Mel Tiangco reacts to Iya Villania’s fifth pregnancy

Extra special ang pagbabalik ng TV host-actress na si Iya Villania sa 24 Oras nitong Miyerkules, September 4, 2024, matapos niyang mamahinga at magbakasyon.

Naging mainit ang pagsalubong sa kanya ng mga kasamahan niya sa GMA-7 news program na sina Mel Tiangco, Pia Arcangel, at Emil Sumangil dahil sa balitang nagdadalantao si Iya sa ikalima nilang anak ng asawang si Drew Arellano.

Nitong September 4, nag-post si Iya sa Instagram para isapubliko ang bagong blessing na paparating sa kanilang pamilya.

Ngunit kalakip ng pagbati ng mga kasamahan niyang 24 Oras anchors ay ang panunukso ng mga ito, partikular na si Mel.

Sa closing spiels ng news program, pahaging na tinukso ni Mel si Iya sa muli nitong pagbubuntis.

Aniya, “Uy, welcome back from your two-day vacation. Ha? Tapos may baby nang dala at panglima?

“Ano ba yun, Drew? Ngayon lang ako nakarinig ng ganyan, ha?”

Dahil sa reaksiyon na ito ni Mel ay hindi napigilang mapahagikhik sa tawa ni Iya, gayundin nina Pia at Emil.

Mel Tiangco reacts to Iya Villania's fifth pregnancy
Iya Villania (left) and Mel Tiangco (right)

Photo/s: Screengrab @GMA Network

Sagot ni Iya kay Mel, “Huwag mo na akong pagalitan, Tita.

“Ay naku! Pero last na talaga. Last na talaga! We’re a growing family.”

Natatawang saad naman sa kanya ni Mel, “Growing and growing and growing and growing!

“Congratulations. I’m so happy for you.”

NETIZENS’ REACTION TO iya’s pregnancy

Kung si Mel ay nagulat, may ilan namang netizens ang nasanay na lang sa halos taun-taon daw na pagbubuntis ni Iya.

Komento ng isan netizen (published as is), “Masanay ka na miss Mel, ganyan talaga kapag walang biyahe si Drew.”

Mel Tiangco reacts to Iya Villania's fifth pregnancy

Photo/s: Screengrab @Facebook

Sabi pa ng isa (published as is), “Nag isang Anak lang yata c Drew kaya gusto nya maraming anak para my mga kapatid mga anak nya, Congrats drew iba ang AHA.”

Mel Tiangco reacts to Iya Villania's fifth pregnancy

Photo/s: Screengrab @Facebook

Dagdag pa ng isa (published as is), “Soon to maternal leave na naman hehe kakabalik lang.”

Mel Tiangco reacts to Iya Villania's fifth pregnancy

Photo/s: Screengrab @Facebook

DREW’S PLAN TO GET A VASECTOMY

Noong June 29, 2023, sa panayam nina Drew at Iya sa Fast Talk With Boy Abunda ay ibinunyag ng mag-asawa ang plano nilang pagpapa-vasectomy para hindi na muling masundan ang bunso nilang si Astro.

Ang vasectomy ay isang minor surgical procedure na isinasagawa sa mga lalaki para pigilan ang sperm cell na maabot at ma-fertilize ang egg cell upang mapigilan ang pagbubuntis ng babae.

February 2014 nang ikasal sina Iya at Drew.

Sa ngayon ay apat na ang anak nina Iya at Drew—sina Antonio Primo, 7; Alonzo Leon, 5; Alana Lauren, 3, at Astro Phoenix, 2.