito kay Luis kaya’t sinabi niya ang kanyang kutob sa kanyang mister.

Pagbabalik-tanaw ni Jessy: “Ayun yung time na may mga tao sa paligid niya na talagang hindi okay.

“Kakakasal lang namin non actually, mga one year pa lang kaming kasal noon.

“Kinasal kami, tapos the next day, inaway-away ako nung tao na yon. Kaya pala galit na galit siya sa akin kasi may tinatago pala siyang sikretong karumal-dumal, na malala.

“So, doon ko naamoy na parang, ‘May something itong taong ito. Bakit galit na galit siya na kinasal kami?'”

Agad daw niya itong ipinaalam kay Luis, ngunit imbes na paniwalaan at panigan ay mas nanaig daw sa asawa ang pinagsamahan nila ng kaibigan.

Ani Jessy: “So, sinabi ko yon sa kanya. Sabi ko, ‘Alam mo itong dalawa na ito parang may something sa kanila. Parang hindi sila okay for you. Parang hindi sila good for our family, and of course lahat ng pinaghirapan mo masisira.’

“Ayaw niya [Luis] talaga patibag. Inaaway niya talaga ako. As in, talagang away. Kulang na lang kampihan niya yung mga taong iyon.

“So ako, parang sabi ko, ‘Teka lang, ako yung asawa, di ba, bakit parang hindi niya ako pinapaniwalaan?’

“Tandaan niyo, guys, na ang asawa niyo, sila talaga ang magbe-break or make sa inyo.

“Kaya kailangan, ang mga babae, kapag may nararamdaman sila about you or sa paligid niyo, dapat pakinggan niyo. Kasi, for your own good yon.”

Nang makapag-usap sila nang masinsinan, dito raw napagtanto ni Jessy na hindi pa handa si Luis na bumuo ng sariling pamilya dahil hindi pa siya nito kayang piliin, unahin, at ipagtanggol.

Pahayag ni Jessy: “So, ang nangyari sa amin, nung sinabi ko sa kanya, nagagalit pa siya sa akin, tapos hindi niya ako pinapansin.

“Ang sabi niya sa akin, ‘Mali ka, matagal ko na silang kilala. Halos kababata ko sila, part of the family sila.’

“So ako, [sabi ko] hindi ba ako part ng family? Tapos nanghihingi na rin siya sa akin ng anak nun, sabi ko, ‘No, hindi ka pa ready maging tatay.’

“Kasi either na piliin mo yung pamilya mo or sige piliin mo yung mga kaibigan mo na hindi okay para sa iyo.”

JESSY CONSULTS LUIS’ MOTHER, VILMA SANTOS

Dumating na rin daw sa punto noon si Jessy na nag-isip kung ipagpapatuloy pa niya ang relasyon nila ni Luis.

Dahil gulong-gulo, minarapat daw niyang hingin ang panig ng ina ni Luis na si Vilma Santos.

Bilang ina, pinayuhan naman daw siya ni Vilma na mag-isip nang mabuti bago gumawa ng pinal na desisyon.

Sabi ni Jessy: “So ang ending, nagpaalam na talaga ako kay Momskie [Vilma] noon.

“Sabi ko, ‘Momskie, hindi ko na talaga po kaya. Mahal ko po kayo pero hindi na po ako pinapakinggan ng asawa ko sa totoo. Yung talagang magbibigay sa kanya ng kaliwanagan, hindi na siya nakikinig sa akin.’

“Si Momskie, sinasabi naman niya na, ‘Jes, naku, kumapit ka pa kasi nagsisimula pa lang kayo, kakakasal niyo lang, ganyan-ganyan.'”

Makalipas ang ilang araw, tila nahimasmasan daw si Luis at humingi ng tawad kay Jessy.

Saad ng aktres, “After a few days noong after kong magpaalam kay Momskie, nagising siya [Luis] sa katotohanan.”

LESSON FROM THE PAST

Sa huli, piniling manatili ni Jessy sa piling ni Luis dahil sa pagmamahal niya rito.

Nagkaroon man daw sila ng noon ng hindi pagkakaintindihan, mas nanaig sa kanilang dalawa ang ipinangako nila sa isa’t isa na magsasama sa hirap man at ginhawa.

Ani Jessy: “It wasn’t easy. Gradual na nangyari na nakakalas siya sa mga taong yon.

“Hindi naman ako yung taong masabi na, ‘I told you so,’ but you know I got vindicated din. Kasi, kumbaga, lumabas na nga yung totoo na hindi nga sila okay.

“Marami ring nawala kay Howhow [Luis], marami rin nasira. Pero grabe talaga kapag pamilya ko kasi yung ginalaw niyo, gagawin ko talaga ang lahat para malabas yung totoo.

“Grabe, postpartum ako, tapos lumabas pa yon, ang bigat sa pakiramdam.

“Ayun yung feeling na may pinagdaraanan yung asawa mo, tapos yung pamilya mo, e, talagang nagulo.

“Yung feeling, parang gusto mo na lang talaga [siyang] iwan. Pero oo nga pala, kasal nga pala tayo. Hindi tayo puwedeng basta-basta maghiwalay.

“I guess, ginawa yon ni Lord para mas mapalakas yung relationship [namin] sa isa’t isa.”

Sa ngayon ay tatlong taon nang mag-asawa sina Jessy at Luis. Mayroon na rin silang isang anak, si Rosie, 1.

Hindi tinukoy ni Jessy kung sino ang mga kaibigan ni Luis at kung ano nangyari.

Ngunit noong unang bahagi ng 2023 ay nasangkot ang pangalan ni Luis sa mga reklamo ng ilang investors laban sa Flex Fuel Petroleum Corporation, na pinamumunuan ng sinasabing “childhood friend” ng TV host-actor.

Pero base sa isinagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI), napatunayang walang kinalaman si Luis sa syndicated estafa case na isinampa laban sa Flex Fuel.