LTO Region 2 tiniyak ang imbestigasyon sa reklamong iisa ang may-ari ng mga accredited driving school at medical clinic sa mga LTO sa Isabela

CAUAYAN CITY – Tiniyak ng Land Transportation Office o LTO Region 2 na kanilang iimbestigahan ang ibinunyag ni Isabela 6th District Representative Congressman Inno Dy kaugnay sa natatanggap nilang reklamo na umano’y iisa lamang ang may-ari ng mga accredited Driving School at Medical Clinic ng mga tanggapan ng Land Transportation sa Isabela.

Naging malaman ang pagbubunyag ni Congressman Dy patungkol sa natatanggap nilang reklamo kaugnay sa sampung Driving School at Medical Clinic na accredited ng LTO na pagmamay-ari lamang ng iisang tao.

Sa naging interpelasyon sa ginawang budget hearing ng Committee on Appropriations ay kinuwestiyon ng mambabatas  si LTO Assistant Secretary Vigor Mendoza II kung paanong nakalusot at nabigyan ng accreditation ang inirereklamong Driving School na siyang namamahala sa labing-isang driving schools sa buong Region 2.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Manuel Baricaua ng LTO Region 2 sa panunungkulan pa ni LTO Asst. Sec. Edgar Galvante nag-umpisa ang accreditation ng driving school at medical clinic.

Batay aniya sa unang memorandum circular, wala pang prohibisyon o nagbabawal na isa lamang ang magmay-ari ng driving school at medical clinic kaya maraming nag-invest dito noong 2020.

Ipinagbawal na ito sa panahon ng panunungkulan ni LTO chief Asec. Jay Art Tugade ngunit ang pinag-aaralan nila ngayon ay kung magiging retroactive na ang mga naunang na-accredit na isang may ari ng driving school at medical clinic at kada dalawang taon ang kanilang renewal.

Isa aniya ito sa kanilang magiging report sa Land Transportation Central Office.