Erwan Heussaff shuts down breakup rumors with Anne Curtis

Pinabulaanan ni Erwan Heussaff ang kumakalat na espekulasyong hiwalay na umano sila ng asawang si Anne Curtis.

Nagsimula ito sa isang blind item tungkol sa dalawang showbiz personalities na hiwalay na raw.

Paglalarawan sa nasabing blind item, mag-asawa ang dalawa.

Bagamat hindi raw artista ang lalaki, kilalang-kilala ito sa showbiz dahil sa kanyang misis na sikat namang artista.

Marami sa netizens ang humulang sina Erwan at Anne ang tinutukoy sa blind item.

NETIZENS ASSUME ANNE AND ERWAN’S RELATIONSHIP ON THE ROCKS

Mas nagliyab ang hinala ng netizens nang lumipad kamakailan sa ibang bansa si Anne, kasama ang anak na si Dahlia, ngunit wala si Erwan.

Noong August 31, 2024, nag-post si Anne sa Instagram ng mga kuha nilang larawan sa Australia, kasama si Dahlia, kapatid na si Jasmine Curtis-Smith, at inang si Carmen.

Wala rin si Erwan sa ipinost na photo collage ni Anne sa kanyang July at August dump sa Instagram.

Dahil sa madalas na hindi pagsama ni Erwan sa mga biyahe ni Anne at Instagram posts ng Kapamilya star, binigyang kulay ito ng ilang netizens.

Hinimay-himay na nila ang iba pang detalyeng “pruweba” raw na hiwalay na ang dalawa.

Isa rito ang hindi na pagsuot ni Erwan ng kanyang wedding ring sa latest Instagram post nito.

Noong September 2, nag-post si Erwan ng video niya habang nagluluto ng chicken cordon bleu.

Isang netizen ang nakapansing walang suot na singsing ang Filipino-French content creator/businessman, kung kaya’t napakomento ito.

Saad ng netizen (published as is), “He is no longer wearing the wedding ring [crying emojis].”

Napansin ni Erwan ang komento ng netizen, at agad nag-reply para itanggi ang kumakalat na balitang hiwalay na sila ni Anne.

Ani Erwan, “[L]ol, you shouldn’t believe news from random accounts on Facebook.”

Depensa naman ng netizen, hindi siya masisisi ni Erwan dahil sanay itong makita ang mister ni Anne na laging suot-suot ang kanyang wedding ring.

Aniya, “@erwan sorry po, nasanay lang siguro ako na all vids mo you always wear it.”

Hindi na sumagot si Erwan.

Erwan Heussaff shuts down breakup rumors with Anne Curtis

Photo/s: Screengrab @Erwan Heussaff on Instagram

JASMINE CURTIS-SMITH DENIES BREAKUP RUMORS around ANNE AND ERWAN

Samantala, bago pa man magsalita si Erwan tungkol sa maling espekulasyon sa relasyon nila ni Anne ay nauna na itong pinabulaanan ng kapatid ng aktres na si Jasmine Curtis-Smith.

Noong August 31, nag-post sa Facebook si Jasmine ng larawan nilang magkakasama nina Anne, Dahlia, at Carmen sa Australia.

Sa caption, sinabi ni Jasmine na bagamat wala siya sa lugar para magsalita ay nais niyang matuldukan na ang maling haka-haka sa relasyon ng kanyang nakatatandang kapatid.

Diin ng Asawa Ng Asawa Ko star, “fake news” ang napapabalitang breakup nina Anne at Erwan.

Mababasa sa kanyang caption (published as is): “Hi everyone and happy weekend. Ayoko na sana i-address to dahil alam ko naman my sister’s and my supporters are wiser, but wag tayo magpadala sa fake news here on FB or TikTok.

“We are peacefully bonding and enjoying each other’s company in Australia at the moment. love love love!”

Erwan Heussaff shuts down breakup rumors with wife Anne Curtis

Photo/s: Screengrab @Jasmine Curtis-Smith. The curtis-smith family: jasmine, mother carmen, granddaughter dahlia, and anne.

Ikinasal sina Anne at Erwan sa New Zealand noong 2017, makalipas ang anim na taon nilang pagiging magkasintahan.

Samantala, habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang inilalabas na reaksiyon o pahayag si Anne tungkol sa isyu.