Vlogger na nagdrift sa calle comercio dito sa lungsod ng Tuguegarao maaaring maharap sa kasong alarm and scandal sa PNP
Nakatakdang idulog sa Land Transportation office (LTO) Region 2 para sa kaukulang aksyon laban sa isang vlogger na nag drift sa calle comercio dito sa lungsod ng Tuguegarao.
Ayon kay Pcapt. Rico Onate, chief ng highway patrol group (HPG) cagayan, hindi umano dapat ginagawa sa pampublikong kalsada ang pag didrift dahil mga eksperto lamang ang gumagawa nito sa mga piling aktibidad tulad ng racing competition.
Kasunod ito ng pag viral sa kopya ng cctv kung saan makikita ang dalawang pag ikot ng isang sports car sa intersection na para umano sa vlogging na malinaw na paglabag sa umiiral na batas trapiko.
Delikado umano ito kahit na walang sasakyan o mga tao dahil sa isang pagkakamali lamang ay posibleng may mga masisirang establishimento o madamay na indibidwal sa nasabing lugar.
Maaring batayan ang kanyang aksyon sa pagsasampa ng kasong alarm and scandal sa PNP habang posibleng umabot sa pagtanggal o pagbawi sa kanyang lisensiya at registration ng LTO kung saan inaasahan na mabibigyan ito ng show cause order.
Ganito rin ang naging punto ni Tuguegarao City Mayor Maila Ting Que matapos personal na magtungo sa himpilan ng pulisya ang driver at humingi ng paumanhin.
Ayon sa alkalde na maaring maging dahilan ng aksidente ang ginawa ng vlogger na kinilalang si Prince Jhun Maddela kung kayat pinaalalahanan din nito ang lahat na maging maingat sa pagmamaneho.
Nangako naman si Maddela na hindi na ito mauulit pa kasabay ng kanyang paalala sa publiko lalo na sa kanyang mga followers na huwag tutularan ang kanyang naging aksyon.
Samantala, inaalam na ng PNP Tuguegarao kung sino ang mga nakaduty na pulis na malapit sa lugar upang pagpaliwanagin kung bakit wala ang mga ito na siya sanang sumita sa naturang driver.