Is Ara Mina running for councilor in Pasig City?

Maugong ang usap-usapang tatakbo bilang konsehal ng Pasig City ang aktres na si Ara Mina sa 2025 mid-term elections.

Ilang beses nang namataan si Ara, kasama ang mga katiket umano niya, na nag-iikot-ikot sa mga barangay sa Pasig para sa gift-giving at medical mission.

Ang sinasabing sasalihang partido ni Ara ang makakalaban ng partido ng kasalukuyang Pasig City Mayor Vico Sotto sa 2025.

Diretsahang tinanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Ara kung totoo ang balitang ito.

“Well, maraming bali-balita. Maraming nag-o-offer sa akin,” pag-amin ng aktres.

Wala pang direktang pahayag si Ara kung tuloy ang kanyang pagkandidato sa 2025 elections.

Sabi lang niya, “So, we’ll see. Pag-uusapan muna namin ng family ko,”

Kung siya ang masusunod, ano ang nakikita niyang gusto niyang mangyari?

“Kasi, ang plan ko noon, wala munang politics,” saad ni Ara.

“Pero alam niyo, every election naman, palaging may offer, e. So, tingnan natin, tingnan natin.

“At saka ako, alam niyo naman ako, tumutulong naman ako kahit na wala tayo sa politics, wala namang problema.”

Hindi naman itinanggi ni Ara ang posibilidad na pasukin nga niya ang pulitika sa Pasig.

“Hindi ko naman sinasara yung door ko,” pagtatapat niya.

Walang binanggit si Ara, pero maugong na konsehal ang posisyong tatakbuhan niya.

ARA MOVIE ON HER ROLE IN MAMAY MARCOS STORY

Kasama si Ara sa pelikulang Mamay: A Journey to Greatness, The Marcos Mamay Story, na tungkol sa buhay ni Mayor Marcos Mamay ng Nunungan, Lanao del Norte.

Si Ara ang gumaganap bilang si Catthy, ang asawa ni Mayor Mamay na ginagampanan naman ni Jeric Raval.

Ayon kay Ara, “The challenge is the story. Pero yung character ng wife niya, very submissive, supportive.

“Siguro sa tingin ko, nagampanan ko naman nang mabuti.

“Hindi mahirap gampanan yung character ng asawa ni Mayor kasi nga, mabait.”

Tila may kahawig ito sa pagiging supportive wife niya sa mister na si Dave Almarinez.

“Hindi na ko umakting! Joke lang,” natawang hirit ni Ara.

“Pero minsan gusto kong ginagampanan yung kontrabida para lumalabas ang comfort zone ko.”