Sen. Jinggoy Estrada airs side on viral TikTok video

Dinepensahan ni Senator Jinggoy Estrada ang sarili laban sa batikos dala ng viral video kunsaan makikitang nakikipagtalo siya sa isang babae.

Nitong Biyernes, August 23, 2024, nang mag-trend ang TikTok video nang pagkompronta ng senador sa isang babae.

Hindi malinaw kung paano nagsimula ang kanilang pagtatalo, ngunit maririnig sa video ang malumanay na pagpapaliwag ng babae kay Estrada at sa ilang kasama nito.

Sa gitna ng kanilang pag-uusap, nagkainitan nang lumapit si Estrada sa babae at saka dinuro ito.

“Huwag niyo akong hino-hoy. Porke senador kayo?,” maririnig na sabi ng babae sa senador.

Dagdag pa ng babae, “Huwag kayong bastos, makipag-usap kayo ng maayos.

“Hindi porket nasa taas kayo, ganyan kayo.”

@bannerph “Porke Senador kayo? #jinggoyestrada ? original sound – BannerPH

Sa comments section ng viral video, isang netizen ang nagkomento kung ano ang pinag-ugatan ng pakikipagtalo ng senador.

Ayon sa netizen, kuha ang video sa Brgy. Batis, San Juan City kunsaan nagtungo si Estrada para bumisita sa mga residenteng nasunugan.

Ang babae raw na kausap ni Estrada ay isang opisyales sa San Juan. Nakiusap daw ito na ipagpabukas na ang pagdalaw dahil dis oras na ng gabi nang dumating sa evacuation center ang senador.

Hindi raw pumayag si Estrada kaya’t nauwi sila sa pagtatalo.

Sen. Jinggoy Estrada explains his viral video arguing with a woman

Photo/s: Screengrab @TikTok

Dahil dito, katakut-takot na batikos ngayon ang ibinabato sa senador.

SEN. ESTRADA DEFENDS HIMSELF AGAINST CRITICISM

Agad nakarating kay Estrada ang video, kalakip ang mga negatibong komento sa kanya ng netizens.

Naglabas ng official statement si Estrada nitong gabi ng Biyernes, August 23, para sagutin ang aniya’y mapanirang akusasyon sa kanya.

Ayon kay Estrada, noon pang April 18, 2024 kuha ang video sa isang gymnasium sa Brgy. Batis, San Juan City, kunsaan naghatid siya ng tulong sa mga nasunugan.

Noong gabi raw na iyon ay sinadya talaga nina Estrada na puntahan ang kaniyang mga kababayan para ianunsyo na kinabukasan ay mamimigay siya ng cash assistance.

Si Estrada ay dating alkalde ng San Juan City.

Ilang oras daw nakiusap ang tauhan ni Estrada sa mga opisyales na bantay, ngunit hindi raw sila pinayagang makapasok para makausap ang ilang residenteng apektado ng sunog.

Nang makarating daw sa senador ang hindi pagpapapasok sa mga tauhan niya, napilitan na raw siyang personal na magtungo rito para siya na ang makiusap.

Saad ni Estrada: “Para sa kaalaman ng lahat, ang TikTok video na kumakalat ay patungkol sa isang insidenteng nangyari nitong April 18, 2024, kung saan nagtungo ako para ipabatid sa mga nasunugang residente ng Brgy. Batis, San Juan City na pansamantalang namamalagi sa isang gymnasium na mamimigay ako ng cash assistance sa kanila kinabukasan.

“Ang simpleng pag-aanunsyo na pakay ng mga kinatawan ng aking opisina na nagtungo doon para makipag-coordinate sa kanila, ay pilit na pinipigil ng mga lokal na opisyal ng San Juan na naroroon sa lugar ng mga oras na iyon, sa kadahilanan na sila lamang ang nakakaalam.

“Mahigit isang oras nang nakikiusap ang mga kinatawan ng aking opisina sa pag-aanunsyo sa mga nasunugan para maayos ang mangyayaring pamimigay ng tulong, alinsunod na rin sa patakaran na ipinatutupad ng lokal na pamahalaan ng San Juan, ngunit hindi sila pinapayagan.

“Maayos na nakikipag-usap at nakikiusap ang aking staff ngunit hindi sila nakikipagtulungan.

“Kaya napilitan ako na ako na mismo ang pumunta para kausapin sila nang maayos ngunit walang gustong humarap sa amin. Ito ang nagbunsod para kumprontahin ko ang isa sa kanila.”

SEN. ESTRADA: “Ako po ay Senador at ginagamit ko ang posisyong ito para makatulong…”

Ibinahagi rin ni Estrada na inakusahan siya ng babae sa video na inaabuso niya umano ang kanyang posisyon sa gobyerno.

Depensa ng senador, wala siyang ibang pakay nang magpunta sa lugar kundi makatulong.

“Sa nasabing video, gusto nilang palabasin na ginagamit ko ang aking posisyon para gawin ang gusto kong mangyari ‘porke senador kayo,'” paliwanag ni Estrada.

Trabaho raw niya bilang senador ang umaksyon sa oras ng trahedya o kalamidad.

“Opo, ako po ay Senador at ginagamit ko ang posisyong ito para makatulong lalong lalo na sa mga taga-San Juan na kinalakihan ko at hindi ko hahayaan na mapigilan ako na makiramay sa mga nangangailangan sa panahong kailangang-kailangan nila ng tulong.

“Gayunpaman, nangyari ang pag-aanunsiyo ko nang payagan ako ng mga pulis na nandoon ng oras na iyon.

“Dahil naiparating namin sa mga biktima ang pakay ko na pagtulong, naisagawa namin ang pamimigay ng cash assistance.”

Sa huli, suspetsa ni Estrada na may bahid ng pamumulitika ang pagpapalabas ng kanyang video.

Sabi ng senador (published as is): “Ang pagpapalabas at pagpapakalat ng mapanirang tiktok video ay malinaw na malinaw na may bahid pulitika.

“Kung bakit ngayon ito ipinakalat, tanging ang mga nasa likod nito ang siyang makakasagot.

“Hinding hindi ako magpapatinag sa mga paninira dahil alam ko na lalabas at lalabas ang katotohanan.”

“Hinding hindi ako mapipigilan na tumulong sa aking mga kababayang nangangailangan sa abot ng aking makakaya, senador man ako o hindi.”