Halaga ng danyos na iniwan ng bagyong Enteng sa imprastraktura, halos P140 million na – DPWH
Lalo pang lumubo ang halaga ng pinsala na inabot ng mga pampublikong imprastraktura kasunod ng pananalasa ng bagyong Enteng.
Ayon sa Department of Public Works and Highways(DPWH), umabot na ito sa humigit-kumulang P139 million.
Ito ay mula sa mga kalsada, tulay, at mga flood control project, na dinaanan ng bagyo sa limang rehiyon sa Luzon at Visayas.
Binubuo ito ng P84.39 million sa mga kalsada, P12.420 million sa mga tulay, at P42.75 million sa mga flood control structure.
Naitala naman ng Cordillera Administrative Region (CAR) ang pinakamalaking danyos na umabot sa P49.43 million.
Tiniyak naman ng DPWH na tututukan ang mga napinsalang istraktura upang agad maibalik sa dating kundisyon at magamit muli ang mga ito.
Samantala, ang iba pang mga istraktura na nagtamo lamang ng minor damage ay agad ding naayos at balik normal operasyon na.