BAGO KA BUMOTO
Panahon na naman ng halalan. Ilang buwan na lang, muli na naman tayong magpupunta sa mga botohan upang pumili ng mga mambabatas, mga alkalde, bise-alkalde, mga konsehal, gobernador, bise-gobernador, at mga sangguniang panlalawigan.
Sana bago ka bumoto, mapagmunihan mo ang katotohanan na ang pagboto at ang boto mo, itong sagradong karapatang ito, ay hindi lamang madaling gawain; ito ay isang sagradong pagkilos, isang mahalagang responsibilidad na kailangan mong seryosohin at pahalagahan nang tama at nang may katalinuhan… puno ng mga pagsasa-alang-alang na dapat mong bigyan ng sapat na pansin at ilatag sa maliwanag na kamuwangan.
Sana bago ka bumoto, maisip mo na ang gagawin mo ay isang pagkilos na sumasalamin sa kung anong klase kang mamamayan, kung anong klase kang ehemplo o halimbawa sa iyong komunidad, sa iyong pamilya, at sa iyong mga katrabaho.
Sana bago ka bumoto, maisip mo na ang iyong boto, bagama’t iisa lang, ay hindi lang “isa” ang katumbas na kapangyarihan at ang katumbas na resulta; ang nag-iisa mong boto mo ay isa ring pagpapala na kung gagamitin mo ito nang tama at may sapat na kabuluhan, ay maaaring magbungan ng biyaya kung saan marami ang may mapapala.
Sana bago ka bumoto ay isipin mo at alalahanin mong mabuti kung ang iyong mga iboboto ay MABUTI bang iboto o mabuti pang ibotong muli… kung sila ba ay karapatdapat sa iyong boto na matagal din nilang inasam… kung sila ba ay tunay na mabuting tao, mabuting kapatid, mabuting magulang, mabuting anak, mabuting asawa, mabuting mamamayan, at higit sa lahat, mabuting KAPWA… at mabuti sa kapwa!
Sana bago ka bumoto, natutunan mo ring magtanong ng mga tamang tanong, ng mga tanong na magbibigay sa ‘yo ng sapat na kaalaman at kabatiran tungkol sa mga iboboto mo, ng mga tanong na ayaw ng mga kandidatong nagpapaboto sa ‘yo na itanong mo pa… dahli baka malaman mo ang totoo, ang mga masasaklap na katotohanang magpapabago sa isip mo kapag nabigyan mo ng mga tamang kasagutan ang iyong mga gusto at dapat itanong tungkol sa kanilang buhay, pagkatao, at sa kanilang mga paniniwala. Ngunit alam mo at mas alam nilang DAPAT KANG MAGTANONG AT KARAPATAN MO ANG MAGTANONG TUNGKOL SA KANILA!
Sana bago ka bumoto, maisip mo ang mga taong nasa paligid mo: ang iyong pamilya, ang iyong mga kapitbahay, ang iyong mga kamag-anak, ang iyong mga katrabaho, ang iyong mga kasamahan sa simbahan. Sana pagmasdan mo silang mabuti. Isipin mo sila nang may pagtatangi at nang may pagsasa-alang-alang sa kanilang mga kinasasadlakan at situwasyon sa buhay. Sana isipin mo kung ano ang naging kontribusyon ng iyong huling naging pagboto sa mga kandidatong tumatakbo ngayon at tumatakbong muli ngayon. Sana maisip mo kung tama ba o mali ang naging boto mo noong huli kang bumoto, nang sa gayon ay mas maging malinaw sa ‘yo ang mga dapat mong iboto sa darating na eleksiyon.
Sana bago ka bumoto, isipin mo kung sino sa mga kandidato ngayon ang tumupad sa mga ipinangako nila noong huling panahon ng kampanya at kung sino sa kanila ang hindi. Sana isipin mo kung sino sa mga kandidatong ngayon ang nakaalalang bumalik sa lugar ninyo kahit minsan lang upang magpasalamat o mangumusta o magtanong kung paano siya makakatulong sa lugar ninyo na kaniyang hiningan ng boto, at kung sino sa mga kandidato ngayon ang nakikita mo lang kapag may magiging pakinabang sa kanila ang kanilang pagpunta sa lugar ninyo.
Sana bago ka bumoto, maghanap ka ng mga patunay na makakakumbinsi sa ‘yo para iboto ang mga kandidatong ito o iboto silang muli. Sana maghanap ka ng mga ebidensiya na magpapatunay sa mga pinagsasasabi nila sa kanilang mga kampanya ngayon, sa mga ipinangako nila noong nakaraang kampanya. Sana magbigay sa ‘yo ng kamuwangan at kaliwanagan ang lahat ng iyong makikita at hindi nakita, lahat ng iyong maririnig at hindi narinig, lahat ng iyong naramdaman at hindi maramdaman sa kanilang mga salita, kilos, at gawa!
Sana maisip mo bago ka bumoto, kung totoong may malasakit ba sila sa ‘yo sampu ng mga kapwa mo botante. Sana maisip mo kung paano sila nakinabang sa boto mo, at kung paano nila sinayang at paano mo rin sinayang ang boto mo sa kanila noong nakaraang eleksiyon! Sana maisip mo kung sino sa mga kandidatong ito ang mas lalo pang yumaman at nagpayaman pa.
Sana bago ka bumoto, maisip mong may isip ka, na nag-iisip kang tao. Higit sa lahat, sana maisip mo na hindi ka tanga, hindi ka nila dapat ginagawang tanga, at hindi ka dapat nagpapaka-tanga!
Sana naman matuto ka na talaga.