Michael Sager names Kate Valdez as his dream leading lady

Masayang-masaya ang Kapuso actor na si Michael Sager na sa wakas ay nakasama at nakatrabaho na niya ang aktres na si Kate Valdez.

Sina Michael at Kate ay tampok sa Philippine adaptation ng Koreanovela na Shining Inheritance na mapapanood sa GMA afternoon prime, simula ngayong Lunes, September 9, 2024.

Ang orihinal na Shining Inheritance ay pinagbidahan nina Lee Seung Gi, Han Hyo Joo, Moon Chae Won, at Bae Soo Bin noong 2009.

Sa Philippine adaptation ay gaganap si Michael bilang Euan De La Costa, habang si Kate naman ay si Inna Villarazon.

Sa ginanap na media conference ng Shining Inheritance noong August 30, nabanggit ni Michael ang matagal na niyang pangarap na naisakatuparan nang mapasama siya sa bigating cast ng teleserye.

Ito ay ang makatrabaho ang isa sa hinahangaan niyang artista at dream leading lady — si Kate.

Michael Sager names Kate Valdez as his dream leading lady
(L-R) Seth Dela Cruz, Direk Jorron Monroy, Wendell Ramos, Michael Sager, Coney Reyes, Kate Valdez, Kyline Alcantara, Paul Salas, Aubrey Miles, Roxie Smith, and Charuth.

Photo/s: Khryzztine Joy Baylon

MICHAEL ON WORKING WITH KATE

Kuwento ni Michael, noon pa man ay napapabilib na siya sa husay ni Kate bilang isang artista.

Kaya ganoon na lang daw ang kanyang saya at pagka-excite nang malamang makakapareha niya sa Shining Inheritance si Kate.

Aniya, “Na-confuse ako kay Kate noong una, mayroon kasi kaming one-on-one workshop dito. Mysterious talaga si Kate.

“Mysterious in a way na once nag-bloom na siya sa set, grabe, mapapa-wow ka na lang na napakagaling ni Kate and, for me, doon yung starstruck.”

Aminado rin si Michael na may mga pagkakataong natatameme pa rin siya kapag kausap at kaeksena niya si Kate.

Gayunpaman, nagpapasalamat si Michael sa pagkakataong ibinigay sa kanya ng GMA-7 na makatrabaho ang kanyang dream leading lady.

Saad ng aktor, “Na-starstruck ako kay Kate, hindi lang sa ganda pero sa ganda ng work niya. Minsan hindi na nga ako nakaka-dialogue.

“I always mentioned in interviews before that my dream leading lady is Kate Valdez, so maraming salamat po na naka-partner ko pa si Kate.”

Bukod kina Michael at Kate, kasama rin sa cast ng Shining Inheritance sina Coney Reyes, Kyline Alcantara, Paul Salas, Wendell Ramos, Glydel Mercado, Aubrey Miles, Roxie Smith, Gio Alvarez, Dave Bornea, Jamir Zabarte, Seth Dela Cruz, at Charuth.