10 sugatan sa pagkahulog ng jeep sa Cagayan
Nananatili sa pagamutan ang isa sa sampung pasahero na nasugatan sa pagkahulog ng isang pampasaherong jeep sa bayan ng Penablanca, Cagayan.
Ang pinakabata sa mga biktima ay edad 8 habang ang pinakamatanda ay 68 na pawang magkakamag-anak at residente sa Brgy Nabbabalayan na manonood lamang sana ng LIGA at magbigay suporta sa basketball team ng kanilang barangay.
Ayon kay PLT Rosemarie Moreno, deputy chief of police ng PNP- Penablanca, isasailalim sa operasyon ang walong taong gulang na bata dahil sa tinamong bali sa kanyang hita.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na nawalan ng hangin ang airbreak ng sasakyan habang ibinababa ang nasa 20 pasahero ng jeep sa paakyat na bahagi ng lansangan sa Brgy Mangga.
Dahil dito ay hindi nakontrol ng driver na si Nicanor Danao ang manibela nang umatras ang jeep at dumiretso sa bangin.
Naiwasan namang mahulog ang jeep sa sampung talampakan na lalim ng bangin sa tulong ng mga puno kung saan sumabit ang sasakyan.
Sa ngayon ay hindi na magsasampa ng kaso ang mga biktima laban sa driver dahil sa kamag-anak nila ito.