Ginamit ni Senate President Chiz Escudero ang titulo ng libro ni Vice President
Ginamit ni Senate President Chiz Escudero ang titulo ng libro ni Vice President Sara Duterte, ang ‘Isang Kaibigan,’ upang ilarawan ang napanood niyang pagharap ng opisyal sa budget deliberation ng Kamara nitong Martes, Agosto 27.
Ayon kay Escudero, malinaw daw namang nakita sa inasal ni VP Sara na hindi ito sanay ng inuusisa at hindi umaayon sa gusto niya ang mga nangyayari.
Tinukoy ni Escudero ang paulit-ulit na pagtanggi ng Bise Presidente na direktang sagutin o idepensa ang panukalang mahigit P2-bilyon budget para sa Office of the Vice President (OVP) sa 2025, lalo na nang usisain ng ilang kongresista ang paggastos sa P125-million confidential funds ng tanggapan nito noong 2022.
May punto pa na hiniling ng Bise Presidente na palitan si Marikina City Rep. Stella Quimbo, senior vice chairperson ng House Committee on Appropriations, bilang presiding officer ng budget hearing dahil iginigiit ng kongresista na sagutin ni VP Sara ang mga tanong ng panel members.
“Maliwanag sa napanood ko kahapon na una: Hindi isang kaibigan si Vice President Sara sa ilang miyembro ng Kamara at sa Kongreso kahapon. Sana magbago ‘yun sa susunod na pagdinig,” sabi ni Escudero, tinukoy ang pagpapatuloy ng House budget deliberation para sa OVP na itinakda sa Setyembre 10.
#PilipinasToday
#VPSaraDuterte
#SaraDuterte
#Duterte
#ChizEscudero
#WannaFactPH