Mike Magat no victim of sexual harassment

Pinaninindigan na ng character actor na si Mike Magat ang pagiging full-time director.

Siya ang nagdirehe at siya rin ang bidang aktor sa pelikulang Seven Days na showing sa sinehan simula September 11, 2024.

Hindi ba siya natakot na gumawa ng pelikula ngayong medyo mahina ang kita sa mga takilya?

“Actually, iyon nga yung ano, e, actually hindi,” umpisang sinabi ni Mike. “Kasi ano ako, e, go lang ako nang go, para bang try ako nang try.

“Lahat naman ng bagay kung hindi mo susubukan, hindi mo malalaman. E, kung hindi ko gagawin, paano ko malalaman yung conflict, yung problem?

“So gawin mo, so walang mawawala, walang masama kung susubukan mo, di ba, as long na ginagawa mo yung tama, as long na hindi ka nakaka-agrabyado ng kapwa, as long na yung mga proyekto mo, e.

“Nagbibigay ka ng inspiration, ng good message sa mga tao, naihahatid mo yung gusto mong iparating sa pamamagitan ng paggawa ng pelikula.

“Iyon lang po yun. Aside dun, ako, tapos na po ako sa parang gusto kong maging popular or hindi po, e, kasi naranasan ko na rin pong mag-artista.”

Ang punto ni Mike, kung kaya, pursue your passion.

Dugtong niya, “Tatlong dekada na po ako sa showbiz. Ito naman po itong edad ko na ito, siguro passion ko na ito, e, yung pagdi-direct, tapos makatulong sa kapwa. Ito na.”

Ang Seven Days ay nasa ilalim ng producer na si Sherielene Sonza ng Channel One Global Entertainment Production, TASK Co. Ltd., at JP Entertainment.

Lead actress dito ang beauty queen na si Catherine Yogi, ang nagwaging Mrs.Tourism World Philippines-Japan 2021, at ang cinematographer ng pelikula ay si Miguel Sonza.

Seven Days director-lead actor Mike Magat and lead actress Catherine Yogi
Seven Days director-lead actor Mike Magat and lead actress Catherine Yogi

Photo/s: Rommel Gonzales

MIKE MAGAT ON SEXUAL HARASSMENT ISSUE IN SHOWBIZ

Napadako ang usapan sa mainit na isyu ngayon sa showbiz: tungkol sa sexual harassment.

Si Mike noon ay nagsimula bilang hunk actor sa ilang sexy films, tulad ng 1996 film na Nights Of Serafina ng direktor na si Joey Gosiengfiao.

Nakasama rito ni Mike si Giorgia Ortega bilang Serafina at sina Angelika dela Cruz, John Apacible, Tyrone Suarez, Hector Gomez, Jo-an Jackson, at marami pang iba.

Sa kabuuan ng pelikula ay laging hubad si Mike.

Ang diretsong tanong kay Mike: Nakaranas ba siya ng sexual harassment noon?

“Actually, that time kasi noon, noong mga panahon ko noon, talagang halos mas ano ako, e, parang bato-bato na nakakatakot ako na alam mo yun,” at tumawa si Mike.

“Parang, ‘Nakakatakot na lapitan ito,’ ganun.

“Ngayon, merong mga nagbibiro sila sa akin, pero ang ginagawa ko, comedy, yung parang nagtatawanan lang kami, parang, ‘Uy Mike, ganito, ganun.’

“Tapos minsan nga, parang alam mo yung wala sa isip ko yung ano, yung mga bagay, na mga salita noong araw, kahit nagsisimula ako.

“Kung meron man na nag-iisip sa akin that time, nung mga time na yun, pero sa akin, hindi ko iniisip yun.”

Dinadaan niya sa biro kapag may nag-a-attempt sa kanya na mga bading?

“Oo, yung may nag-a-attempt…”

Halimbawa ay nangyayakap?

“Oo,” pagsang-ayon ni Mike, “ang gagawin ko, yayakapin ko rin siya. So alam mo yung para siyang magugulat lang na ganun, pero walang ano, walang… wala nung tinatawag na parang hina-harass.”

Kumbaga ay hindi siya nakaramdam ng pambabastos.

Wala, wala, walang ganun.”

MIKE MAGAT ON working with joel lamangan

Mainit rin na isyu ngayon ang tungkol sa pang-aakusa sa direktor na si Joel Lamangan ng sexual harassment.

Joel Lamangan nagkomento sa sexual abuse sa showbiz

Direk Joel Lamangan, may hirit sa alegasyon laban sa kanya

Naging direktor ni Mike noon si Joel, pero hindi niya mai-connect ang alegasyon sa naging karanasan niya nung nakatrabaho ang direktor.

“Actually, si Direk Joel, napakabait niya, grabe ang bait,” bulalas ni Mike.

“At talagang matulungin si Direk Joel. That time na yun, nung naging direktor ko siya, talagang very strict. Nakakatakot nga si Direk Joel, e, di ba?

“Pagka yung, pag sinabing acting, acting iyan, halos pag dumarating na si direk kailangan naka-ready ka na, at hindi ka puwedeng ma-take one o ma-take two.

“Yung ano, yung teleserye namin iyong Kung Mawawala Ka.

Umere sa GMA-7 ang Kung Mawawala Ka, na pinagbidahan nina Sunshine Dizon, Cogie Domingo, Eddie Garcia, at Hilda Koronel mula April 2002 hanggang June 2003.

Nakagawa na rin si Mike ng ilang action films na idinerehe ni Joel.

Pero wala silang sexy-themed project.

Kaya biro namin kay Mike, hindi umabot sa punto na pina-plasteran siya?

“Wala, at saka si Direk Joel, mabait sa akin si Direk Joel.

“Wala, siyempre, nagulat din ako,” pagpapatuloy pa ni Mike tungkol sa isyu, “pero kilala ko si Direk Joel, mabait, e, di ba?

“So siyempre tayong lahat, iba-iba ang ating interpretasyon sa tao, iba-iba iyan, e.

“So that time na yun, kasi panahon nung araw si Direk Joel talagang napaka-istrikto, pag nagalit…kaya kailangan yung akting mo, talagang gawin mo, e.

Kaya yun lang, wala akong ano kay Direk Joel, so kung merong mga ganyang issue man, siguro, e, hindi natin…Ako, hindi ko alam. Wala tayong…”

Baka miscommunication lang?

“Miscommunication or misunderstanding, ganun.”

Director na si Mike, gusto niya ba balang-araw ay mapantayan ang galing ng isang Joel Lamangan?

“Oo naman,” ang mabilis na sambit ni Mike. “Idol natin si Direk Joel, lalo na pagdating…actually, sa kanya ko natutunan yung pagiging seryoso, pag direktor, direktor ka.

“Dapat bago ka magturo, bago… halimbawa, may idinidirek ka, yung idinidirek mo, bago siya magturo, maging direktor muna siya, kasi mayroong mga idinidirek na minsan mas nagmamarunong.

“So dapat bago ka mag-ano, bago ka magsabi, kasi iyan, si Direk Joel, ganun, kanya-kanyang role, e.”

Kumbaga bago mo mai-direk ang isang artista, dapat ikaw mismo, seryoso kang direktor muna? Iyon!

“Siyempre bilang direktor, kailangan ano ka, very strict ka, seryoso, huwag kang parang, siyempre paano kang, at saka sa set, iba yung ano pag shooting-shooting.

“Kasi ang oras, napaka-strict ang oras, pag nagbagal kayo sa oras, parang hahaba ang oras.”

Gusto niyang handa na ang artista niya pagdating sa set.

“Oo, another day na naman yun, hindi mo nakunan ngayon, another day na naman yun.”

Nakapanayam namin si Mike sa special screening ng Seven Days sa Mowelfund compound nitong Miyerkules, September 4.